Bye-Bye Saranghae Korea Trip
DAPAT. #huhubells.
![]() |
Ready na ready naman na si Korean Visa :'( |
Napabili kami ng
Ate ko, as in agad-agad, ng flight tickets papuntang Korea noong last November
2012 pa. Gustong-gusto ng ate ko mag-travel at fan na fan siyang tumingin at
maghintay ng mga Piso travel fares ng Cebu Pacific. Natsempuhan, na noong araw
na iyon – nagkaroon ng mga ultimate discount promo sa online website nila. P1
para sa local destinations at P99 lang para sa international. Travel period ay
October –December 2013. Pasok sa sembreak ko, pwede naman mag-leave si Ate sa
hospital duty.
Nataranta kami
bigla! Heto na! Matagal na naming dream ang makapuntang Korea, high school pa
lang die-hard fan na kami ng mga koreanovela at movies – malakas kami
mag-marathon nito , die hard fan ako ng Kpop songs at ang mga hottie but ultra
skinny boys pero may abs, fan kami ng BB Cream at mga Korean make-up, fan ako
ng Korean ice cream, gusto namin ma-feel ang culture at cold weather sa
K-O-R-E-A! Hindi ko maiwasang
pumaplakpak at mag-cheer kapag sinasabi ko ang KOREAAA! #1 top country kong
mapuntahan ito, nag-promise pa ako sa sarili ko na after graduation, pupunta
talaga ako. Heto na talaga, mag-ultimate bonding at fan-girling kami ng ate ko!
Magkano lang ang
aabutin ng promo tickets kasama ang mga tax at ibang surcharge? Ang nasa normal
na ticket price na P13k – one way, magiging P5k na lang, two-way na! Oo,
balikan! Nang tinitignan namin ang flight dates, bawat minuto may nauubos na
flight. Napa-competitive ng mga ibang kasabayan namin. Kailangan bumili na agad
kami! Nag-isip lang kami ng mga 3 mins, nag-doubt ng 1 min. Tas 10 mins para sa
excitement. Nag-grocery lang ang mga magulang namin noon, pagbalik nila, nagkagulatan
na naman. Umuwi sila na may mga pinamalengke, kami naman sumalubong
at bumuhat ng mga plastic bag tsaka sinabing may flight tickets na kami. Wow. Agad-agad!
Pero.. last
week, magmula October 8-12 na-ospital ako. In just one night, nag-full-blown
ang allergies ko. Bago ako matulog, nakita ko na ang nagsisimulang allergies sa
may bandang paa. Malaki, mataba at mapula. Hindi na ako nagtaka, uminom lang
ako ng gamot. Sanay na kasi ako, for the past 3 years – simula nang mag-college
ako, lagi akong nagkaka-allergy. Uriticaria ang tawag o hives, pulang patse-patse na umaambok sa
balat, magmumukha siyang mapa ng Pilipinas. Normal na ‘to sa akin, dati
nakakapasok ako ng school ng may ganito, hinahayaan ko lang. Nangangati lang
nga, pero slow-motion naman ang pag-progress.
Although
that time, iba na. Pagkagising ko, namamaga ang buong ulo ko. Kaya pala kamot
ako ng kamot ng anit ko noong natutulog, ang init ng pakiramdam, hindi lang makati
kundi mahapdi, alam ko na grabe. Dumiretso na ako sa Health Service ng UST, sinaksakan
ako ng allergy shot, pinatulog. Noong tumayo na ako at nagsimulang magsapatos,
nahihilo na ako. Alam kong hindi lang basta hilo, nahihirapan na akong magmulat
ng mga mata. Kaya dahan-dahan akong naglakad papunta sa nurse na umaasikaso sa
akin, sa bawat tapak ko, alam kong anytime babagsak at magbla-black out na ako.
Pagkahawak ko sa balikat niya, pinaupo niya ako at agad na yinakap para ibalik
sa kama. (Sabi pa ng cute na nurse, ‘yakap ka sa akin, yakap ka sa akin’
MALAMANG YUMAKAP NAMAN AKO HAHAHA LANDI). At hindi na rin ako makapagsalita, tinawag
ng nurse ang doctor, kinuhanan ako ng blood pressure, 70/40. Masyadong mababa,
namumutla na raw ako, mabilis akong inoxygen at swineruhan. Anaphylactic shock.
Anaphylactic
shock o Anaphylaxis, life-threatening, kung saan ay direktang naapektuhan ng
allergic reaction ang inside systems ng katawan. Symptoms ay difficulty in
breathing, dizziness, drop in blood pressure, stomach ache. Doon na
napagdesisyunan na i-confine na ako, tinawagan ko ang tatay ko para puntahan ako
sa UST, sinabing kong magdala na siya ng sariling damit. For the next 7 hours
mapipilitan kaming tumambay ng tatay ko sa Emergency Room habang naghihintay ng
available na kwarto. For the next 3 days, naka-miss ako ng mga final exams,
group reporting, final video presentations at competition.
![]() |
Buti maganda ang nail polish ko, gold and glittery haha! Ultimate puffy at namamaga face selfie. |
Nagpantal-pantal at
namaga ang buong katawan ko. Mula sa ulo, leeg, pababa sa dibdib, sa tiyan. Parang
namamasyal ang allergies, mapula at malaking grupo nilang sasakupin ang isang
parte ng katawan, tsaka lilipat uli. Hanggang sa pwet, sa hita, sa legs, at pinakahuli
sa braso. Napilitan akong mauna na sa sembreak at magpahinga, ang daming
tinurok at pinainom sa akin na anti-histamines/anti-allergy na ang tanging
side-effect ay pampaantok.
![]() |
Last straw, heto ang huling batch ng allergy sa braso ko. |
Sa
stay ko sa ospital, may nakabiting tanong sa aming pamilya. Tinanong namin kay magandang
Doc kung pwede pa akong pumunta ng Korea, umiling-iling lang siya, pag-iisipan
niya raw. The next day, tinanong ko uli, dineretsa niya na ako, ‘No, huwag na
lang”. Haahaaaay, there, I saw the downfall of my Korean dreams.
Pwede naman
ipilit. Wala naman si Doc sa airport para habulin at pigilan ako. Pero nakakatakot,
hanggang ngayon kasi hindi namin ma-pin point ang dahilan ng allergies ko. Hindi
nila ako ma-allergy test noong naka-confine, baka mag-negative o positive lang lahat
ng results dahil sa mga gamot. Ang sure
ko lang na allergic ako ay crabs, pero Mcdo lang naman at siomai rice ang
kinain ko bago ‘yun. Baka may na-inhale ako o may bagong ingredient, substance,
stress, pollutant, weather, damit, make-up, insekto – pwedeng kahit ano.
Tinanong ko kung
pwedeng maulit, oo daw, posible. Lalo na mas malamig ang weather doon, 2 lang
daw ang pwedeng reaction ng allergies sa malamig na weather.
1. Patay si allergy
2. Mas malala pa
Nakakatakot din
ang bagong pagkain, kilala pa naman sa mga variety of exotic spices at
maanghang ang Korean food. Alanganamang pumunta ako doon ng 5 araw at puro Skyflakes
lang ang kainin ko!
Nurse naman ang
ate ko at kayang-kaya niya akong bigyan ng mga emergency allergy shots. ‘Yun
lang nga, hanggang first-aid lang naman ‘yun. Katulad noong first 2 days ko sa
ospital – every 6 hours, lunod ako sa allergy shots, pero hindi naman agad
bumisa. Nagsimula lang akong gumaling ng mas dagdagan nila ang gamot at bigyan
na nila ako ng mas malakas na steroids. Ang hirap din kung doon ako maabutan na
ma-ospital, baka ‘yun P5,000 na budget fair, maging hundred thousands. Naisip
ko nga, kung ma-oopsital man ako doon, ang masasabi ko lang sa mga Korean
doctors ay “auuhh-ller-geeee”. At baka naghihingalo na ako sa kati at shock, di
pa rin kami nagkakaintindihan.
Hindi ko lang
nga maiwasang manghinayang. Effort din ang pag-aasikaso namin ng Korean Visa sa
embassy. Gumawa na ang ate ko ng itinerary namin, nakapag-book na rin siya ng
tutuluyan namin guest house, game na game din siyang nagpa-reserve ng ticket
nang sabihin ko na manood na lang kami ng Korean-cultural-musical play kaysa
pumunta sa isang pambatang theme park. Namili na ang ate ko kung ano ang mga
Palace na pupuntahan namin. Nakapag-research na rin ako ng mga must-try, top street foods. Matagal na rin akong nagse-self study ng Korean, sa aming dalawa,
ako pa naman ang nakakabasa ng mga Korean characters at mas gamay sa lenggwahe
nila. Paano na ako bibili ng BB CREAM?! 20% mas mura daw ang mga make-up doon
#huhubells.
Ang
pinakamalaking hirap lang kasi sa mga promo tickets ay hindi ito pwedeng i-reschedule, non- refundable at non-transferable. It’s either you make it to the flight or not. Bale nagtapon nga lang
ako ng P5,000. Syempre, malungkot. Ang inintay ko ng ilang buwan, sa last 2
weeks pa mauudlot. Super sorry sa ate ko (na birthday pa ngayon, Happy Birthday
Ate, I love you zo much!) na excited mag sisterly-bond kami sa Korea. Alam ko
namang kaya niya na mag-isa at mag-eenjoy pa rin siya kahit wala ako, lalo na’t
nakabili na siya ng jacket panlamig at boots!
Sabihin na
nating wrong timing, baka hindi ko pa lang nga talaga panahon ngayon. Tanggap ko
naman, baka sign ito ni Lord. Sisiguraduhin ko na lang sa future, matutupad ko
rin ang Saranghae Korean Dreams ko! Baka mamaya pala, kailangan lang mag-soul
searching ng Ate ko o baka naman this-is-it-pancit na makakahanap siya ng kimchi
boypren doon!
Well, as for me.
Noong nasa ospital ako, sabi ng tatay ko.. “Sige anak, ibili mo na lang ng libro
‘yun ipang-koKorea mo.” Magliliwaliw na lang ako sa Visprint publishing warehouse sale at maghahanap ng pupuntahan this sembreak, habang nag-eenjoy si Ate sa Korean
Autumn.
Comments
Post a Comment