Tay, Huwag Mag-alala
Kakauwi ko lang
ng bahay, galing sa dinaos na WIT 2012 seminar ng Visprint (more on that
later). Sumalubong sa akin ang tanong na, “Bakit yung mga kaibigan mo hindi
naman pumunta? Ikaw punta ka ng punta.”
Naambunan ang
kaninang naghihimutok na kasiyahan.
Hindi ko malaman
kung bakit ako kailangang ikumpera sa iba. Lalo na sa mga kaibigan ko. Eh iba
ang trip ko sa kanila. Trip ko ang mabasa, magsulat, manuod ng mga indie films
at plays. Pangarap kong makapunta sa mga art museums at maka-attend sa kung
ano-anong artsy at literature events. Okay lang sa akin kahit gawin ko lahat ng
mag-isa. Ngayon, mas pamilyar na ako sa Maynila at naging suki na ng Google maps.
Para sa akin, basta may pera at alam ko kung paano makakauwi, walang problema.
Isa pa ang
malaking tutol sa pagbili ko ng mga libro. Gosh, sa totoo lang ngayon ko lang
naranasang ma-discouraged bumili sa Book Sale. Naiintindihan ko ang katwiran na
maaring magsasayang lang ako ng pera at marami pang pwedeng mapuntahan ang
ginagastos ko. Pero di ko pa rin to matanggap, lahat ata ng tao sa mundo ang
nagsasabing kailangan magbasa ng magbasa ng magbasa ng magbasa at magbasa pa.
Habang ang
tingin niyo sa aking mga bago (o mas madalas second hand) na mga libro ay
panibagong kalat na iluluwa lang ng umaapaw na bookshelf, ang tingin ko naman
sa mga ito ay panibagong kaalaman. Isang bagong mundong nag-iintay,
makapangyarihang alien na gustong sakupin ang utak ko. Kung nakakapagsalita siguro ang mga libro,
meron itong mapang-akit na tono. Marahang pipilitin na sila’y buklatin,
himasin, basahin at mahalin.
Ayaw ko maging
hilig ang pagi-internet, panunuod ng tv o pagparty. Gusto ko maglakbay, kahit
sa Maynila lang at kahit mag-isa pa. Nais kong sa matuto sa ibang paraan,
lumabas sa apat na dingding ng paaralan. Pinipilit kong makita ang di nakikita ng iba, alamin ang mga bagay na iniitsapwera. Sa ganitong paraan, unti-unti kong nahahanap
at nabubuo ang aking sarili.
Kaya Tay, huwag magambala,
hindi pa naman ako pariwala. Huwag mag-alala, hindi man ako katulad ng iba.
Comments
Post a Comment