Akuin Mo

Ngayong madaling araw, karamay ko ang natirang chocolate cake at tissue. Baka tumaba na naman ako. At puyat na nga, baka sipunin pa. Putang ina.

          Sabi na eh. Bata pa lang ako, sakit ko na ‘to. O terminal disease. ‘Yun tipong aakuin mo ang trabahong di sa’yo. Dahil ayaw mong ma-tengga o pabayaan ang mga bagay.

Parang ganito.

Aakuin mo. Kahit wala ito sa schedule mo. Ipipilit na gawin kahit mas gusto mong matulog sa dis-oras ng gabi. Hindi ititigil kahit nahihirapan. ‘Pag hindi alam, patitiyagaan pag-aralan.

Pare-pareho naman busy. Kung walang tumulong, sumalo, maki-ako kasama mo. Okay lang. Sanay ka naman.

Bakit mo nga ba inako? Kasi hindi raw sila magaling dito. Ikaw rin naman hindi expert. Nakagawa ka na pero nangangapa pa. Magpapatulong ka sa mga kaibigan mo. Mahirap gumawa ng para sa ibang tao. Ano bang style nila? Kailangan hindi ‘yun sa’yo. Masyadong makulay. Maliwanag, masaya. Mahihirapan ka. Lalo na ‘yun background, makaka-ilang palit ka. Makak-ilang edit. Makakaabot ka na sa page 25 ng Google para sa pag-search ng “free background simple pattern”. Tapos itataguyod mong mag-edit at mag-upload ng halos 45 na document. Dadalhin mo ang laptop sa CR, kahit doon gagawa ka. Dadahan-dahanin ang paggawa sa loob ng tatlong linggo. Ipipilit mo.

May makikita ka. Magugulat.  Pero parang pangit pa pala ang nagawa mo. Akala mo, nakatulong ka na. Akala mo, natuwa sila. Oops. Baka hindi pa pala.

Kakausapin mo siya. Ika-klaro, at sasabihin mong na-offend ka.  Babaha ang pag-sorry niya. Pero pumapatong ang inis sa pagod at stress. Di mo pa matatanggap ang mga sorry. Sasabihin mo sa kanya, saka na lang muna. Huwag muna ngayon, baka may masabi kang di maganda. Magmumura ka sa isang tweet. Isang malutong na mura.  Wala kang bibitawang pangalan. Maiiyak ka. Iisipin mong sana tulog ka na, kaysa nagkikimkim ng sama ng loob. Papasok ka ng CR. Maiiyak ka ulit. Pagkalabas mo, tulog na ang apat mong dormates, nag-aaral ang isa para sa Pharmacy midterms niya. Wala kang masabihan.

Kaya gagawin mo ‘tong blog post. Wala ka ulit bibitawang pangalan o kahit anong impormasyon na makakasira sa iba. Kakamustahin ka ng isang kaklase, ikukuwento mo ang nangyayari. Tutuloy ang luha. Pupunasan mo ng dalawang kamay. Unti-unting mababasa ang keyboard mo ngayon. Hai.

Sasabihin ng kaibigan mong iyon na binabasa niya na ang blog. Nakakatawa raw. Maganda ang mga storya. Mapapangiti ka. Buti pa ang iba.

Bakit mo nga ba inako? Wala naman pumilit sa’yo ah.

Pero ganyan ka, simula bata pa. Aakuin ang mga bagay bagay.

Siguro dahil mabait ka.  Sabi nila ang bait mo raw.

Napapagod ka na maging mabait.

Marami kasing pag-aako ang wala namang kapalit.


                 

Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay