Shhh, tulog na
Sasabak ka na naman sa puyatan.
Kung kasama siguro kita sa mga
oras ng disoras ng gabi..
Guguluhin ko ang basa mong buhok
na kakagaling lang ng shower. Malamig na shower pampagising.
Mamasahihin (o chochop-chopin) ko
ang mga balikat mo para di ka na kumuba sa harap ng monitor.
Pagtitimpla kita ng kape pero
bago ko iabot ito, mabilis kong ididikit ang napaka-init na tasa sa iyong
braso. Tunay na pampagising. Maaring manlaki ang mata mo at mainis ka sa akin.
Kapag pagod ka na sa kakabasa, saglit
kong idadampi ang aking labi sa talukap ng iyong mga mata, pagtanggal mo ng
salamin.
Malamya kong sasampalin ang mga
pisngi mo, dahil wala nang epekto ang pang-ilang mong kape. Tsaka malarong
pipisilin at marahang hahalikan ang magkabilang kambal.
Ibubulong mo sa akin,
“tulog na”,
sa pagbagsak ng aking mga mata,
kasabay ng pagbagsak ng ulo sa lamesang puno ng mga nasulatang papel.
Tatayo ako mula sa silyang
kaharap mo.
Iiwan kita.
Makakatulog ako ng tatlo o apat
na oras sa sofa (dahil di ko kaya ang ganyang klase ng puyatan.)
At sa susunod na gabi, kapag
nakaraos na ang lahat.
Ako naman ang maliligo sa
kalagitnaan ng hatinggabi at mag-iinit ng sariling tasa ng kape.
Tatabihan kita.
Malamang
nakahilatay at naghihilik ka na sa kama. Hahawiin ko ang bangs/buhok na malapit
sa iyong mga mata.
Ibubulong ko
sa’yo
“Shhh”,
sa aking pinakamalambing
na tono, kung ikaw ay biglang maalimpungatan at magpaikot-ikot sa kinahihigaan.
Sa mga susunod na gabi, ako naman
ang gising na gising.
Gusto ko kasing panoorin, ang
masarap at maaliwalas na pagtulog mo ng mahimbig.
* para sa lahat ng napuyat, puyat at magpupuyat. :)
first draft on 4/29/13 - 10;15 pm.
first draft on 4/29/13 - 10;15 pm.
Comments
Post a Comment