Retaso

*Nanalo ng 2nd place para sa Maikling Kuwento, noong December 21, 2013 sa Saranggola Blog Awards 5.

Mabilis na tumakbo si Cholo papunta sa tatay niya, nakatayo sa tabi ng nakabukas na gate. Tumalbog-talbog pa ang matabang pisngi nito, “Tay-tay! Tutpeyst po, naiwan niyo!”. Inabot ni Cholo sa kanyang tatay ang tatlong sachet ng tooth paste.

Isang oras na nag-empake ang laman ng bag si Isabela. Nagbalot ng gamit na timping-timpi, walang imik. Ilang damit lang, karamihan ay maluluwag na pambahay, pambaba ng asawa niya, isama pa ang ibang toiletries, pang-ahit, karton ng sabon, ilang tirang sachet ng shampoo. Pero nakalimutan niya ang tooth paste. Namili pa kasi siya ng litratong palihim na isisingit sa bulsa ng isang bag.

 Napili niya ang pinakabago, 7th birthday ni Cholo. May hawak na isang asul na lobo si Cholo, naka-suot ng ang paborito sando na may drowing na cartoon na Pikachu. Nakawahak ang magkabilang kamay sa magulang, habang nakatayo sa ledge ng Manila Bay. Mahangin at bahagyang umalon sa ere ang buhok nilang tatlo pero litaw sa harap ng bughaw na langit ang mga ngiti. Sa liit ni Cholo, nagmukha silang gumawa ng pyramid. Triangulo. Buo. Kumpleto.     

Naka-abang na ang taxi nang itinakbo ni Cholo ang tooth paste mula sa pinto ng bahay hanggang sa pandak na gate. Lumuhod si Rudy, hinalikan sa pisngi at yinakap ng mahigpit ang anak.

“Lahat ng iiwan kong damit.. para sa paborito kong si Cholo ”  maluha-luha si Rudy.

Tumayo si Rudy at isinakay na ang tatlong bag sa taxi. Walang mga bilin ng pag-iingat o halik sa pisngi na ibinigay si Isabela. Ang matatabang daliri lang ni Cholo ang tanging kumaway sa pwet ng taxi.


Mas kamukha ni Cholo si Isabela, kayumanggi, bilugang mga mata at itim na itim na buhok. Nakuha naman ni Cholo ang ugali kay Rudy, masayahin at madaldal.  Pati na rin ang bilugang mukha, na lalong pinataba ng inilalakong meryenda ni Isabela na monay putok, tinapay na may asukal sa itaas. Lalo na kapag tinutulungan ni Cholo na timplahin ang matamis na gulaman, sabay papak ng mga berdeng sago at pulang gelatine na siya’y meryenda niya na rin kada hapon. Mas may pasensya si Rudy na sumagot sa mga tanong ni Cholo. Kaya hindi sapat para kay Isabela ang iniwan ni Rudy na isang sobre ng pambayad sa anim na buwan na upa at kuryente para sagutin ang mga tanong kung paano napapalitan ang paborito.  

“Nay, kailan uuwi si tay-tay? Diba sabi niya, magkaroon ako ng kapatid?“

“Ang tatay mo lang ang magkakaroon ng bagong anak. “

“Po? Edi kapatid ko na rin ‘yun?” nagniningning ang bilugang mata ni Cholo.

Hindi umimik at pumasok na lamang ng banyo si Isabela. Walang dalang tuwalya, walang tumulong gripo pero lumabas na basa ang mga mata. Paano naman ang mga tanong ni Isabela? Nasaan na ang pambayad matapos ng anim na buwan? Paanong biglang magbubunga ng bata ang dating kababata ni Rudy mula sa Quezon? Naka-ilang uwi ng bakasyon si Rudy para bisitahin ang mga naiwang magulang, hindi akalain ni Isabela na sa ilang mabilis na buwan lang mawawatak ang masayang tahanan nila.

Nang pinapili ni Isabela si Rudy, tikom ang bibig nito, hindi umimik. Hindi na naglaban si Isabela o nanugod sa Quezon. Magsasayang lang siya ng pamasahe para aararuhin ng sabunot ang babaeng taga-doon. Ayaw na niya na ng gulo, tatanggapin niya ang pasan ng puso at iingatan si Cholo. Silang mag-ina ang matitira sa Maynila, tutuparin ang pangarap na unang binuo ni Rudy. Dahil may ugali si Isabela, kapag wala na - wala na. Parang maruming tshirt lang na kapag hinubad, tanga ka para muling isuot ang dumi at baho. Wala nang laba-laba, diretso basahan na.


Kung dati’y nagsisiksikan silang tatlo sa kwarto, mas nakaka-ikot na ang dalawa ngayon sa higaan. Matapos ng ilang linggo, maalala ni Cholo ang naiwan ng tatay niya. Hahatakin ni Cholo ang kahon mula sa ilalilm ng kama, kakalkalin ang umaapaw na amoy bagong labang damit ni Rudy.  May dilaw na polong may kwelyo, polong kupas, tshirt na puti, maong na pantalon at maong na jacket.

Sinuot ni Cholo ang maong na jacket, bagsak sa balikat, mahaba ang manggas at hanggang tuhod pa niya. Nang pumasok si Isabel sa kwarto, tinitigan nito ang anak.

 “Cholo, hubarin mo na ‘yan. Maluwag pa sa’yo.”

“Sabi niyo hindi na ‘to gagamitin tay-tay. Kasi bibili na siya ng bago.”

“Tsaka na, ‘pag malaki ka na”

Naka-yuko lang si Cholo, hindi umiimik na yakap-yakap ang suot na maong na jacket.

            “Ibalik mo sa kahon”

Sumunod si Cholo at hindi na nagtanong pa. Alam niya ang ganoong tingin ng nanay niya. Binantayan ng dalawang nanlilisik na mga mata at saradong bibig. Gusto niya lang naman suotin ang iniwan ng tay-tay, pero hinubad niya rin agad ang maong na jacket. Mabagal at hindi pantay ang tiklop sa binuklat na damit. Maayos na ipapatong ni Cholo sa loob ng kahon. Ipinatong sa pinakataas. Heto rin ang suot ng kanyang tatay Rudy sa 7th birthday picture.  Paboritong isinusuot ng tatay ni Cholo, lalo na kung tumubo na ang bigote nito. Kamukha ang kapangalang action star na si Rudy Fernandez, may kaputian at itim na itim ang buhok. Iindak ng kaunti si Rudy. Ipapalipat-lipat ang beywang sa kanan at kaliwa, at pabirong sasabihin, “Call me, Daboy”. Makiki-indak si Cholo at matatawa si Isabela. Akala lang kasi ni Cholo, pareho lang ang ‘matanda’ sa ‘mataba’ at kapag sinuot niya rina ng maong na jacket at kumembot ng pakanan at pakaliwa, magiging siya rin si Daboy.  Simula nang umalis Rudy, hindi na natatawa si Isabela.


Gusto ni Isabela, laging malinis. Walang bahid ng alikabok ang munting tirahan, lalo na sa mga munting pigurin sa taas ng tv. Lagi din may nakahandang basahan o lumang damit sa tabi ng kahoy na pinto. Matinik kay Isabela ang mga tastas na ang laylayan, mga butas sa magkabilang kili-kili, kulubot na ang kuwelyo. Katulad na lamang ng puting sando ni Cholo na hawak na ni Isabela, may design ng paborito cartoon na si Pikachu.

“Butas-butas na si Pikachu oh, papalitan naman natin anak”

“Naaaay, eh pero ‘yan po ang paborito ko” mapilit ang tono ni Cholo.

“Papalitan na lang natin ng bago”

 “Wala nga pong papalit na d’yan nay, kaya nga paborito eh”. Hindi na mapigil ni Cholo ang pag-iyak, nagsimula nang suminghot at magpunas ng luha.

 “Napapalitan ang paborito” matigas na sabi ni Isabela, tsaka sinumulang gupitin. Pinunasan ni Isabela ang mga luha ni Cholo at hinayaan na lang din ni Cholo na maging pamunas sa natapong instant noodle soup si Pikachu. Hindi lang ang sando niya ang may mali, alam ito ng batang Cholo, tsaka magsisimulang maglabas si Isabela mula sa kwarto ng iba pang mga retaso ng tela.

Iba-ibang laki, depende sa gamit. Dilaw na polo ang katapat ng mga putikang tsinelas. Minsan may butones pa sa basahang naging pula dahil sa floor wax. Puting tshirt ang pamunas sa natapong pitchel ng gulaman, manggas ng tshirt ang pinanglilinis sa kuwadradong lamesa, long sleeves ng polo na ipinulupot sa hawakan ng mainit na takure. Noong makalawa, tumulo ang kisame sa malakas na ulan, naglabas ng pantalon si Isabela. Nakilala ni Cholo ang pantalon na may mantsa pa ng puting pintura banda sa sakong. Dahil na rin sa dami ng tubig na pinunasan, nakalimutan na ni Cholo tanungin kung bakit ang maong na pantalon ang sumipsip ng tubig ulan.


“Tatapusin ko lang itong paghuhugas ng plato tapos tulungan mo akong mag-floorwax sa sala.  Ikuha mo na lang muna ako ng basahan sa kwarto, sa ilalim ng kama, doon sa kahon.” Bilin ni Isabela kay Cholo.

Pagkapasok ng kwarto, lumuhod si Cholo sa sahig para abutin ang karton sa ilalim ng kama. Sa loob ng kahon, wala na ang nag-uumapaw na damit. Naghihingalo na ang kahon sa mga natirang sirang butones, ginupit na kwelyo ng mga polo, pira-pirasong damit kasama ng malaking gunting. Ngayon lang naintindihan ni Cholo kung saan galing ang mga basahan na inilalabas ni Isabela. Kung bakit pamilyar ang mga ito at kung bakit hindi na uli napagdiskitahan ang iba niyang butas na sando.

Isa na lang ang natira sa loob ng kahon. Maayos na nakatupi ang maong na jacket. Kitang-lita ni Cholo, wala pang tabas, buong-buo.

Agad niya itong isinuot, madaling pumunta at binuksan ang sariling drawer. Kinalkal ang loob, krayola, yo-yo, maliit na robot, laruang kotse, hanggang sa makita ang hugis baboy na maliit na alkansya. May pramis si Cholo na hindi ito gagalawin kung hindi emergency. Dali-daling binuksan ang ibaba, itinaktak ang barya, kumuha ng dalawang tig-limang piso, binulsa. Tsaka kumaripas ng takbo sa maliit na sari-sari store sa kanto.         

Pagbalik ni Cholo sa bahay, kakatapos lang magpuson ng buhok si Isabela, kakadampot pa lang ng plastic ng floor wax. Nakita ni Isabela ang maluwag na jacket na suot ng anak, magkahalong gulat at pagtataka,

“Ba’t mo suot ‘yan? Ang init init! San ka ba galing bata ka?”

            Hindi kaagad makasagot ang hingal na hingal na si Cholo. Tagaktak ang pawis sa noo at pumuputok ang namumulang pisngi. Dahan-dahang inabot ang puting tore ng hugis bilog at magkakapatong na tela. Naghalo na ang pawis at luha, pinunasan ng matabang kamay ang noo at pagkatapos pinadaan sa mata. Mas mahigpit na niyakap ang maong na jacket, tsaka yumuko ang matabang bata at mahinang sinabi,


“Nay, basahan po”


*Ang maikling kwento na Retaso ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 5





Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay