Para sa'yo. Minsan lang 'to.

Dahil minsan lang naman talaga ako mag-blog o magsulat in public ng kahit anong may koneksyon sa batang-puso ko. Minsan lang ito. I must keep my heart intact, INTACT! HINDI MAARING WALA PA NGA AKONG HOLDING HANDS, MADUDUROG NA ANG PUSO KO! Oh nooooooooooooooooooooo! Di nga, totoo. Wala pa akong holding hands, tas maha-heart broken na naman agad-agad, ako? Na ako lang ang masasaktan? Nakanampucha talaga oh. Boom boom boom boom pow! Okay, here it is.


Para sa’yo.

Syempre, akala ko kahit papaano maiisip mong magtext. Dahil napaalam ko na naman sa’yo ang state ko, noong 2nd night pa lang. Tinanong mo kung hanggang kailan ako sa ospital, ang sabi mo lang ‘wawa nga’ at ‘pagaling ka agad’ sinabihan na lang kita na mag-ingat tsaka ako nagpasalamat.  Syempre, inakala ko magte-text ka rin after. Yaman mo sa load eh, parang tubig lang ng Nawasa ‘yan load mo. Ano ba naman ‘yun piso? O dalawang piso? Ano ba naman ‘yun, “Kamusta?” o “Ok ka na ba?” sa mga susunod na gabi at araw?

Kaya tuwing matutulog na ako, pinapalitan ko into silent mode ang celphone ko. Bawal i-off, baka may makaligtaan na text.  Tsaka ko ilalagay sa ilalim ng matigas at tangi kong unan sa ospital. Itinatabi ko sa kamay ko kung saan nakatusok ang dextrose. Tapos ayuuuun, medj nag-expect ako. (‘yan na nga ba ang masakit sa pag-eexpect eh, tsk tsk tsk). Alam ko naman kasing kahit gabi, madaling araw o umaga, walang pinipiling oras ang pag-uusap natin. Basta pareho tayong gising. May tulog o caffeine lang, nakapagshower na o hindi.

Pero ni follow-up, wala. Hindi ka na nagparamadam, hindi naman ako nangulit.

Ilang milya na naman ang layo mo. Sa isip ko, since wala ka, sa text na lang.  Eh wala din. Malamang busy. Hahahahayyy, PWE. Lagi ka namang busy ah, given na ‘yun. Gaano nga ba kabusy ang busy? Nagawa na naman natin ‘yun di’ba? Magpalitan ng texts in between classes at kung ano-anong umaarangkadang meetings. At dating nasa locked-in meeting ka nakapuslit ka ng mga text sa akin dahil may urgent need ka.

Need naman din kita kahit papaano ah. Lalo na noon.

May mga pagkakataon pala talagang akala mo importante ka na sa isang tao. Kahit alam na alam ko naman, like, duhhh, super malamang, fully aware and obviously sure na wala ako sa top ng list, pero mas masakit pala na mapatunayan na hindi ka man lang nakapasok sa listahan. Kahit doon sa baba, kahit doon man lang sa break down.

Kumbaga kung titingin ka sa choices ng napaka-overwhelming na menu ng Jollibee, wala ako sa paboritong-combo-value meals, wala ako sa coupons at value cards, wala ako sa 39ers budget meals, wala sa mumurahing desserts, nakanampucha wala pa nga ata add-ons na kahit fries man lang. Bale, baka doon banda sa may counter, parang ketchup lang o tissue o straw o service water na walang yelo.

At oo nga pala, wala kasi palang resibo/official receipt itong napakalabong walang kasiguraduhan na transakyon natin. Kung service crew ka, hindi mo kinuha ang order ko, walang nag-verify ng meal choices ko. Basta alam nating dalawa at tanging sinabi ko lang sa counter ay gusto ko ng pagkain at ice cream dito. ‘Yun ang sinabi ko, ‘yun alam mo.

Eh ikaw anong gusto mo? Hindi mo pinunch ang order ko, walang kang pramis na ide-deliver, wala ka man lang tanong na “Willing to wait for 15 mins?”. Hindi ka nagsasabi kung dapat ba akong maghintay, umalis, lumipat, lumayo o tumigil.  Paano kasi, ang dami-daming customer. Ang daming kasama sa pila. Ha? Number? Hindi ko alam kung may ibang binibigyan ka ng number, kung ilan na ang nabigyan mo ng number. Dapat ba akong humingi ng number? Basta sinabi ko sa’yo, wala akong hiningi, wala kang binigay.

 ‘Yun lang.

Dahil ‘yun lang naman ang alam natin di’ba? Gusto ko ng pagkain at ice cream pero walang order, walang number at walang resibo.

Marami akong kasamang nakapila, mali na aasa ako ngayon at maghihintay na tapatan mo ako sa counter para lang makipagngitian at kunin ang order ko. Patuloy kang magpapalipat-lipat, busy-ing-busy, dahil mas maraming bagay at tao ang kukuha ng atensiyon mo, mas maraming pagkakataon na hindi sapat ang maliit na order kong ice cream sundae at apple pie.

Hindi na ako nagsasabi sa'yo, hindi na rin ako nag-oopen up o nangungulit. Lagi tayong nagkakausap pero puro pahapyaw at pasarang na lang ang ‘matters of the heart’, alam kong ultra-sensitive ng topic. Ayaw ko rin magmukhang too clingy, needy at cheesy, baka doon pa ako ma-allergy. Susko. Pero heto pala, na kahit hindi man evidently at publicly, nararamdaman ko rin pala ang pagiging clingy, needy at cheesy – very silently.

Sa huling dalawang gabi ko sa ospital, lagi akong gising ng madaling araw. Sinisikmura ako, malakas mag-produce ng acids ang mga injections sa akin, ihalo pa ang condition kong hyperacidity. Kaya kakain ako ng maliit na subo ng tinapay at mammon, bubuksan ang TV. Magpapalipat-lipat ng channel sa mahinang volume dahil natutulog ang nanay ko sa sofa. Iintayin kong kumalma ang tyan ko, titignan ang celphone, hindi na ako makatulog. Kaya iintayin ko lang din ang mahinang katok ng nurse, bilang ko ang oras ng next injection ko, nilu-look forward ko ang ituturok ng nurse sa akin - Dyphen, anti-histamine, anti-allergy. Sa ilang segundo mahihilo na ako, ilang minuto lang, mabilis na kakagat ang side-effect ng mahimbing na tulog. At bago pa tuluyang pumikit ang mga mata ko, madalas naiisip ko.. siguro.. tama nga ang desisyon ko.

Noong minsang tinext kita, na ako na muna ang didistansya.





PS. Yes, this is a dramarama, Lady Gaga, banana-rama, post-sickness, antihistamine-steroids induced post. 

Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay