Agad, agad. As in, now na. Now or never.

Minsan naiisip mo, bakit ka kaya ganito?

Bakit ba kasi lahat ng laundry shop sa Dapitan, either 1 week bago makuha ang laundry, hindi malinis at nag-aamoy fabric softener lang o amoy kulob naman. Ayan, besides sa paglalaba ng panyo, panty at bra, minabuti mo nang ikaw ang maglaba ng school uniforms mo. Bumili ka pa nga ng plantsa bilang gift sa sarili noong 20th birthday. Shampoo, safeguard, Surf Sun Fresh, Conditioner, Downy, Feminine Wash, Toothpaste. Magto-towel ng katawan, pipigain ang mga nalabhan. Magsusuklay ng basang buhok tapos magsasampay. Kaya lagi kang nala-late sa klase eh, at pumapasok ng basa pa ang buhok. Huwow!

Pero sana paglalaba lang ang iniisip mo ngayon.

Sana hindi mo iniisip ang 1.8 na GWA mo at hindi ka na napre-pressure maghabol ng lintik na .5 kung kailan 4th year. Cum Laude kasi ang ate mo, at nursing pa ‘yun. Sana hindi ka na ginatungan ng tanong ng nanay mo “Aakyat ba kami sa stage?”. Sana hindi ka group leader sa isang major subject. Sana hindi ka isa sa head ng org, at isa sa project head ng isang major event. Sana wala kang responsibilidad na ikaw ang unang dapat kumilos, dahil kung hindi, walang mangyayari.

Sana natapos mo na lahat ng order mo sa pananahi. May naka-tengga kang hindi mo pa ma-ship. Nang maging business ang pananahi mo, na-pressure ka lang sa orders. Kung hindi, sana nakakatahi ka na ngayon ng legit na cute at matatabang stuff toys.  Diba, ‘yun naman talaga ang gusto mo? Diba, marami kang patterns na naka-bookmark sa Google? Kaya ka nag-request ng sewing machine sa lola mo noong 18th birthday? Kaya ka may isang malaking kuwadradong plastic mega box na nag-uumapaw ng makukulay na tela sa bahay? Kaya may malaking container ka ng sinulid na rainbow colors in light and dark shades, ‘yun galing pang Divisoria?

Sana rin hindi mo gusto magsulat. Sana wala kang gustong salihan na, in 7 days na ang pasahan. Nasimulan mo na ba ‘yun? Hindi pa? Patay. Sana wala kang sandamakmak na nabubuong istorya sa isip. Sana hindi 1 folder ang drafts mo ng di matapos-tapos na kwento. Hindi kasi sapat ang magsulat ng reports at reaction papers. Pero diba, ang gusto mo lang talaga ay ma-ipost sa blog na ito ang mga storyang mukhang itatakwil ng iba? Anyare dun? Tsk. Tsk.

Natutulog ka pa ba?  Sumasakit na raw ang ulo mo pag nakaka-8 hours ka ah. Oh, ‘yun pasta mo sa ngipin na gumagalaw na di mo pa nga napapa-ayos. Hindi ka pa nakakabalik sa gynaecologist mo. 

Teka, tsaka bakit ba punta ka ng punta sa mga talks, seminars/workshops? Sana kasi hindi ka laging interesado sa mga sasabihin ng iba. Nood ka pa ng nood ng theather plays at film festival. Suki ka na sa CCP ah. Pang-ilang araw mo na sa Cinemalaya? Naka-limang raw ka na sa CCP sa loob ng isang linggo? Hindi ka ba napapagod? Araw-araw kang umaalis. Tapos babalik ka pa ng dalawang araw? Grabe. Sana kasi, hindi mo gusto makapanood ng kung ano-anong art forms. Sana hindi ka nag-Comm Arts dahil sa kakanood ng mga Korean films. Sana hindi ka na-inspire ng mga script ng pelikula para magsulat. Pero paano ka nga naman makakagawa kung hindi mo panoorin ang gawa ng iba? Sige nga.

Sana kasi, hindi ka masyadong nangangarap.

Hindi, pipilitin mo pa rin itaguyod ang lahat. Lahat ng ito maiisip mo habang nakakunot ang ulo, nakahubad, basa sa pawis at tubig na naglalaba sa maliit at puting CR ng dorm.

Nang mag-break down at umiyak ka habang iniintay ang Prof sa Public Relations last week, doon mo lang nalaman na hindi ka okay. Nagpatong-patong na ang lahat ng nasa isip mo. Kaunting tulog, school works, org works at kung ano-anong works na hindi mo gusto. Hindi ka nakakapagsulat. Alam mong may mali kapag matagal kang hindi nakakapagsulat.

Kasama pa ni Prof si Cesar Apolinario para magsalita.  “Umuwi ka na, magpahinga ka” sabi ng mga kaibigan mo. “Hindi, kailangan kong pasukan ‘tong PR”, iyong pagmamatigas. Kaya habang nagtatawanan ang klase sa talk ni Cesar, andun ka sa pinakadulo ng kwarto, nagdu-doodle ng “I just want to sleep” sa papel, at nagnail polish pa ng kulay pula habang namamaga ang mga mata.

In fairness, ang cute ng doodle ko :)

Ayan. Sabi ng tatay mo, sakit mo ang mag-multi-task. Oo nga.

Ang dami-dami mo raw gustong gawin. Parang mauubusan ka raw ng panahon para sa lahat, kaya pinagsasabay-sabay mo. Katwiran mo, ayaw mo maging stagnant, kaya nga hirap na hirap kang umupo sa 3 hours subject. Ayaw mo ng walang ginagawa. 

Kagaya ng madalas na itanong sa PR, “What is the problem? Let’s identify the problem.”

Okay. Tinatayang 8 months na lang graduate ka na. Pakiramdam mo, kailangan mo nang magdesisyon. As in, now na. Bawat minuto, parang “it’s now or never”.

Ayaw mo lang kasing maging katulad ng ibang mga kilalang nakakatanda, na hindi naging handa sa plano nila. Nag-stuck sa trabahong okay ang suweldo. Gumigising sa umaga, papasok ng naka-slacks, naka-polo at uuwing dala ang trabaho. Paulit-ulit na routine. Walang bago. Walang passion, walang dream. Gusto mong maging magulo at makulay ang buhay.

Kaya sinsubukan mo ang lahat, sinisimulan mo na ang pag-plano sa future mo. Attend ng seminar dito, workshop doon. Napre-pressure ka lang nga, ng bonggang-bongga. Todo-todong natataranta. Dapat ma-develop na ang talents at skills. Build connections. Be prepared. Decide on what you want to do. Mag-focus at develop your specialty field. Find your prospect companies. Ipakita ang galing.  Mag-asawa by 23 years old, sabi sa Marriage and Family. Ideal age ‘yun para sa babae. Huwag na daw intayin ang 30, mahihirapan kang manganak, matigas na raw ang matres mo. Linstak na Marriage and Family, mahirap makinig at umupo sa klaseng ‘to. Pinaka-nakakapressure na subject ever.

Bakit kailangan iplano na ang lahat? At dapat bang agad, agad? Bakit hindi ka na mapakali ‘pag hindi mo alam ang mangyayari? Pinipilit mo nang kontrolin ang lahat ng bagay sa paligid.

Nakakalimutan mo na sa kahahanap ng mga paraan, sa pagpipilit na pagsabayin ang lahat, unti-unti kang nawawala. Nalilito. Nag-iiba. Nakakunot na ang noo ng laging palatawa.  Napapansin na ng mga kaibigan, magulang.  May naabot ka nga, pero nagrereklamo sa dami mong ginagawa.  Literal na sinasabihan mo ang sarili mo na “Hinga, whoooo. Just breathe”. Nasaaan na ang page-enjoy? Hindi ka okay.  ‘Burn-out’ college level style.

Ginagawa mo na ang lahat ng ‘dapat’ at hindi ang gusto mo. Hindi ka okay.

Fuck. Pagod ka nang gawin ang dapat.

 At dahil Public Relations ulit ngayon, magrerebelde ka at gagawin mo lang ang gusto mo. Hindi papasok sa 2 major subjects. Magmamatigas ka.  “Hindi, hindi ako papasok ng PR. Mag-grogrocery na lang ako.” Bumili ka ng favourite mong Manila beer light ha?


*Maganda kasi ang grocery ng SM San Lazaro, maluwag ang mga aisle at mababa ang shelves. Lalo na kung ikukumpera sa grocery ng SM Bicutan, magkakabungguan kayo sa aisle at parang tatlong palapag ang taas ng shelves. Baka walang stock room sa Bicutan, kaya lahat ng kahon ng produkto nasa taas na. Kaya nga pag nagka-earthquake, ayokong maabutan sa SM Bicutan hypermarket, at sa canned goods aisle. Siguradong patay ako na matatabunan ng mga corned tuna.




Comments

  1. Yakap sabay kiss. Kaya mo yan beh suportahan ka naming lahat!!!

    ReplyDelete
  2. Bukod sa sinabi ko sa'yo eto talaga yung pinaka-gusto kong sinabi mo e! Apiiiiirrrr!

    "Ayaw mo lang kasing maging katulad ng ibang mga kilalang nakakatanda, na hindi naging handa sa plano nila. Nag-stuck sa trabahong okay ang suweldo. Gumigising sa umaga, papasok ng naka-slacks, naka-polo at uuwing dala ang trabaho. Paulit-ulit na routine. Walang bago. Walang passion, walang dream. Gusto mong maging magulo at makulay ang buhay."

    Minsan kasi kelangan lang natin munang huminto at magmasid. Nasa tamang direksyon pa ba ang tinatahak natin o lumihis na sa landas na dapat tahakin? Siguro ngayon ang mahalaga ay nakahinto ka na. nakakapag-isip.ang kelangan na lang pagdesisyunan ay ang susunod na tapak na gagawin :) #HUGOT haha cheers gigi iinom na yaaann! >>:D<<

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay