‘Anim na Sabado ng Beyblade’ sa December 24


“Napabilang din ako sa beyblade ‘craze’ noong ako’y bata (kahit pa man babae ako). Isa lang ang original kong beyblade, yung kulay blue, kaya naman naging paborito ko ito. Minsan isinama ako ng tatay sa Cartimar, ibinili niya ako ng pinakamalaki kong beyblade, kulay puti. Doon lang din ako nakanood ng live beyblade battles pero dahil mahal ang beyblade ‘stadium’ kung saan dinaraos ang paglalaban, binigay na lang sa akin ng aking mga magulang ang kulay green na batsang panlaba.”

Ito dapat ang una kong maaalala sa pagbabasa ng ‘Anim na Sabado ng Beyblade’. Dapat tuwa at saya ng nakaraang childhood, carefree na paglalaro, walang problema basta hawak ko ang beyblade ko.

Pero hindi.

Nasa jeep ako nang matapos kong basahin ang sanaysay. Hindi ko nabitawan ang photocopy, sa tricycle at jeep, sumakit man ang mata ko o mahilo, tuloy ang pagbabasa.  Hindi ko alam kung anong mararamdaman, iyakin pa naman ako sa mga bagay na ito. Hindi naman ako maka-iyak dahil nakapalibot sa akin ang walong bata. Baka magmukha akong sira-ulo kaya nagsulat na lang ako.

December 24, 2012. Mamaya lang Noche Buena na.

Sa loob ng jeep, humikab ang maputing bata na naka-violet top at naka-neon pink rubber shoes. Magdadalawang taon pa lang siguro ang batang lalaki na katabi ko, naka white at red na bonnet, white na sando at red na pantalon, paskong-pasko. Sabay silang nagpra-practice ng nanay niyang bumigkas ng mga salita. Mahimbing namang natutulog ang naka-orange jacket na batang lalaki  sa hita at dibdib ng kanyang ina, habang ang ama na aking kaharap ay yakap-yakap ang malaking paper bag na puno ng regalo. Pagod na sila ngunit kapag naghanda na ng pagkain at nagbigay ng mga regalo, tiyak mas malaki pa ang mga mata nila sa kuwago.

Tuwing Pasko, kasabay ng mga nakabalot na regalo ay ang biglang paglitaw ng sandamukal na bata. Parang gusto kong maniwala sa overpopulation at palagay ko sineryoso ng bawat couple, mag-asawa man o hindi, ang bilin ng simbahan na ‘humayo’t magpakarami’. Ngayong araw lang na ito ako napalibutan ng napakaraming bata, lalo na sa mall, hindi ka raw pwedeng makalabas ng SM nang walang nabubunggong bata.  

Mga munting anghel na naniniwalang magical ang Christmas Day. Sila lang ang hindi nakakaalam ng totoong presyo ng mga nakahain sa lamesa, ni hindi kailangan mamoblema (para sa mga mapapalad). Bakit ba sila biglang nagsusulputan? Marahil araw nila ito.

May isang bata pa akong nakilala sa isang six-page essay, si Rebo.  Sa ilang minuto, sa isang required reading (na ipinagpapasalamat ko), aking naramdaman ang iyong kabaitan at kakulitan. Sa sandaling panahon, naging maliit kitang pinsan o kaya’y nakababatang kapatid, masarap laruin, asarin o utuin.

Malamang mas masaya ang mundo kung nakaabot ka lang muli ng Pasko.

Sana’y isa ka sa nakasabay ko sa jeep, sa traffic na service road. Sana’y pinanunuod kitang humikab, matulog o magsanay na magsalita. Sana’y isa ka sa mga magagandang nilalang na nagpapasikip sa mundo gamit ang iyong matamis na ngiti.

Alam ko naman, alam namin, na mas matamis ang iyong ngiti sa kinalalagyan ngayon. Sure pa akong walang ‘cancer blast’ diyan! Promise na off limits ang injection at chemotherapy, syempre hindi uso ang mga pasa at pagiging kalbo.  Masasakyan mo na rin lahat ng rides sa amusement park, may libreng cotton candy ka pa! Walang panghihina, okay na okay ang iyong mga buto at kailanman hindi mo na ulit masisilayan ang charity ward.

Dahil para sa’yo Rebo, tuwing Disyembre, babagyo ng saya at malulunod ka sa bumabahang regalo. Kahit may mga android phones at psp na ngayon, mas masaya pa rin ang maglaro ng beyblade at tiyak kasama mo rin ang paboritong beyblade ko.


*Kay Ferdinand Pisigan Jarin, kahit na medyo ilang years na ‘tong late at kahit na hindi naman tayo magkakilala. J


Para sa iyong napakatatag na loob,  nawawasak man ang puso.

UPDATE: sa mahiwagang pagkakataon, nabasa ni Sir Jarin ang blog post kong ito, nagkausap din kami at nakapagpa-picture pa noong bumisita siya sa UST. Hindi ko kasi inakala na may pararatingan itong sinulat ko, basta lang maisulat, okay na. Kaya I'm super happy, yeyeeyy! :) Thank you sir!


Comments

  1. Ang ganda nito. :)
    Si Sir Ferds, isa siya sa mga hinahangaan kong manunulat na graduate ng PNU kung san din ako nag-aaral ngayon. Ang ganda ng 'yong sanaysay. Muli akong dinalaw ni Rebo. Mabuti't may katulad mo pang mapagmahal sa panitikang Pilipino sa kabila ng kolonyal na pag-iisip ng marami. (Isama na rin siguro ako, paminsan-minsan)
    Nga pala, Close kami ni Sir Ferds! Sobrang bait niya. God bless sayo! :)

    ReplyDelete
  2. Hi Errol! mygash, pasensya, after 2 months na kita na-replayan! haahaaa, ang bilis ko kasi makalimot ng mga nakikita ko tas hindi ko nababalikan. (sana ganun din sa pagmamahal, chos haha) Ayun, wow salamat pala sa comment mo, marami pala tayong na-apektuhan ni Rebo :) at oo, after nitong blog ko naging close na rin kami ni Sir Ferds! haha! Yesss, para sa ating nagmamahal ng pantikang Pilipno! Nice meeting you, at maraming salamat, napapadpad ka rito! :D

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay