Resibo

Ang tanging maitatago ko lang ay isang pirasong resibo na may sulat-kamay mo at pirma ng iyong amo. Natatandaan ko pa ang iyong mga matang puno ng interes, ang kala’y masungit na itsura pero sa harap ko’y palangiti. Ang hindi kagwapuhang mukha, na nababawi ng iyong matipunong tindig.

Namatay na nga pala ang alaga kong goldfish. 

Wala na akong rason para bumalik.

________________________________________________________________

Binalot ng init ang ating mga katawan. Hindi nakatulong ang pag-alburoto ng kulob na lugar sa palubog na araw. Basa na ang manipis kong panyo. Kulang sa biyaya ng aircon ang sunod-sunod na pasilyo at tabi-tabing tindahan. 

Hindi ko naintindihan ang sinabi mo. Mailap ang mga kilos mo, mailap naman ang mga mata ko. Hindi ako makatingin, hindi ka naman makadikit. Walang magalawan, kaya wala rin tayong nagawa kundi tumuon sa isa’t-isa.

Pang-apat na beses ko nang pinaulit ang sinasabi mo, kaya natawa na lang ako. Tumawa  ka rin. Tumango ako nang nakangiti, tungkol pala sa resibo ang sinasabi mo.

Pangalawang pagkikita natin to, natandaan mo pa rin ako. Pormal ang ating unang transaksyon, kahit na binalot ng interesadong tensyon ang ating mga kilos. Ngayon, naglaho ang paga-alinlangan, pinalitan ng mga pasimpleng ngiti at kabadong tawa ang maliit na espasyong ating ginagalawan.

Kabisado mo ang presyo ng mga produkto, kaya panay naman ang tanong ko. Panay rin ang turo at sunod mo. Pagkain, shampoo, gamot, lahat ng pet paraphernalia. Nagbigay na ako ng dalawang five-hundred. Kasabay ng pag-abot ng kakarampot na sukli ang sandaling pagdaplis ng ating mga daliri. Bale wala sa aking ang pasaglit na hawak, pero sa isang simpleng tanong nag-iba ang lahat.

           “Uuwi ka na?”

“Hindi, kakain pa ako.”, sinabi ko ang totoo.

“Text mo ako.” Nagulat ako. Alam kong sumugal ka sa pagsabi nito.

“Ayaw ko nga.” Sinabayan ko ng matamis na ngiti ang masakit na salita. Itinawa mo na lang ang pabirong tono dahil alam nating ito ang totoo.

Nakapatong sa mamahaling aquarium ang iyong mga brasong bilad sa init ng araw, tinuro ko ang pinakamaliit, “Babalikan ko yan.”

 “Kailan, bukas?”

“Hindi ah, pag may pera na ako.”

“Text mo na lang ako” mahina ang iyong pagkaulit. Nakatingin sa akin, naka-abang.  Nanubok, kung ako naman ang susugal.

Ngunit naintindihan ng aking mga paa ang malakas ng pagdikta ng isipan, upang umalis, tumakas. Hahabulin mo ako, kung sana’y hindi nakatali sa iyong amo at iba pang customer.

Di ko napigilan. Nilingon kita. Hindi ka pa rin gumalaw sa kinatatayuan, hindi pa rin napalitan ang ngiting puno ng pag-asa.

“Babalikan kita!”, sigaw ko. Ito ang tanging sugal ko.

 Sugal lang, hindi pangako.

Dahil turo ni inay, hindi bagay kung magkaiba ng estado sa buhay. 

Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay