Bata ka pa


Palaruan ko tong Plaza Dilaw, kahit maliit lang may mga halaman. At may iba’t-ibang kulay pa ang pintura ng mga upuan dito, tapos sa gabi. Wow! Yung mga poste ng ilaw, parang pinaghalong mga candy na nakatusok sa stik! Tapos sa harap ng plaza, may malaking building! Ang ganda talaga kahit luma na, dati nag-uusap kami ng mga kalaro kong sina Tony at Boboy, pag dumilim tatakas kami dun sa nagbabantay na gwardiya. Tapos papasukin naming ang lumang building, baka may mu-mu, mga namatay nung gera! Nung nakaraang buwan pa yung plano, pero ayaw talaga nung dalawa. Mga duwag. Sabi ng nanay nila masama daw yun, ang sabi ko naman “Ba’t niyo kasi sinabi sa nanay niyo?!”. Pero kapag wala pang tao masyado, sumasama na lang ako sa kanila. Iba-ibang raket kasi ang ginagawa nung magkapatid na yun!

Minsan nagpupunas kami salamin ng mga mamahaling kotse, daanan ng kotse ang katabing kalsada. Ang lapad ng kalsada, kaya pag naka-red yung stoplight, takbo kami agad kasama ng bote ng tubig at basahan! Nagbebenta rin kami ng mga basahan at ang paborito ko, naghahanap ng mga lata at bote sa mga kalapit na eskinita. Pag ganoon, magkakasama kami sa junkshop, at madaming barya pagkatapos naming ibenta kay Mang Isko. Pag-uwi ko, makakabili pa ako ng Stick-O o kaya naman ice candy na tsokoleyt playbor. Gustong-gusto ng mga kapatid ko yun eh!

Ngayon, ako lang mag-isa. Masipag kasi mag-aral yung mga yun. Ako, pagkatapos ng half-day na eskwela dito na ang punta. Masaya nga si Nanay eh, minsan kasi napapambibili ng toyo o kamatis yung nakukuha ko. Simple lang naman ang gagawin, mag-iikot habang naghihintay ng mga magpapalipas ng oras  dito. Saka lalapitan, sasabihin ko lang ang linyang prum da hart.

          "Teh pangkain lang teh. “

Minsan magbibigay sila ng barya o kaya tirang pagkain. Pero may mga hindi ko malapitan. Sila pa naman ang pinakamarami dito. Yung ay yung mga magkahawak ng kamay at matagal na nakaupo. Ano kayang ginagawa nila? Minsan naman di sila nag-uusap. ‘Mag-syota’ (yun daw ang tawag sa babae at lalaki na magkasama) dito sa Plaza Dilaw.

Laging sinasabi ng Kuya namin (kuya ng lahat ng batang kalsada) na si Kuya Toto (mabait na astig pa!) wag ko na daw lapitan ang mga mag-syota. Wala daw ako makukuhang pera o maski awa. “May sariling mundo sila” sabi niya. Sariling mundo? Eh wala nga silang ginagawa eh! Kadalasan pa naglalapat ang mga labi nila, nang matagal. Tapos yung mga kamay pa nila nakahawak sa katawan ng sa isa’t-isa. Pero dahil wala talaga akong magawa ngayon, bakit di ko subukan diba?

Lumapit ako sa dalawang mag-syota, mukhang nag-aaral pa ang mga ito, ka-edad siguro ni Kuya Toto. “Teh pangkain lang teh. “ Tinanggal nila ang mga kamay nilang nasa likod ng isa’t isa.

“Umalis ka nga dito”, ayan na tinataboy na ako ng lalaki.

“Ano bang pangalan mo?”, tanong naman ng babae.

“Tom po!” 

“Tom? Tom pala pangalan mo eh. Pangmayaman naman yun ah, niloloko mo lang ata kami. Hala, sige umalis ka na.” patuloy na akong tinaboy nung masungit na lalaki. 

Pangmayaman na pangalan? May ganun ba? Si nanay kasi eh, may idolo daw siya na ang pangalan ay Tom Krus, sabi ng nanay gwapo daw ito pero wala namang kinalaman sa Diyos. Paglaki ko daw kasi magiging kamukha niya ako, baka pwede pa daw akong maging artista!

Ayan, naglapatan na naman ang bibig nung mag-syota. Sabi din ni Kuya Toto “naghahalikan” ang tawag doon. Ano kaya yun? Ayaw naman sabihin ni Kuya Toto kapag nagtatanong ako ng may kinalaman doon. Ang lagi niya lang sinsabi “Ginagawa lang yun, kapag nagmamahalan” pag nagtanong pa ulit ako, “bata ka pa” ang lagi niyang katwiran.

Nakikita ko din namang ginagawa yun nila Tatay at Nanay. Tuwing nakikita ko ang tatay at nanay ay laging pumupumiglas ang nanay. Minsan pagkatapos, nakikita ko din siyang nagpupunas ng luha. Tapos si tatay naman laging naiinis, umaalis at pagadating niya sa gabi o minsa’y madaling araw wala pa din kaming bigas. Eh diba mahal naman nila Nanay at Tatay ang isa’t-isa? Sama-sama naman kaming pamilya, kaming anim na magkakapatid.  Sa tingin ko, pilit lang si Nanay, pero bakit parang gusto naman nung babae kanina? Nakakainis naman maging bata. Ang dami kong di maintindihan. Kailan ko ba siyang pwedeng maintindihan? Ayaw naman nila sabihin. Siyam na taon na lang daw at 18 na ako. Eh! Ang tagal pa nun!

Kaya kagabi, tinabihan ko si Cecil.  Linapat ko ang labi ko sa kanya habang natutulog siya. Bigla siyang nagising, gulat na tingin sa akin. Bakit ganoon? Para siyang si Nanay, eh akala ko ba nagmamahalan? Siya nga ang pinakamahal kong kapatid eh! Magkapatid na, magbestfriends pa!

Hinalikan ko siya ulit, pero tinuklak niya na ako. Inaantok pa rin siya, pero ang sama na ng tingin niya sa akin. Tapos tinadyakan niya pa ako at pagkatapos humiga na ulit. Tumayo na ako, dahan-dahan na humakbang sa mga katawan ng mas maliliit ko pang mga kapatid. Bumalik na ako dun sa dulo ng kwarto, hiwalay ang papag ko. Ganyan talaga pag pinakamatanda, may benepits! Napaisip pa din ako, bakit yung mga babae sa Plaza di naman nagagalit? At di nananadyak! 

Siyam na taon? Oo! Ang tagal pa talaga, pero bahala na nga. Iintayin ko na lang, o kaya kukulitin ko si Kuya Toto mamaya. Aha, susundan ko na lang sila ng syota niya! Ayos!


Note: Nabuo ang storya matapos kong basahin ang mga naunang katha ni Jun Cruz Reyes. Kakaiba ang paggamit niya ng lengguahe, malaking pagkakaiba sa mga madalas kong nababasa. Sa totoo lang, I have no idea kung paano ko nabuo ang istorya sa mga oras na ito. Ang alam ko lang, dinala ako ng kanyang mga katha sa ibang lugar, pakiramdam ko ako mismo ang bida sa istorya. At para dito (na wala talaga akong balak ipakita, pero medyo buo na rin so sayang naman) gusto kong i-assume ang boses ng isang karakter. Boses ng batang inosente, may malikot na isip, punong-puno ng mga  katanungan na hindi nagagabayan.

Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay