Beer at Sinulid


“Ricky”

Sunod-sunod ang tapik sa akin ni Jane. Sabado naman ah, bakit niya ako ginigising?

“Ricky, ikaw ba yung nagpasok ng lahat ng sinulid ko? "

“Oo”

“Ano na naman bang pumasok sa isip mo?”
_________________________________________________________________

Kagabi , pagkauwi ko ng bahay, naabutan ko na naman si Jane na nanahi. May alas-onse na, madaling araw na naman siya matutulog, sa makalawa na kasi ang delivery niya ng sampung kurtina. Noong isang buwan niya pa’to ginagawa, kung hindi lang sana napaka-arte ni Dona Clara at  gustong burdahan pa ng Japanese sequins at beads ang telang gawa sa Korean silk.

“Naghanda ka pa, kumain na ako. Mamaya ka pa matatapos?”

Nanatiling nakakunot ang kanyang noo.

 “Jane?”

Binitawan niya ang karayom at inabot ang Manila beer na nakatago sa likod ng mala-bundok na kurtina. Humagikhik ito, parang tawa ng bata. Tawa ng isang sira-ulong murderer na papatayin ang isang laruang manika. Nilapitan ko siya, kinuha ang canned beer, wala pa sa kalahati ang nabawas pero may tama na agad.

“Riiiiiicky, hihhihi. Kanina ko pa hindi malagay tong sinulid na pula. Hihihihi.”

Miski ako nahirapan , sampung beses kong nadilaan ang sinulid nang sinabi niya, “Ang labo na kasi ng mata mo. Hihihihi. Matanda! Hihiihi. Pero, mahal kita hihhihi”

Inabot ko na ang karayom, “Halika, hindi ka na makaktahi niyan. Matulog na tayo.” 

Sinimulan kong akayin ang kanyang mga braso, “Hindiiiiiiiiiiiiiiiii! Hihihhihi!” halong sigaw at tawa nito.

“Tignan mo ‘to!”, kinuha niya ang gunting at walang pakundangang ginupit ang kurtinang tinatahi niya.

“Jane! Anong ginagawa mo!” inagaw ko ang gunting sa kalyado niyang kamay.

“Hihihihihhi, heto ang puso mo” hinawakan niya ang dalawang parte ng hating kurtina.

“Ang pusoooo mong wasak,  pero pero pero pero ikakabit ko ulit ito. Tatahiin, pagagalingin. Hihihihi” . Kasing pula na ng mukha niya ang pulang sinulid na kanyang ginamit sa pagtahi ng sinirang kurtina. “Kahit mahirap, kahit para di kaya kasi matagal na mamahalin kita” naghalo na ang mga salita niya.

“ Hindi katulad ni.. sino nga yung nangiwan sa’yo?”
“Christine”, may karayom na bumaon sa puso ko.

“Ah”, naging seryoso na ulit ang kanyang mukha at bumalik sa pananahi, nahalata ang hindi pa naghihilom na sugat.

Nag-intay ako pero hindi na ulit siya umimik. “Matutulog na ako” ani ko.

Bago ako nakapasok ng kwarto, narinig ko siyang kinausap ang sarili. “Ba’t ba hirap na hirap akong magpasok ng sinulid?” biglang humagulhol ito.

“Kung meron lang magpapasok lahat ng kulay ng sinulid ko, ibig sabihin mahal ako.”

Naging masakit na lullaby ang kanyang iyak hanggang sa ako’y nakatulog.


*Para sa lahat ng nasasaktan, at lalo na sa mga pilit nilalabanan ang takot para muling magmahal.

12/13/12

Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay