Worst Birthday Ever


Gustong-gusto ng nanay ko na mag-aya at subukan ang mga bagong bukas na kainan/restaurant dito sa may amin. Tuwing nakasakay kami sa kotse, automatic kakalabitin niya ang tatay ko, kapag may nadaraanan kami. At madalas, tinatapat na namin ang pagkain sa labas tuwing birthdays, mother’s day, father’s day, graduation at kung anu-ano pang holiday.

5 years old ako nang lumipat ang pamilya namin dito sa Paranaque. Humiwalay na kami sa bahay ng lola ko sa V. Mapa, Caloocan. Residential area itong Better Living, ang subdivision namin ay nasa loob ng subdivision na nasa loob pa ng isang subdivision. Kabi-kabila ang mga security house, lahat ng bahay may gate, may kotse, tricycle lang ang tanging public transportation sa loob, sementado ang daan, alaga ang mga kung anu-anong klase ng damo at tahimik, sa hapon lang lumalabas ang mga ka-edad kong mga bata. Kadalasan 4-6 pm lang ang laro. Nakakapanibago. Lalo na kung ikukumpera sa V. Mapa, walang subdi-subdivision, paano isang bloke lang kasi nasa main road na kami, may jeep, may truck, nasa hangin lagi ang pollution, halo-halo rin ang mga bahay, may ibang sementado, may ibang gawa sa kahoy, kabi-kabila ang sari-sari store at maingay. Buong araw may naglalarong bata sa kalsada.

Summer ’98 kami lumipat. Dahil July ang birthday ko, ako ang unang celebration. Tsempo namang kakabukas lang ng Goodah! sa Dona Soledad, ang napakahabang main road magmula sa SM Bicutan papuntang bahay namin. Isa ata ang Goodah! sa mga naunang malaking restaurant, kailangang masubukan. At dahil hindi masyadong nakakain ang pamilya namin sa V.Mapa sa ‘peacful’ na lugar at sa loob ng maliwanag at aircon na restaurant, excited kaming lahat.

Naalala ko pa, ako ang naka-upo sa aisle. Hindi ko lang nga alam kung nanay o tatay ko ba ang katabi ko. Wala akong mapili sa menu, hindi ko alam ang mga pagkain. Ang menu ng Goodah! ay goto, lugaw, tokwa’t baboy, molo, misua at -silog meals.

Magulang ko ang nag-order, pagkadating ng lugaw, pinigaan nila ng kalamansi at nilagyan ng kaunting toyo. Tinikman ko. Nagtaka. Yumuko at nagtanong ang munting sarili. Ano itong kinakain ko? Kanin na may tubig. Walang lasa.

Hindi ito ang gusto ko. Hindi ito ang gusto ng maliit na bata na hindi pa maabot ng mga paa ang semento sa pagkaka-upo. Nasaaan ang spaghetti? O bbq?  Hindi masaya ang chubby kid na may sweet tooth. Nasaan ang chocolate cake? Ice cream?

Pero mabait akong bata, kaya hindi naman ako nagmaktol o nagwala. Hindi naglupasay habang ngumangawa. Hindi rin ako nagsabi. Nang tanungin ako kung nasarapan ako, tuloy-tuloy ko lang inubos ang lugaw habang nakayuko. Walang maipintang ngiti sa matabang pisngi. Hindi na ulit kami kumain sa Goodah!. Pagkatapos ng birthday ko, sinabi ko na rin magulang ko na ayaw na ayaw ko na kumain ulit doon. Sino nga bang 5 years old ang gustong umulit pa?

Ilang taon lang, nagsara ang Goodah!, napalitan ng Mercury Drug. Deep inside natuwa ako, nabura ang silent and bitter memories ko bilang bata. (mwahaha)

Pero after 15 years, dumami ang kainan. May Mcdo, Jollibee, Yellowcab, Army Navy, Sinangag Express, pa-rich na mga aircon restaurants, 24 hours na carinderia, inuman, videoke-han, kabi-kabilang coffee at milk tea shops. At ang Goodah! nag-resurrect mga 3 years ago, sa ibang pwesto lang nga (na hindi ko pa rin binalikan).

Ngayon, kumakain na ako ng lugaw. Favorite dish kapag kailangan magtipid, kasabay ng hastag na #LugawNights sa mga tweets.

Huwag lang nga siguro sa birthday ko.

Katualad ngayon, dahil may chocolate cake ako! YEHEEEYY!

Happy 20th!




Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay