Sinandomeng
Limang minuto ko nang kinukuskos ang mga plato, kutsara’t tinidor, ihalo pa ang kaldero ng champorado kaninang agahan. Matagal at kinakailangan ng mahabang pasensya lalot’ mahina lang ang bukas ng gripo. Tipid na tipid sa tubig, kahit may Nawasang naghihintay sa tubo. Nakakaya ng Joy ang sebo, pero hindi ang nanigas na butil ng Sinandomeng. Si Cecil lagi ang nagpriprisentang magligpit. Laging masinop at kailanman di nagpapabaya. Pero pagkarating ko ng apartment, mga hugasin ang sumalubong sa akin. Sa kuwardrado at maliit na kwarto, walang bakas ng pambabaing gamit. Mas kapansin-pansin ang espasyo sa gawing kanan ng kuwarto. Wala ang kabundok niyang maruming damit. Hindi na hinintay ang Surf sun fresh at Downy passion na ipinabili sa akin. Pati ang panty na kaninang umaga lang isinampay, kinulang ng pasensya para hintayin mabagal na pagpapatuyo. Kanina, bago ako makalabas ng pinto, kinalabit ako ni Cecil. “Kalian mo ba ako pakakasalan Raymo...