Goldfish – makinang na katawan


Goldfish, goldfish. Gusto ko ng goldfish. Dati pa.

Sa paaralan ko nung elementary, nagkakaroon ng taun-taong katarantaduhan na ‘bring your pet day’. Grade 2 ako noon nang may nagdala ng 2 goldfish, nasa matigas na plastic container ng imported na pagkain. At dahil sa tuwa niya na ang daming natuwa, ang ginawa nila, isa-isa nilang nilulublob ang kanilang mga kamay sa kumikislap na tubig. Saka ididkit ng marahan ang kanilang palad at pipisain ang goldfish ng dahan-dahan. Noong una naiinggit ako, dahil walang natuwa sa dala kong ibon. Love bird ito, sabi pa ng tatay ko, ito daw ang dalhin ko. May sakit ang ibon, alam niya at alam ko din na mamatay na ito, pareho kaming patay malisya. Sabi niya na lang, “Dalhin mo, baka gumaling kasi ible-bless ni father” tango naman ako. Hala sige, dala. Ang tagal ko na kasing pinangarap na magdala ng kakatuwang alaga.

Nakatitig lang ako sa ginagawa nila, pasalin-salin, lublob dito, lublob doon sa malabo nang tubig. Hindi makatarungan. Kung ako ang isa sa mga goldfish, madidiri ako sa madumi nilang mga kamay na pilit humahawak sa kumikinang kong orange na katawan. Baka mas gusto ko pang mamatay kaysa ihalo-halo kami dito sa lalagyan ng paduming-padumi tubig. 

Nagpatuloy yuon ng buong araw. Sa tingin ko narinig ng Diyos ang dasal ng dalawang goldfish. Nung uwian na, yakap-yakap ng may-ari ang container, nakalutang ang mga makinang na katawan. Nagpaalam nang naka-ngiti at parang walang nangyari.

Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay