Ten by Ten
Ang post na ito ay dahil sa isang pangako. Magsusulat ako ng 10 blog post bago ako bumili ng laptop (or pwede rin namang 20, mukhang wala pa akong budget ngayon haha)
Nang bumigay ang keyboard ng beloved Toshiba netbook ko after college, namana ko ang laptop ni Lola. Mabilis infairness ah, at ang laki pa mg memory nito pero di na kaya ng battery kung di nakasaksak. Dalawang oras pa lang, hingal na ang fan at nang-inupgrade ko pa sa Windows 10, anak ng! Nakaka-limang pindot ako sa power button dahil nagcra-crash agad bago pa mag-start. Sa 30 minutes na iginugugol ko para magbukas, nakatakas na lahat ng gusto kong isulat. Nag-kausap kami ng Tito ko na buhayin muli ito pero gusto ko lang i-justify ang balak na pagbili ng laptop.
Dahil may need ako rito para sa pagsusulat.
Kaso di ko ito magamit, last May pa ang huling blog post ko. Bago ako bumili ng laptop, kailangan mapatunayan sa sarili na gusto ko uling magsulat. Kahit walang magbasa o mag-like, basta dapat maka-sampu. Sampung pangyayari simula nang tumigil ako magsulat. Sampung bagay na gustong-gusto kong gawan ng mga kwento o ikwento.
Katulad ng announcement na Hiatus ni Ed Sheeran, Sam Smith at One Direction, nag-hiatus ang writing ko.
Noong una, syempre nagpa-panic ako. Ba't di ako nagsusulat? Habang nananalo ng Palanca at nagre-release ng mga kung ano-anong ebook ang mga kaibigang manunulat, ako eto, nakatanga. Iniisip na kailangan ng bagong laptop para magsulat.
Naka-ilang kantyaw sa akin ang mga kaibigan na magsulat uli ako, tumitig man ako sa microsoft word, pero walang mapiga. May mga nauna, kagaya ng paghahanap ko ng bagong trabaho, bagong mga kaibigan, at pag-uwi ng mga kamag-anak mula sa Amerika.
Napuno ang weekends ko ng mga lakad sa kung saan-saang kaininan, Fridays para sa mga officemate kwentuhan, Saturdays para sa dentist appointment ko sa Tayuman, considering na taga-Paranaque ako, half-day lakad na yun!
At ang mga nalalabing oras ay para sa.. Facebook. Nakakahiya man aminin, totoo! Simula nang magka-5.5 inches smartphone ako, (sa Lazada ko 'to nabili, mura lang swear!) akala ko ang dami ko nang masusulat dahil sa laki ng screen nito. Nga lang, mas marami akong ni-like na post sa mga nakaraang buwan kaysa ni-like na lalaki sa talang buhay ko! Hahaha.
Ang hula ko, siguro dahil napakaraming nagbago for the past year. Tipong hindi makasabay ang utak ko, which is actually a good thing din. Dahil dito, mas naging mabuti ang pag-absorb ko sa bawat pangyayari. Kung dating walang maisulat, ngayon may maliit akong notepad (again sa screen ng phone ko) ng mga paksa na kaya ko nang isulat.
Heto ang mga balak kong isulat sa Ten by Ten mini-project ko. Kahit naman walang magarang laptop na 4gb ram at quadcore para magsulat (but it will really feel nice no?) Kahit sa scratch paper, sa lukot na resibo, malambot na tissue - pwede, kung napakatinding mangulit ng utak mo.
Dati kasi, sabi ko kailangan ko ng bagong cellphone. Para san? Para magsulat! Weh, ang totoo nainggit lang ako sa katabi ko sa shuttle na nanonood ng Jurassic Park sa cellphong mas malaki pa sa palad niya. Mahirap kaya makinood no! Ayaw ko lang magaya ang pagbili ko ng cellphone, na ginagawa kong excuse ang tunay na love for writing ko para sa isang mamahaling gadget.
Kaya heto ako, beginner level uli, amindong kailangan ng sandamakmak na practice na magsusulat at magpo-post, di man nobela ang haba ng bawat paksa.
Kapag binigyan kong muli ng buhay ang bawat salita, mabubuhay na uli ang totoong ako.
PS. Mula sa 10x10 na libro, ang inspirasyon para sa proyektong ito. Anh 10x10 edited by Rody Vera ay koleksyon ng pinakamagagandang maikling dula, na talagang favorite ko at binalik-balikan ko sa library ng UST. :)
Comments
Post a Comment