Pan de Coco

*Nanalo ng 3rd place sa Sanaysay category sa 29th Gawad Ustetika, annual student awards for literature ng The Varsitarian, UST. Judges sina Joey Baquiran, Jerry Gracio at Jose Wendell Capili. (Dec. 14, 2013)

Author's Note: May isang matinding wish lang sana ako, hush-hush lang ito. ;)

Pan de Coco

Nakatikim na ako ng samu’t saring tinapay, magmula sa mongo bread, ensaymada, cheesy bread, egg pie, tinapay na hinaluan ng mapulang hotdog. Natutuwa man ako sa mga bagong lasa (lalo na kung may halong tsokolate at meringue) isa pa rin ang hinahanap-hapa ko, ang pan de coco.

Elementary pa lang ako, mga edad 7 o 8 nang unang mag-uwi, isang gabi matapos manggaling sa opisina, ang nanay ng pan de coco. Ayaw ko tikman ito, naisip ko, wala siyang pinagkaiba sa pandesal. Kailangan pa akong guyuin ng nanay ko na may espesyal na laman ang tinapay. Ipinasok ito sa toaster, matapos ang ilang minuto, tinusok at nilabas gamit ang tinidor. Nakangiti niyang iniabot sa akin ang tinapay, katulad ng ngiti kapag may naka-abang na buksan ang kabibigay na regalo.

Kumagat ako. Ang init! Hinipan ng kaunti, kumagat akong muli. Nalasahan ng dila ko ang naghalong malambot na tinapay at manamis-namis nitong sorpresa sa loob.  Tama nga, may espesyal sa loob ng maliit na pan de coco.

Simpleng-simple ang pan de coco, walang maipapagmalaki sa anyo. Sa tatlo o apat na maliliit na butas sa itaas, hindi gaanong nakakahalina ang itsura.

Naglalaro sa P5 hanggang P10 piso, (depende sa ka-sosyalan ng panederya) ang presyo ng pan de coco. Mas mahal lang ng kaunti sa pandesal. Ang unang aakalain na walang lasa, sa bawat kagat, perpektong magkasuyo ang malambot na tinapay sa matamis na palaman. Iba-iba rin ang laki at luto nito. Sa mga mumurahin panederya, madalas malalaki ang bawat piraso. Hindi tinipid sa luto, kapansin-pansin ang kulay ng kayumanggi at minsa’y pasunog at malutong na panglabas. Sa loob, maraming hibla ng tuyong niyog na hinaluan ng minatamis na asukal.

Huwag lang agad ismolin, magtiyagang himayin at hintayin ang tamis na itinatago.

Si Romel ang pan de coco.

90’s pa lang, official carpenter na si Mang Boy ng aming pamilya. Kung may ipapa-repair o bagong ipapagawa, dadayuhin niya pa kami sa Paranaque magmula sa Caloocan. Maayos at matibay ang trabaho, bubong, kitchen cabinets, bintana, pagpipinta nito, hanggang sa alulod at canal. All in one na si Mang Boy, kaya natatawag na rin siya ng iba pa namang kamag-anak. Nitong huling sembreak lang, ang lola ko ang nangailangan ng carpentry powers ni Mang Boy (oo, ‘yan talaga ang tawag sa kanya).

May maliit na garden ang lola ko sa kanan ng kanyang sariling bahay. Ang trabaho ay gawin itong garahe. Ipinamana sa lola ko ng kanyang panganay at paboritong anak, ang pinaglumaang kotseng Tucson dahil nakabili ito ng BMW. Concerned na concerned pa rin ang tito ko sa naunang kotse, gusto niyang patayuan ng bubong ito, kulang pa ata ang pa cover-cover lang.

 Sesementuhan ang damuhan para makapasok ang kotse. Magpapatayo din ng shed, kumpletong may posteng pundasyon at alulod. Ang bubong ng shed, ikokonekta sa orihinal na bubong ng bahay. Marami-rami ang gagawin, naka-isang araw pa lang ng trabaho si Mang Boy nang magpaalam siyang nagpaalam itong magsasama ng anak.

Pumapalo na sa sesenta si Mang Boy, halata na sa mukha niya, may kulubot sa noo at lubog na ang pisngi. Kulot ang buhok, bilugan ang hugis ng ulo at pababa ang mata, nagbibigay ng maamong itsura.  Pero kahit malakas pa si Mang Boy, may edad na rin at malabo na ang mata. Kaya sa anim na anak ni Mang Boy, isinima niya ang panganay niyang si Romel na napasahan niya na rin ng talento sa pagkukumpuni.

Kumakain kami ng lola ko ng agahan nang una kong makita ang isinamang anak,
 “Mukhang mabait naman po si Romel”, sabi ko.
 “Hmph, walang imik. Grade 2 o 3 lang daw ang natapos ni Romel, sabi ni Mang Boy. Mahina kasi. Alam mo bang hindi niya tunay na anak ‘yan?” ganado siya sa pag-uumpisa ng kuwento.

Ibinahagi sa kanya ni Mang Boy na nang mapakasalan ang asawa, buntis na ito kay Romel. Okay lang daw kay Mang Boy. Pinanagutan at siya na ang tumayo bilang ama.

Kaya pala. Magkaiba-magkaiba ang itsura nila. Nasa late 20’s ito, wala pang asawa o pamilya. Mas matangkad si Romel ng halos isang buong ruler mula kay Mang Boy. Diretsong ang buhok, pahaba ang mukha, matulis ang baba at malaki ang mata. Tama lang ang pangangatawan, payat pero may masel.

Kailanman hindi ko nakausap si Romel, kaya naging magkangitian kami.

Minsang habang iniintay kong buksan ng lola ko ang screen door ng bahay, tinignan ko si Romel. Naka-squat siya sa sahig, sinisipat ang lupa na sesementuhan. Nginitian ko siya, ngumiti siya pabalik.  Ilang segundong nagtagal na nakatingin at nakangiti ako sa kanya nang bigla akong nahiya. Sa loob ko, ang tagal ng lola kong buksan ang pinto, naka-shorts pa naman ako! Kaya nilipat ko ang tingin sa sahig hanggang sa magbukas ang pinto.

Matapos ang tanghalian, nagtulong kami ng nanay ko para ligpitin ang kanilang mga nagamit na plato. Pansamantalang nagpapahinga si Romel sa lumang sofang nakapuwesto sa bandang likod ng garahe. Nang mapansin niya kami, tumayo siya mula sa pagkakahiga. Lumapit sa akin para iabot ang isang mug na pinagtimplahan ng kape.

Kinagabihan nito, nanaginip ako. Naghuhugas ako ng mga plato sa bahay, tumabi sa akin si Romel, nakihugas din ng plato.  Inabot ko sa kanya ang isang hugasin, sandaling nagkadikit ang mga kamay namin. Binaba niya ang iniabot ko, saka niya ipinatong ang kanyang kamay sa kamay ko. Isinara ang kanyang mga daliri sa akin. Holding hands na may sabon pa panghugas.  Kahit sa panaginip, naramdaman ko ang todo-todo pero pinipigil na kilig.

Ewan ko ba kung bakit sinundan niya ako sa panaginip, dahil siguro sa panay pagmamasid ko sa kanya magmula sa bintana ng sala.

Naaliw talaga akong pagmasdan siya, Kung paanong huminto siya sa pagkain para tignan ako, sa minsa’y pagsilip sa kanilang paggawa. Sa paghahalo niya ng semento, pansin ang malakas na pangagatawan at mas kapansin-panisin ang kanyang maaliwalas na mukha, walang nakakunot na noo o labing nakangiwi tulad ni Mang Boy. Butil lang ng pawis sa mukha at leeg, kahit pa man naka-long sleeves at sa kabila ng init.

Mapagaakalang hindi seryosong karpentero si Romel, totoong maganda at malinis ang trabaho pero parang hobby lang ang ginagawa niya. Madalas na nakabukas ang radyo ng kanyang celpon habang gumagawa. Nang pinapasadahan ng puting pintura ang kahoy ng bagong kisame, kasabay ng mahinang ihip ng hangin sa hapon, naglakbay sa aking tainga ang mahina niyang pagsipol. Mahinang sipol na sinusubukang sabayan ang tono, ng mga 90’s love songs sa radyo.

Ang lola ko naman ay nanay ng nanay ko. Mahigit sampung taon na siyang byuda. Maliit at balingkinitan lang,  kinukulayan naman ng namumuting buhok ng chestnut brown.

 Nananatiling malakas ang kanyang pangangatawan, mahilig makipagkuwentuhan, nakakapagluto, nag-aalaga ng hardin at nakakapamasyal pa sa 3-day sale ng SM kahit pa malabo na ang isang mata dahil sa catarata.

Kasabay naman nito ang matalas na pananalita. Kahit pa sa edad na setenta-otso, marami-rami na rin siyang nakaaway (inaway), ang anim na anak, lahat ng manugang, apo, (maraming) katulong, kapit-bahay, trabahador at pati ang mga sales clerk sa grocery.

Tandang-tanda ko pa ang isang katulong na pagkatapos lang ng dalawang linggo ay nagpaalam na uuwi ng dalawang araw sa probinsya para bisitahin ang pamilya. Ilang araw na ang lumipas, hindi pa nagpapakita. Isang bag lang naman daw ang dala noong umalis. Nagtaka na ako, akala ko ayos sila.  Ewan ko na lang kung anong ginawa ng lola ko sa iniwan nitong mataas na tore ng damit.

Kung mapuntirya ka ni lola at saktong iritable pa siya, asahan na ang pagratsada ang maaanghang na mga salita niya hanggang sa mapaso ka. Kahit anong mapansin niyang hindi tama sa paningin o bagay sa kanyang panlasa.  Lumalaki akong nagkakaroon ng isyu kahit sa maliliit na bagay katulad ng ulam, tubo sa gripo, damit, paglalaba, trabaho, lalo na sa malalaking usapin tulad ng kanyang pera sa bangko, lupa at bahay.

Nakasanayan niyang manghimasok sa desisiyon ng iba, kung may hindi naman siya nagustuhan o hindi nasunod ang nais, ipapakita at ipaparinig niya ito ng walang pag-aalinlangan. Ang technique dito, huwag na lang kumibo.

“Hetong si Boy, matanda na rin. Di’ba malabo na rin ang mata mo? Ha? Maayos pang gumawa ‘tong si Romel”, minsang narinig ko ang lola ko habang binabantayan ang mag-ama. Walang kibo si Mang Boy, nakapagtrabaho na rin siya dati sa lola ko.

Mahal ko ang lola ko. Siya rin ang nagpalaki sa akin, ayaw kong pumasok noong kinder dahil nakikinood lang ako ng Cartoon Network sa malaki at cable niyang tv. Maluwag siya sa pera at inaabutan ako ng pandagdag sa baon, lalo na kapag naikukuwento ko ang mga librong nais bilhin o mga lakad kasama ang kaibigan. Magkatapat lang ang bahay namin sa bahay niya, tuwing hapon, pupuntahan ko siya at sasasabayang manood ng teleserye. Sa gabi naman, sinasamahan matulog, lalo na kung summer o sembreak at umuuwi ako mula sa dorm.

Sanay na ako sa ugali niya, ilag sa mga di dapat gawin at sabihin. Kailangan talaga ng matinding combo ng pagtitiis at pasensya. ‘Yun nga lang, para sa ibang bagong kilala, nagiging napakahirap ang pakikisama.

Dapat huling araw na ng mag-ama, nagtaka ako, si Mang Boy lang ang nakita ko sa labas ng bahay. nagsasalansa ng graba, buhangin at tubig. Toka ni Romel iyon, pati na ang pagsesemento sa kalahati pang garahe. Tinignan ko ang lagayan ng gamit nila, isang lumang back pack lang ang nasa taas ng lamesa. Napatanong tuloy ako sa nanay ko, “Ma, si Mang Boy lang ba? Hindi niya kasama si Romel?”

            “Sabi may aasikasuhin daw sa tindahan”, tinignan ko lang ang nanay ko, hindi ako maniwala. May hinala naman ang tatay ko kung bakit wala si Romel, saka ikinuwento ng magulang ko sa akin ang nangyari kinagabihan. Tumutulong ang tatay ko sa pag-aayos at pagbabantay sa trabaho. Siya rin ang nag-oorder at bumibili ng mga materyales sa hardware. Noong gabi, nagsilbing witness ang tatay ko sa pag-aabot ng bayad ni lola sa mag-ama.

“Oh, kung 300 per day, magkano ibibigay ko sa’yo sa tatlong araw?” tanong ni lola.
Matagal na hindi makasagot si Romel.
“Hindi mo alam?          
Wala pa rin.
“Bakit hindi mo alam?” inulit pa niya.
Si Mang Boy ang nagprisintang sumagot, “grade 2 lang ang natapos niyan”
“Oh eh, bakit grade 2 lang?” usisa ng lola ko kahit alam niya na ang sagot.
“Eh kasi, mahina” salo ni Mang Boy. Bahagyang nakayuko lang daw si Romel.

Sa huling araw, nakulangan si Mang Boy ng oras at tulong para matapos ang trabaho. Marami pang dapat tapusin, tatlong araw na extended sa sumunod na linggo. Kasabay nito ang mga araw na na-ospital for observation ang lola ko. Walong taon na ang nakaraan nang ma-operahan siya sa puso. Triple bypass, tatlong malalaking ugat ang may bara, kumuha ng tatlong ugat sa hita para palitan ang nasa puso. Paminsan-minsan, kumikirot ang puso nito, pero sa apat na araw ng pagkukumpuni sa bahay niya, madalas ang nararamdaman. Nastress daw ito, hindi raw kasi pantay ang pagpapako ni Mang Boy, baka hindi tama ang ginagawa, baka bumigay ang bubong, makalat ang mga semento sa hardin, maraming materyales ang kailangan bilhin at ayaw niya nang asikasuhin pa ang pagsasaing. Narinig ko ang mga obserbasyon niyang ito, sa gitna ng panonood namin ng teleseryeng Analiza sa hapon.

“Expert na po ‘yan si Mang Boy, alam naman nila ang ginagawa nila”, minsang sinabi ko, kailangan kong ipagtanggol ang mag-ama. Ngunit tuwing pinapalabas na ang Analiza, sasabay ang mga hinaing niya.

Nang nagtrabaho muli para sa extension, nagsimula na rin ang klase. Bumalik na ako sa dorm at bumalik si Romel. Pinilit tapusin ng mag-ama ang pagsemento, pagpapatibay sa bubong at pagpipinta sa bahay habang wala ang lola ko. Isinabay na nila ang iba pang ipapagawa sa loob ng bahay, tatay ko na ang nagbantay. Bawat tanong sa kondisyon ng lola ko, ihihirit ko pagkatapos ang tungkol kay Mang Boy at Romel. Sa katunayan naging mas peaceful silang tatlo, kasama ang tatay ko at mas maraming nagawa ang mag-ama.  

Pagkabalik ng lola ko sa bahay, tapos na ang trabaho ng may-ari ng dalawang backpack. Pantay na ang semento, gumagana ang alulod at bagong pinta hindi lang ang kisame ng bagong bubong kundi pati na rin ang tatlong pinto sa loob ng bahay. Kulay pink pa ang pintura. Pagkatapos ng lahat, masaya naman si lola.

Ilang araw ko lang nasulyapan si Romel, pero ramdam ko ang mabuting kalooban na kakambal ang mabigat na istorya.  Sana’y nasabihan ko siya ng ‘kaunting tiis lang, maganda namana ang trabaho mo’, sana’y nakapagbigay man lang ako ng tasa ng kapeng 3-in-1 at sana’y nakausap ko man siya o nangitian uli, kahit sandali.


Dahil kung ihahalintulad sa tinapay, si Romel ay pan de coco. Simple, walang maipagmamalaki sa panglabas na anyo o talino at sosorpresahin ng tamabalang lambot at tamis na itinatago. Nakatali na ang alaala ko sa kanya at sa aking masarap na paborito. Hahanap-hanapin naman ng tainga ko kung paanong sumabay sa mahinang ihip ng hangin ang mahina niyang pagsipol. Mahinang sipol na sinusubukang sabayan ang tono, ng mga 90’s love songs sa radyo.


Author's Note: Kung naka-abot ka rito, maraming-maraming salamat. May isang matinding wish lang  sana ako, hush-hush lang ito. Dahil non-fiction ang sanaysay na ito, maaring maging maselan ang usapan lalo na sa aking kapamilya! Kaya sshhhhhh lang. Promise ah?  

Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay