Nawawalang Pera, Dorm at Corned Tuna (special participation of 'Hamsterdam')
Ano ang pakiramdam ng nawalan? Sa isang bigla, isang kurap, isang gabi o isang
pasintabi naglaho ang pinaghirapan.
Nawawalan ako ng pera na nasa loob ng
cute na brown envelope. Huling tanda ko nasa loob lang siya ng bag
ko, ilang araw nang nakalipas yun. Hindi ko alam kung paano at saan naglaho ang
envelope na akala ko’y effective na taguan. Hindi ko alam kung nahulog ko
pagdukot ng gamit sa bag, o nasilid ko sa mga dyaryong panlinis kay Hamsterdam
at di napansing ipinakain sa trash can.
Mahirap pala mawalan ng pera nang
di namamalayan. Pera na pinakaingatan,
pera na plinano mong mabuti ang kahahantungan.
Pera na marahang itinabi, nagpapalakas ng aking disiplina para di bumili.
Hindi ko mahanap ang P500 na
binigay ng lola ko. Hulog ng langit nang binigay niya to, sabi ko makakanood ako ng BONA. Nang malaman
na may Writers In Talks (WIT) ang Visprint at magbebenta ng libro, sabi ko
sakto. Babawas ako ng kaunti sa P500, pwede nang makabili ng bagong libro ni
Eliza Victoria.
Kasama ng P500 yung emergency money
kong P150. Punyemas, yung emergency money ko nawawala ngayong may emergency!
P285 na lang ang hawak kong pera
ngayon. P100 na entrance fee sa WIT, estimated na P100 sa two-way na pamaseheng
jeep-lrt-mrt from UST to Makati. P33 para sa pamasaheng pauwi ng Paranaque sa
Linggo. P52 para sa pagkain, sa halos
isa’t kalahating araw pa. Sa Makati pa naman
ang punta ko, baka kahit sa carenderia, isang kainan lang to. Kailangan tatlong
kainan, tatlo! Teka, may carinderia ba doon? Dyusko.
Last resort. May credit card naman
ako, pero baka sa sosyal na kainan pa ang bagsak ko nito? Baka pag nag-alburoto ang
tiyan ko sa oras ng meryenda, sa StarBaks pa ako mapunta.
Hala, kasama ng pagkawala ng pera
ko ang paglaho ng nais kong bumili ng libro at pamatay na pangarap kong
makapanuod ng BONA. Pahirapang pag-iipon na naman ang kinakailangan kong gawin.
Mahirap kasi mag-ipon pag naka-dorm. Nung
una akala ko okay to, menos sa pamasahe. Yun pala kasabay ng kinakailangang
pagbili ng 2 beses na pagkain sa isang araw (cereals lang ako sa umaga, super
tipid na) ay ang kasabay na pagkain nito sa budget ko. Isama mo pa ang laundry,
cellphone load at bayarin sa eskwelahan.
Kaya ang aking paraan, P10 kanin
lang ang bibilhin. Ngayon ko na-appreciate ang San Marino corned tuna. Grabe,
pwede na akong endorser nito. Minsan naman, Century corned tuna. Plain o yung chili flavor, pwedeng may asin o toyo pampalasa. Syempre kailangan din ng
variety pero di mapagkakaila na corned tuna pa rin ang kinakain ko. Na-train ko na ang dila ko na wag
magsawa sa lasa nito. Nag-agree na rin ang tiyan ko sa paulit-ulit kong pagsabi
na “This is healthy.” Naglolokohan lang kami ng corned tuna, pero
wala akong magagawa kundi maging ekspert sa pagbubukas ng de lata.
Hai, so pano na? Pupunta pa rin ako
sa WIT, matagal ko na itong hinintay. Hindi na lang nga ako makakabili ng
libro. Bahala na, kung magkulang sana may taong manlibre at isabay ako pabalik
ng UST para sa 6-9 ko pang klase.
Buti pa yung hamster ko may
kinakain. Teka, inalog ko ang lalagyan ng pagkain niya. Uh-oh. Mauubos na ang hamster feeds! Hanggang bukas na lang to. Pambihira,
kaya ko to! Dahil kung hindi, dalawa pa kaming diet ngayon.
Update: Matapos nang isa pang round ng paghahanap at mga ilang butil ng luhang patagong bumagsak, nakita ko na rin ang envelope ko. Nakaipit sa bed frame ng aking dormate, sobrang magkatabi kasi ang kama namin. Sa malamang, naging wild ang ultimate paper-fixings na ginawa ko nung nakaraang araw. Nakapunta ako sa WIT (yey!), nakabili ng mga libro, at BONA, hintayin mo ako!. Sabi nga, "All is Well".
Update: Matapos nang isa pang round ng paghahanap at mga ilang butil ng luhang patagong bumagsak, nakita ko na rin ang envelope ko. Nakaipit sa bed frame ng aking dormate, sobrang magkatabi kasi ang kama namin. Sa malamang, naging wild ang ultimate paper-fixings na ginawa ko nung nakaraang araw. Nakapunta ako sa WIT (yey!), nakabili ng mga libro, at BONA, hintayin mo ako!. Sabi nga, "All is Well".
Comments
Post a Comment