Mahal ang Appliances


"Pagod na ako Dina."

"Ayan, pagod na naman. Yan lang ang nararamdaman mo. Pag-uwi, pagod. Pag may sasabihin ako, pagod. Pag nasa kama tayo, pagod. Ako rin napapagod! Subukan mo kayang magluto ng kanin kung hindi ka mas mapagod?"

Umupo ako sa silya. Lalamig na naman ang hapunan ko, papalamigin ng pagtatalo. Pero sa pagtatalong ito, si Dina ang host habang ang audience ay ang pulang itlog, kamatis at ako.

“Hay, nako. Sabi na eh...” tuloy ang satsat ni Dina. “..pakiramdam ko lagi na lang akong dumedepende sa’yo...” tuloy din ang subo ko. Sana may tuyong kahalo ang plato, o kaya naman sardinas. “.. rice cooker, refrigerator o plantsa!”  Pagkatapos nito, mahihiga na ako. Maaga pa ang call time ko bukas, bibisita raw ang Regional Head.

“Ramon! Nakikinig ka ba?!” sigaw ni Dina.

“Teka, eh bakit ba nasama na naman ang appliances sa usapan?”

“Aba, eh pano yan ang hindi mo mabigay sa akin! Kahit rice cooker lang, dyusko sa tingin mo masaya magluto ng kanin sa kalawanging kaldero?”

Rice cooker naman ngayon. Bakit ba nagkakaletse-letse ang buhay namin dahil sa mga appliances? Sa susunod na suweldo, pangako ko, bibili muna ako ng rice cooker bago magbayad ng Meralco at nitong inuupahang apartment. Ito ang problema sa pagli-live in sa magandang babaeng maghapong nakatayo at nagtatrabaho sa mall. Buong araw nakapalibot sa mga paninda, nahihili tuloy sa mga made in China. Nang sumama siya sa akin, alam naman ni Dina na kaunti lang ang tinaas ko sa salat. Ngayon, ubos ang trinabaho ko ng isang buwan para sa tatlong litsugas na araw ng sale.

“Tinagurian ka pa naming security guard? Eh kung i-sekyur mo muna ang buhay ko ha? O kaya i-sekyur mo tong kagamitan dito sa maliit at cheap na apartment!”

Buti pa yung bangkong binabantayan ko, hindi nananakawan. Pakiramdam ko, araw-araw hinoholdap ang bulsa at buhay ko.

“Tandaan mo yan Ramon”, matigas niyang habilin. Sa walong buwan naming pagsasama sa iisang bubong, tatlong beses nang bumalibag ang pinto. Hindi, pang-apat na pala ito. Refrigerator, electric fan, tapos yung tv, ngayon rice cooker. Hindi na ako nababahala. Babalik naman siya pagkatapos ng ilang araw, kapag nag-away na sila ng nanay niya. Okay lang. Okay pa. Pero kapag naipundar ko na lahat ng appliances at umalis pa rin siya, hindi ko na siya hahabulin at patutuluyin pa. 

Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay