Sinandomeng



Limang minuto ko nang kinukuskos ang mga plato, kutsara’t tinidor, ihalo pa ang kaldero ng champorado kaninang agahan. Matagal  at kinakailangan ng mahabang pasensya lalot’  mahina lang ang bukas ng gripo. Tipid na tipid sa tubig, kahit may Nawasang naghihintay sa tubo.   Nakakaya ng Joy ang sebo, pero hindi ang nanigas na butil ng Sinandomeng.

Si Cecil lagi ang nagpriprisentang magligpit.  Laging masinop at kailanman di nagpapabaya.

Pero pagkarating ko ng apartment, mga hugasin ang sumalubong sa akin. Sa kuwardrado at maliit na kwarto, walang bakas ng pambabaing gamit. Mas kapansin-pansin ang espasyo sa gawing kanan ng kuwarto. Wala ang kabundok niyang maruming damit. Hindi na hinintay ang Surf sun fresh at Downy passion na ipinabili sa akin. Pati ang panty na kaninang umaga lang isinampay, kinulang ng pasensya para hintayin mabagal na pagpapatuyo.


Kanina, bago ako makalabas ng pinto, kinalabit ako ni Cecil. “Kalian mo ba ako pakakasalan Raymond?”

“Hindi pa ako ready”, tatlong buwan ko nang pinapaulit-ulit ang dahilan.  Mahal na nga ang bigas at tubig, napakahirap pag-ipunan ang apartment na mag-isang binabayaran.

“Baka ‘pag ready ka na, wala na ang opportunity”, diretso ang mukha niya.

 
Kagabi ko lang binili ang tatlong kilo ng Sinandomeng, pero pati ‘yun tinangay niya rin. Buti na lang, isinama niya ang atras, abante kong pagkalito. Naging mas madali para sa aming pareho.  

Kahit mahal ang tubig at bigas, kayang pag-ipunan. Kaya rin namang pag-ipunan ang pagpapakasal. Pero baka masayang lang sa taong pilit ang aking pagmamahal.

Linakasan ko ang tubig sa gripo. Makabili nga ng Jasmine rice. 

Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay