28 days


Utang na loob! 28 days na kitang hindi nakikita. Hindi ko na kailangan ng scientific calculator o table ng degrees of freedom (na dapat ay inaaral ko ngayon) para malaman na 2 araw na lang ay mag-iisang buwan na kitang di nasisilayan.

Naalala ko pa, birthday ko nang huli tayong nagkaharap. Feeling ko, moment of truth. Sure akong makikita ka sa araw na yon. Kaya kahit napakasungit ng ulan at kinailangan pang lumusong sa baha, carry lang! Suot pa ang bagong damit na binili sa Divisoria, with matching dangling earrings pa. Ikaw naman, naka-normal get-up na long sleeves black polo, nakatiklop hanggang sa may bandang siko. Oo nga pala. Iisa lang ba talaga ang kulay ng polo mo? Sang-ayon nga din naman ako, kasama ng karamihan ng tao na bagay nga talaga sa’yo ang black. Kaysa sa polo mong light yellow, parang kulay ng pinya, ayaw ko pa naman ng pinya. Although gusto ko sanang makita ka nang naka-blue. Maaliwalas at maamo. Ikaw, maaliwalas at maamo? Gusto kong makita kung sino ka na nun.

Kaya nang makita kita, iniwan ko agad ang kasama kong kaibigan at hinayaan siyang pumila sa bilihan ng ticket. Sorry talaga, pero birthday ko eh at eto lang talaga ang pinunta ko dito. Tsaka baka mamaya, umalis ka na ng hindi kita nakakausap. Hindi maari! Inobserbahan muna mula sa malayo tapos dahan-dahan akong lumapit sa’yo, ngumiti ka nang nakita ako. Iniisip mo siguro, “pamilyar ang mukha nito ah, fan na fan talaga!”. Weh, hindi naman. Sobra lang.

Sabi ko “Birthday ko ngayon”, pero naunahan pa akong batiin ng masayang happy birthday ng kaibigan mo. At ang tanging linyang nag-mula sa  iyo ay “Birthday mo?”

Ako: Ay, hindi. Hindi ko birthday ngayon! Kaya nga hindi ko sinabi ng birthday ko diba?


Ang sarap sabihin pero kailanman hindi ito isasambulat ng bibig ko dahil busy itong ngumiti sa harap mo.

28 days ago na yon. Nakakasawa ata na yung lang ang huling close encounter natin. Susko, kahit pa 1080p HD ang memory ko sa pangyayari, laspag na yun!

            Tinotopak na ako. Buti pa yung ibang kaibigan ko, natse-tsempuhan ka. Mayroon pa ngang nakabanggaan ka sa library. Eh pano tayo? Magkikita na lang ba tayo tuwing birthday mo? O birthday ko? Kailan ulit yun? Sa susunod na taon?

            Sana pala araw-araw na lang birthday ng isa sa atin. Tipong M-W-F ako, T-Th-S ka. Tapos, o sige na nga magpahinga naman tayo pag Sunday. Sa ganoong paraan, hindi lang pormal na “hi” at “hello” ang ating batian. “Ha-ppy Birth-day”, 4 na syllable. Mas mahaba.

            Nakakaurat, pero kung may mag-aalok na araw-araw nating birthday, baka patusin ko na! Dahil okay lang kahit lagi mong ipagkait na birthday mo (na iyong ginawa) at okay lang din kahit paulit-ulit mong itanong sa akin kung birthday ko (basta makausap).

Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay