Emily



*Nanalo ng 2nd place sa Katha category ng 28th Gawad Ustetika noong February 9,  2013.  Judges sa Katha category sila Jerry Gracio, Eros Atalia at Abdon Balde Jr. (Jun Balde). Tatlo sila sa writers na talagang sinubaybayan/hinagilap ko talaga ang libro sa library at binili. Kaya super super happy  na sila pa ‘yun judge, kasi mabasa ka lang ng mga author na tinitingala mo, super okay na. Yeeeeey!

Tatlo ang sinalihan kong category sa Ustetika, hetong katha (short story - fiction), sanaysay (essay) at dula (one act - play). Mas confident ako sa dalawa pang entry, eto di ko talaga expected, umiinom pa nga ako ng tubig nang tawagin ang pangalan ko.

About sa topic, sa ngayon nakaka-tatlong gupit na ako ng sariling buhok, napaka-liberating kasi ng feeling. Nang malaman ng mga tao na ako lang ang naggugupit, maraming nagsabi na hindi  raw nila kayang gawin 'yun. Siguro kasi, kakambal ng buhok ng babae ang kanilang lovelife buhok. ‘Pag may boylet paganda, pag-heartbroken paganda.

Kaya months before the competition, buo na ‘yun title, pero wala pang story. Kaya ang nasa isip ko lang habang sinusulat ko ‘to ay ang tanong na: “Kung para sa akin, mapadali lang gupitin ang sariling buhok, paano na ‘yun ibang mga babae? Paano ‘yun mga mahal na mahal ‘yun buhok nila? Ano ang breaking point nila?”

Then viola! This was formed, mostly sa CR at sahig ng dorm J

This is purely a work of fiction. Names and events are coincidental. CHOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOS. Hahahaha! Fine, names might be recognizable, but the events are purely work of fiction. Purely. Promise!

Maraming salamat!

------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Nang Gupitin ni Emily ang Sariling Buhok
ni  Marie Giselle R. Dela Cruz

Hair is the crowning glory.

‘Putang ina

Sawa na si Emily sa pagpapaganda.

Alaga ang buhok ni Emily. Malago at mahaba, abot na sa baywang. Resulta ng pinag-ipunang keratin treatment, walang-wala si Eba.

Nagkulong siya maliit na banyo ng inuupahang apartment. Puti ang paligid. Tumalikod siya mula sa salamin. Ayaw niyang makita ang sariling pagdurusa. May pag-aalinglangang humapyaw sa kanyang isip, takot ang pumalit, ngunit isinantabi niya ang maaring maging kalunos-lunos na resulta. Nanginig ang kanang kamay na nakapulupot ng mahigpit sa matalas na gunting mula sa kusina. Sa dis-oras ng gabi, hindi tilapia, galunggong, alumahan, hito o lapu-lapu ang matitikman ng matalas na metal.

Ang mahabang buhok, unti-unting umiiksi. Nagsimula nang matakpan ng itim na buhok ang puting bathroom tiles. Walang ingat ang pagtabas. Kung anong mahatak ng kanyang mga kamay at maabot ng matalas na gunting, siyang gupit. Hindi sukat ang pagbabawas.

Mabilis ang kanyang pulso, para bang rason ito para magwala ang kanyang mga kamay. Sa kulob na banyo, inaagaw niya ang ritwal ng mga bakla.

‘Magpa-beauty ka ulit.’, pangungulit ng ilang kaibigan.

Sa dalawampu’t limanag taon, buhok lang niya ang pinaggagastusan. Ang make-up, galing China lang at ang mga mini skirt sa ukay-ukay pero sa kung anu-anong mamahaling salon inilalapit ang buhok.

Ayaw ko na, napapagod na ako.’

Bata pa lang si Emily, ‘yun na ang ginagawa niya.

Gupit, gupit, gupit, tabas, gupit.
Pigtails, half-pony, ponytail. Headband, side clip, tirintas. Preschool pa lamang si Emily, iba-iba na ang hairstyle niya. Dala ng inggit sa mga kaklaseng inaayusan pa ng kanilang yaya. Goma lang ang panali niya, may kalawang na ang tanging clip na kulay itim. Ang headband, iisa lang, mula sa amo ng nanay niyang labandera.  Okay lang, pangit man ang panali, maganda naman. Sa murang edad, tumatak kay Emily ang depinisyon ng ganda.

Gupit, gupit, gupit, tabas, gupit. Hanggang bra strap na ang buhok ni Emily.
Sa Grade 5, section Masigasig, isa lang ang pinapansin ng mga lalaki. Naka-baby bra na si Emily, pero ang flat-chested na si Chesley ang tinatabihan sa klase. Top 1 ng klase, may kolorete na sa mukha. Mahinhin magsalita, nagpapahabol sa lalaki pero ipokrita  at suplada sa mga babae.

Mahaba at madulas ang buhok ni Chesley.

Bestfriend ni Emily si Boaz. At dahil top 2 sa klase si Emily, nagpatulong si Boaz kay Chesley. Naging malapit sina Emily at Chesley, palitan ng baon, tulungan sa assignments at hiraman ng suklay. Kung sino pa ang mahaba ang buhok, siya pa ang hindi nagdadala ng suklay.

Ang hindi alam ng dalawa, matagal nang gusto ni Emily si Boaz.

‘Ang mag-bestfriend nagtutulungan.’

Walang nagawa si Emily, pumayag siya. Bridge kumbaga, taga-abot ng sulat, taga-sabi ng mga meeting place.

At nang maging mag-syota na sina Boaz at Chesley, naiwan si Emily na nag-iisa. Kung sino ang tumulong, siya pa ang naagawan. Ang mas malala, nagka-kuto pa siya. May mga tao talagang nanggagamit na, nanghahawa pa.

Gupit, gupit, gupit, tabas, gupit. Hanggang dibdib na ang buhok ni Emily.
Naimbento ang cellophane para hindi na kailanganin ng suklay at ibasura ang commercial ng Rejoice. Bukod sa magpapakintab ng buhok, hindi pa ito magbubuhaghag.

Tatlong buwan bago magbakasyon ng 3rd year high school, naging malapit si Louie kay Emily. May gustong babae si Louie, pero dalawa silang nangliligaw sa babaeng salamin lang ang hawak, kahit pa man nagtuturo sa harap ang guro. At dahil mukhang mahina ang tactics nitong si Louie, kay Emily siya dumikit. Kay Emily na lang niya ibinaling ang pansin. Tinatabihan siya ni Louie sa klase, laging kinakausap, panay papansin, sinasamahan pa kapag dismissal. Naka-tatlong tawag na ito sa bahay ni Emily.

‘Bakit ka tumawag?’

‘Ha? Wala lang.’

Sakto ang swimming party ng klase sa bakasyon. Baka next year hindi na maging magkaklase sina Louie at Emily. Pagkaahon nila sa pool na nasobrahan ng biyaya sa matapang na chlorine, malaki ang ngiti ng dalawa. Sabay na nagpapatuyo ng buhok gamit ang tuwalya.

Baka mawala ang kintab ng buhok mo.’ Hinawakan ni Louie, ang basang buhok ni Emily.

‘Louie, gusto kita.’

 Matagal ang titig ni Louie. May mga pagkakataon na hindi ang taong dumikit o ang lumapit ang nahuhulog ang loob.  Kaya nang masira ng cholorine ang cellophane, hindi niya na muling hinawakan ang buhok ni Emily. Hindi na nasundan ang mga tawag.

Bakit kaya? Baka wala lang din. 

Gupit, gupit, gupit, tabas, gupit. Hanggang balikat na ang buhok ni Emily.

Pagtungtong ni Emily ng kolehiyo, nauso ang pagpapakulay ng buhok. In ka, kapag hindi lang itim ang kulay mo. Patingkaran ng kulay. Samu’t saring pangako sa do-it-yourself na kahong karton, red, orange, auburn brown, strawberry blonde. Hindi pa malakas ang loob ni Emily para sa mga nakakagulantang na color palette at walang tiwala sa mumurahing karton. Dumiretso sa pinakamalapit na parlor ng paaralan, mahogany brown ang pinakulay niya.

            ‘Bakit ka nagpakulay? Mas maganda ang natural’, pagtutol ng isang malapit na kaibigan, si Alfred.

            Lapitin si Alfred sa kababaihan pero may special treatment si Emily. Inaabot ng madaling araw ang dalawa na magka-chat sa kompyuter. Nagsasabihan ng problema, nagsusuportahan sa mga pangarap.

            Makalipas ang dalawang buwan, nakita na ulit sa anit ang tumutubong itim na buhok ni Emily, unti-unting bumabalik ang orihinal, tila naglalaban ang kulay ng itim at mahogany brown sa buhok ni Emily. Masaya palang umibig sa lalaking gusto ang natural na ganda.

            Ngunit isang hapon, namataan na lang ni Emily na may kasamang babae si Alfred. Ang nagsabing tumatangkilik ng natural, naka-akbay sa babaeng ang kulay ng buhok ay chocolate brown.

            Kabarkada ni Emily ang babae, marami palang pwedeng pagbigyan ng special treatment. Kaya una-unahan na lang.

Gupit, gupit, gupit, tabas, gupit. Hanggang batok na ang buhok ni Emily.
Pangit ang kulot na buhok, pero ang kulot ng artipisyal, maganda. Nagpapaganda ang soft curls, big curls, semi curls o  Korean style. Tatlong buwang inipon ang baon, para sa college graduation picture kulot na ang buhok niya.  Pagdating sa parlor dala-dala ang picture ng isang retokadang, koreanang artista.

‘Dapat maging kamukha ako niya’

Kayang-kaya yan, girl!’, masayang sagot ng bakla.

Natuwa ang bopypren ni Emily na si Michael.  Inikot-ikot nito ang mgadaliri sa kulot.

‘Gusto kong hinahawakan ang kulot mong buhok.’ ‘Ang ganda mo.’

Inamo, linaro at biniro. Pero tulad ng Korean curls, mabilis lumipas ang uso nang mahawakan na ang mapipintog na suso. Nakahanap ng ibang kulot ang makulit na mga kamay ni Michael. Mga maliliit at mahiyaing buhok sa babang parte ng katawan. Himas dito, himas doon. Madaling mabola ang mga mahiyain at kahit alam nang pinaglalaruan, uulit-ulitin pa rin.

Gupit, gupit, gupit, tabas, gupit. Hanggang tainga na ang buhok ni Emily.
Long, black, hair. Dapat walang sabit, smooth and silky.

Pinapangako man ito ng mga komersyal na shampoo at conditioner , hindi ito sapat para kay Emily. Rebond ang solusyon at saktong kabi-kabila ang promo ng mga parlor.

Dapat maganda ang buhok dahil nabihag siya sa Louis Vuitton bag at sasama sa BMW na kotse, ilang taon man na tanda, mabibigay ni Ricky ang luhong hindi nakamit ni Emily.
Madalas, may kapalit ang luho.Serbisyo.

‘Bakit walang papaya ang tinola?! May putik na naman sa marmol ng sala! Ang polo ko bakit nasa labahan pa?!’

Pikot,sampal at sabunot. Sigaw na ang hininga ay ang masangsang na sigarilyo at alak. Hindi asawa ang role niya, kundi nagmukha siyang katulong, hindi pa mayordoma. Sa malapalasyong bahay ni Ricky, wala siyang silbi sa umaga, palamunin lang. Paglubog ng araw, pagbalik ni Ricky sa mga illegal na pinamumunuan, nagsisimula ang night shift niya.

Sana hindi na nagpa-rebond pa si Emily. Sa araw-araw na pagsabunot, diretsong-diretso na ang buhok.

‘Pinapakain kita, binibigyan ng luho. Walang kwenta! Wala ka namang kayang gawin!   Harot lang ang silibi mo rito, ikaw pa ang aangal ha?!’

            Tatlong taon ang tiniis bago siyang nagpasyang makalawa. The best ang tinola ni Emily. Tinola lang dapat ang pinaguusapan, hindi kung paanong pambababoy ang ginawa sa kanya. Habilin ni Ricky ang papaya sa tinola, ngunit di naman kinakain, dekorasyon lang. Sa mata ni Ricky, hindi babae ang tingin niya kay Emily, ngunit isang lamog na papaya.

Gupit, gupit, gupit, tabas, gupit. Kaunti na lang.
Tatlumpong minuto na siyang nakakulong sa banyo. Sa bawat pulgada ng ­buhok na walang ingat na ginupit, nabawasan na ang naipong hinanakit.

 Minabuti niyang tapusin ang sariling artwork. Walang kasing nagmahal sa magagandang artwork ng mga bakla. Paano, madali lang ibigin ang kagandahan, sa sobrang dali nakakalimutang seryosohin.

Binuksan ni Emily ang gripo. Siguradong magbabara ang ginupit na buhok sa tubo. Mas mabuti nang maantala ang daloy ng tubig, huwag lang mapigilan ang daloy ng luha.

Dahan-dahang tumingin si Emily sa salamin, kumalampag sa basang sahig ang nabitawang gunting. Mabagal na hinawakan ang bagong gupit na buhok, marahang hinimas ang hairstyle na pang-bilibid. Hindi pantay ang gupit. Kita na ang anit sa kaliwang parte ng ulo. May kaunting dugo ang daplis ng gunting sa may gawing batok.

Nakahinga siya, nakatakas na sa restriksyon ng pinapasasang formula ng ganda.  Pake niya kung ano ang sasabihin ng iba.

Malaki ang ngiti ni Emily, totoong saya sa likod ng pawis at luha.

‘Maganda pa rin ako’

‘Maganda pala ako’

‘Maganda ako’

Nang gupitin ni Emily ang sariling buhok, hindi na siya natakot sa pag-iisa, dahil nahanap niya na ang tunay na magmamahal sa kanya.

------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Mga 2 days before ng deadline, marami pa rin blanko ‘yun word document. Litong-lito ako, papalit-palit ako sa page-edit ng tatlong entries. Kaya naisip ko na talagang huwag ‘tong ituloy, tutal may iba na akong panlaban, pero sayang. Sayang ‘yun nasimulan, sayang din ang storya ni Emily. Para sa mga writers na sumasali sa kung anu-ano, masakit hindi manalo, pero okay lang, basta maikuwento.

Kaya in 3 minutes, nagsulat ako ng letter para sa akin at kay Emily (habang nasa CR ng dorm) at 11:34 am on 1/10/13.


Kung nakaabot ka rito, hahaha super thank you ulit! As in supeeeer! Kiss sabay hug! hahaha! 

Comments

  1. Mahirap lang talaga na ikinahon na ng mga pageant, TV, radyo, at kung ano-ano pang media ang depinisyon ng kagandahan.

    Ayos yung message Ma'am. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat Ralph! :) tama tama, dapat ang ating sarili ang gumagawa ng depinisyon ng 'ganda' :) Napadpad pala ako sa blog mo, nice one! Natuwa ako :) Ituloy natin ang pagsulat!

      Delete
    2. Just read this. Very nice. Very proud friend here. :)

      Delete
    3. maraming salamat sa pagbasa Rijel! :) Mas proud friend mo ako! :D

      Delete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Ten by Ten

Four years