Sigurado?


“Mahal mo si Annie?”

“Oho.”

“Mario, alam naming responsable ka. Pero kung hindi buo ang isip mo, hindi ka namin pipilitin.”

“Kung hindi naman ho, wala ho ako dito ngayon.”

“Sigurado ka bang talaga?” pang-uusisa ni Mang/Tatay Jun.


Paano ko ito sasagutin? Dahil para sa akin, walang bagay sa mundo ang sigurado.  Kahit nga ang Safe Guard, Head and Shoulders, Biogesic o alcohol hanggang 99.9% lang ang napapangako.

Walang taong sigurado. Maski ako. Kahit dalawang linggo na lang ay magaabang na akong nakatayo sa harap ng altar.  At sa apat na buwan, may bagong dadagdag na buhay  sa aking murang edad.

Sa isip-isip ko, ang matinding katunggali ng kasiguraduhan ay pagbabago. Mortal na magka-away na pinag-aaway ang mga mortal sa mundo. Kaya nagkakaletse-letse ang buhay dahil sa mga umaasang ‘siguradong walang pagbabago’.

Ang pag-ibig, pangarap at kinabukasan, walang kasiguraduhan.  Ang pag-ako ng responsibilidad, yan ang sigurado. Siguradong walang sisihan, walang takbuhan.  At ang paniguradong pagpili ng desisyon sa kung sinong tao ang magpapasaya sa iyo, hindi man naghihiyawan at naghahalakhakan ang paligid mo.


“Mario?”

“Ho?”, ilang segundo na pala akong hindi nakakasagot.

“Sigurado ka ba?”

“Sigurado ho ako kay Annie”, wala ng bawian.

Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay