21


Hindi ko na kayang makinig, kung paano ka magsalita na parang wala tayong relasyon. Panay ang pakikipag-usap mo sa iba habang dinadaanan mo lang ako ng iyong mga mata, walang rekognisyon, walang pakiramdam, walang pagpapahalaga.

Nanliliit ako sa harap mo, dahil isa lang ako sa kanila. Habang ikaw, tinitingala, rinerespeto at wala akong iba pang pwedeng gawin kundi sundin at makisama sa senaryong ito.

Kagabi, ang unang pagpapakilala at pag-amin natin sa mga magulang ko. Alam natin pareho na dito magsisimula ang mga paghihirap natin at pagtutol nila. Nakita mo ang lungkot sa aking mga mata, habang tayo ay naglalakad, pinapalibutan ng mga taong nagtataglay ng pagtataka at pangungutya saan man tayo magpunta. Kaya’t hinawakan mo ang aking mga kamay, “Mahal mo ba ako?” ang marahan mong tanong. Walang pagpipilit, hindi rin naman naninigurado para lang isang batang walang muwang na nagtatanong.

“Oo naman” ani ko.

“Kahit mas matanda ako sa’yo?” nakakalungkot na hindi mo na ako matignan sa halip, sa poste ng Meralco ka na lang humihingi ng kasagutan.

“Diba sabi mo 21 ka lang?” ngumiti ako.

“Baka plus 15.” sabi mo, at pareho na tayong tumawa. Nagtawanan na parang walang humahadlang, na parang walang bukas na naglalaman ng panibagong kahirapan.


“Ms. Ocampo”

“Ms. Ocampo” mas malakas na ang tinig.

Tumingala ako mula sa aking kwaderno. Lumambot ang iyong mga mata, ang iyong nag-aalala at malambing na tingin, na lagi mong pinapakita tuwing tayo ay magkasama.

“Are you listening?”

“Yes, Professor Samuel”


Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Ten by Ten

So.. there’s this guy.