Photocopy


Siya ang pinakamatalinong Xerox girl na nakilala ko. Ay mali, photocopy girl pala.

Tanging tag line/quotable-quote/pangaral niya ang ‘Xerox is the machine, its photocopy’.

Matagal ko na siyang nakikita, palangiti, makwento at mabait. Maraming katrabaho ko na ang nagtangkang makipagkilala, sagot niya raw palagi ay ‘hindi kita kilala’.

Ayaw tumanggap ng calling card, ayaw naman ibigay ang cellphone number.

Buti marami akong ID.

Tuesday – Company ID

Tatlo ang naunang nagpa-photocopy, lahat sila ‘xerox’ ng ‘xerox’.  “Xerox is the machine, its photocopy.” Inabot ko ang ID, “pa-photocopy” sabi ko. Tumingin siya sa akin, saba’y ang pagkorte ng simpleng saya sa aming mga labi.

Wednesday - Resume

                “Hmmm, Relations department? Sira ba yung photocopy machine dun?”, inusisa niya ang resume ko.

                “ Marami kasing promotional flyers ngayon eh”

                “Ah, pumila ka pa tuloy dito”

                “Di, okay lang”

                Technically, hindi ID ang resume pero para lang di halata.

Thursday - SSS

 “1986”

“Ha?” patay malisya ako.

“1986, edi.. 26 ka na?”

“Ah, oo. Ano nga ulit pangalan mo?”

“Lea”

“Hindi, alam ko na yun, di ko lang matandaan yung apelido mo.”

“Sanchez”

Jackpot. May first name na, may apelido pa. Sabi, pag di mo alam o maalala ang pangalan ng isang tao, yan ang strategy na dapat gawin. ‘Caring’ ang dating.

Friday – Voter’s ID

“Malapit na nga pala ang botohan”

“Nagsisiguro lang”

“Hmmm, single. Ang sungit kasi.” mahina ang pagkasabi niya, tama ba yung narinig ko?

 “Ang init naman ng ilaw nito”, nagpa-pogi pa naman ako pero naramdaman ko na ang pawis sa kwelyo.

“Basta parang may mga photoconductor at may electrostatics, yun ata ang tawag. Nako, natatandaan ko lang di ko naman gaano maintindihan.”, di naalis ang kanyang mga mata sa mga dokumentong kinailangan i-tito sotto.

Pawisan ang noo niya. May panyo akong nakatago sa bulsa, iniabot ko ito kahit na limang minuto akong naghintay sa pila. 

Paano ba kasi naghalo ang init at ngiti para magayuma ako?

Saturday -GSIS

“Aabot ka na ata ng isang linggo sa pagpapa-xerox ng ID ah. Para san ba to? Mr. Emil Catalasan Corazon, parang E=mc2 lang”, ang laki pala ng ngiting maidudulot ng E=mc2.

“Bakit ang dami mong alam?”, di ko napigilan.

“Masama?”

“Maganda”

“Sino ako?” tumawa ito. “Minsan, kapag may order ng mga copy ng textbook o kaya naman test paper binabasa ko.  Pag madali lang yung test, nagpapasobra ako ng kopya para masagutan. Lalo na kapag may answer sheet, nache-check ko pa yung tamang sagot.”

Alas-dos imedya, patay ang oras. Kanina pa pinilahan ang mga kainan, patapos na ang prusisyon sa mga karinderya.

“Pwede naman nating isabay-sabay yung mga dokumento mo. Name-memorize ko na kasi mga information mo eh.”, paliwanag niya habang naupo sa monoblock chair.

“Ayaw mo bang pabalik-balik ako rito?” tumabi ako sa malamig nang upuan halatang na-bakante ng ilang oras.

“Noong una, ayaw. Ngumingiti ka pero ang sungit mo.”

           Ngumiti na lang ulit ako.

“Para saan to Emil?”, tinawag niya ang pangalan ko, matapos ang apat na araw,

 “Para makilala mo ako.”, pag-amin ko.


*Para sa kaibigan ko na laging line ang “Xerox is the machine, its photocopy”, nalaman namin na mas malala magsabi ng ‘pa-xerox’ kaysa sa anumang mura. Haha, maraming salamat! Forever namin itong matatandaan!

At sa lahat ng mga nagpapa-photocopy, kahit hindi kailangan. Gumastos man ng ilang piso, basta may dahilan.

Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay