Ate Mangga at Kuya Avocado


Kaninang umaga napadpad ako sa Tayuman, sa sidewalk papuntang LRT at kaunting lagpas lang mula sa SM San Lazaro. Sa kaliwa, isang buong hilera ng religious shops. Rebulto nila Jesus Christ, Mama Mary, Pope at lahat ng santo. Prayer books, rosaryo at mga parapernalya sa misa. Dito ko rin nabili ang mini glow in the dark na Papa Joseph at Papa Jesus na kasinglaki lang ng thumb ko at katabing matulog, pati na ang laging suot na red rosary bracelet.

Pero mas madalas, naaliw ang tingin ko sa bandang kanan. Kung saan sinasakop ng mga kariton ang isang lane ng dapat sanang 4-lane na kalye. Gustong-gusto kong naglalakad rito, bukod sa may mini palengke  kung saan nakalagay ang mga isda sa plastic na timba, maraming prutas. Iba’t ibang klase, lahat sila may kanya-kanyang puwesto. Kanya-kanyang alok ng mga tindera na nakaupo pa sa ever-ready nilang plastic chairs.  

Dinadaan-daanan ko lang ang mga chico, papaya, pinya, apple, orange etc dati. Pero kanina habang nakakunot ang noo kong naiinis/nag-aalala dahil sa malalim na iniisip dala ng pagiintay, titigil ako sa paglalakad at tatabi/iiwas sa gilid.

Napahinto ako, at iba pang nasa harap ko sa paglalakad, nang may makita kaming bilugan at kulay green. Lumilipad, kasabay ng mga katagang “Walang hiya ka!”. Lahat kami gumilid. Masakit atang matamaan ng hilaw na mangga.

Dito ko nakilala si Ate Mangga (‘yun green, hilaw na Indian Manggo) at si Kuya Avocado.  

“Walang hiya ka!”, yumuko ulit si Ate at kinuha ang mga manggang nilalako sa kariton niya at ibinato (hindi pa siya asintado kaya mas nakakatakot) kay Kuya Avocado. Dalawang kariton ang layo ng kariton ni Kuya Avocado. Marami-raming mangga na ang naibato niya, pero mas marami pares ng mga mata na ang nakatingin. Parang nag slow-mo ang paligid, si Ate Mangga lang ang focus ng lahat. Pupuwesto na siyang umupo sa silya niya, akala ko tapos na. Pero hinawakan niya ‘yun kutsilyo. Medyo natakot na ako. Buti na lang tuluyan na siyang umupo. Naglakad na ulit ako. Nakasalubong ko na si Kuya Avocado, nagsasalansa ng mga prutas niya. Bahagyang nakayuko, nakakunot ang noo, magkasalubong ang mga kilay, worried na worried ang mga mata, halatang nagtitimpi. Wala akong narinig mula sa kanya. Hindi ko pa nalalagpasan si Kuya Avocado nang magliparan muli ang mga mangga at sumugod na sa tabi niya si Ate (buti na lang binitawan niya na ang kutsilyo). 

Walang sampalan na naganap. Walang iyakan. Wala na ang mga mangga, pero puro masasakit na salita ang nagliliparan, “Wala kang kwenta! Akala mo ah! Wala kang kwenta!”. Pati ang mga nakatambay na tricycle driver, pinapatabi kaming mga dumaraan. Walang imik pa rin si Kuya Avocado. Alalang-alala siya sa mga avocado niya sa mas lumalakas na pagsigaw at pagdrama ni Ate Mangga,  Paulit-ulit lang ang mga sinasabi ni Ate, pero iba pa rin ang impact. Hindi ko alam at mukhang hindi rin niya alam kung magagalit ba siya o maiiyak. O pareho. 

Hindi ko alam ang pinagaawayan nila. Mukhang hindi lang basta prutas o pwesto ng kariton. Sigurado akong hindi lang siya basta simpleng away ng mga magpru-prutas na nag-aagawan sa customer. Baka relasyon, baka pera, baka ibang babae, baka oras, baka responsibilidad, baka may nagkulang. Malay namin na nakapanood sa kanila. Basta ang isa kong sigurado, may dalawang magpru-prutas na walang pakialam sa mga prutas nilang binabato at lumilipad dahil, nasasaktan sila. Kahit hindi man magsalita si kuya, kahit hindi manampal si Ate. May mga sakit nga naman talagang hindi mo mapipigil, kahit mapanood pa ng buong Tayuman. Kahit baka sila’y pag-usapan. Kahit malamog pa ang mga mangga.

             Napaka-raw ng emosyon, may pinaghuhugutan. Sa isip ko, walang-wala ang Ina Kapatid Anak Finale. Mga pangyayaring ganito ang hindi magagaya o mapapantayan ng kahit anong teleserye sa umaga, hapon o gabi. Walang makakapantay kay Ate Mangga, kahit pa maka-isang daang acting workshop si Kim Chui. Walang mas tatalas pa sa katahimikan at mga matang focused sa avocado ni Kuya, ilaban mo man ang kagwapuhan ni Xian Lim.

                Hindi ko na nakita ang ending. Kung sino ang pumulot o nagtakbo ng mga nagkalat na mangga. Kung may nagbato rin ba ng mamahalin na avocado. Hindi ko alam kung nagka-ayos ba sila.

Lumakad na akong patungo ng SM San Lazaro na mas nakakunot ang noo. Ngayon nalaman ko, na hindi na pala kailangan sumubaybay gabi-gabi para sa teleserye ng buhay. Nandiyan lang sila, sa tabi-tabi, walang acting workshops, walang director, walang script. Walang makakapantay sa totoong sakit.


 Para sa araw na ito, bida ng teleserye ko sila Ate Mangga at Kuya Avocado sa prutasan ng Tayuman.


Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay