Tahing Kamay ni Nanay
*Nanalo ng 1st place sa Maikling Kuwentong Pambatang category sa 29th Gawad Ustetika, annual student awards for literature ng The Varsitarian, UST. Judges sina Rebecca Anonuevo, Michael Coroza, Luis Gatmaitan at Eugene Evasco. (Dec. 14, 2013)
Tahing Kamay ni Nanay
Magaling
na mananahi si Nanay. Nananahi ng mga bestida, palda, polo, at kamiseta. Si
Nanay ang tumahi ng mga uniporme ko pamasok. Kapag bertday ko naman, tinatahian
niya ako ng bestidang may disenyo ng mga bulaklak.
“Ang ganda ng bestida mo, JingJing!”, bati ng mga kaklase at kalaro.
Ang palaging sagot ko, “Ang Nanay Ester
ko ang nagtahi nito!”.
Sikat sa lugar namin si Nanay dahil sa
mga gawang magagandang damit. Maraming kapitbahay ang nagpapatahi kay Nanay.
Paborito ko ang paglalagay ni Nanay ng
dekorasyon sa mga tela. Iba’t ibang materyales ang gamit niya. Matulis ang
karayom. May kasing liit ng aking hinlalaki at may kasing tangkad ng hintuturo.
Nakakatakot! Baka raw ako matusok at tumulo ang dugo! May makukulay din na sinulid,
lahat ng kulay sa bahaghari. Hindi rin mawawala ang mga bilog na butones. Ang
malalaking butones ay may apat na butas habang ang maliliit na butones ay may dalawang butas lamang. Nariyan din
ang katulong ni Nanay na matalas na gunting.
Sa
pananahi ni Nanay, ipinakilala niya ang tatlong matalik na kaibigan. Una ang
tahimik si Simon Sinulid. Minsan lang siya magsalita pero lagi namang
nakangiti. Mahilig naman magkuwento si Bessie Butones, na sasabayan ng
mapanghawang tawa. Bilib naman ako sa kabaitan ni Gani Gunting. Lagi siyang
maasahan at tunay na matulungin.
Kaya lang.. kapag nananahi si Nanay, ang
gamit niya lamang ay ang dalawang kamay! Wala siyang gamit na makina. Mabagal
tuloy ang taas, baba, taaas, baabaa,
taaaas, baaabaa ng karayom sa tela. Madalas, inaabot ng buong araw si Nanay
kakatahi. Tatabihan ko siya, mamasahihin ang magaspang at pagod na mga kamay.
Kailangan pa magluto at maglaba ni Nanay
matapos magtahi. Isang araw, ako ang nagligpit. Pumasok ako sa kuwarto na
pinagtataguan namin ng mga gamit. May napansin akong kakaiba. May kulay itim na
sumisilip sa ilalim ng tela! Ano kaya iyon?
Nagtulong kami nila Simon Sinulid,
Bessie Butones at Gani Gunting na alisin ang tela. Nakita namin ang pahabang metal. Kulay ang Itim
ang katawan nito at may mahabang karayom na nakakabit sa isang gilid. May kakatwang
metal na bilog ang nakakabit sa tabi ng katawan. Kamukha nito ang pinaliit na
manubela ng kotse! Kadugtong nito ang malaki rin bilog sa ibaba.
Nakakabit ang itim na katawan sa kahoy
na lamesa, may naka-ukit na pangalan: ‘Romualdo’.
Matagal na ba ito? Ano kaya ang ginagawa
nito?
“Hala! Baka kakainin ka JingJing!” biro ni
Gani Gunting. Nagtawanan kaming apat. Luma man hindi naman ito nakakatakot.
Sa
sumunod na araw, pinakita ko kay Nanay ang nakita ko,
“Nay, sino po si Romualdo at ano po ang
ginagawa nito?” tinuro ko ang itim na katawang may maliit at malaking gulong.
“Naaalala mo ba kapag kinukuwento ko ang
tatay mo? Si Tatay Romy?”
“Opo!
“Iisa lang si Tatay Romy at Romualdo. Regalo
ito ng tatay mo sa akin noong ikasal kami. Makinang panahi ito, Jingjing. Kapag
ginamit mo ito, hindi na kailangang tahiin gamit ang kamay ang mga tela.
“Kung ganoon po, bakit hindi niyo na
lang po ito gamitin?”
“Naaalala
ko kasi ang tatay Remy mo. Hindi ko maiwasang malungkot kapag nananahi ako
gamit ang makina,” inamin ni Nanay.
Dalawang taon pa lang daw ako, nauna na
si Tatay Romy sa langit. Nakilala ko lamang si Tatay Romy sa kwento ni Nanay at
mga litrato. Matipuno at matapang si Tatay, isa siyang pulis. Katulad noong mga
naka-uniporme na kulay asul. Kaso, mahina raw ang tibok ng puso ni Tatay. Ang
normal na tibok “dug-dug-dug”, pero ang kay Tatay Romy “duuug-duuug-duuug”.
Buti na lang nagiwan si Tatay ng napakagandang regalo! Kaso, sayang naman ang makina kung hindi
nagagamit ni Nanay. Nagpatulong ako sa tatlong kaibigan para mapapayag namin si
Nanay.
“Nanay
Ester! Subukan po natin!” nagtatalon si Gani Gunting palapit sa makina.
“Para hindi ka na po sisigaw ng ‘ARAY!’
kapag natutusok ng karayom,” sunod ni Bessie Butones.
Malaki ang mga ngiti ni Gani Gunting at
Bessie Butones, habang si Simon Sinulid, tahimik.
“May problema ba Simon?” tinanong ko
siya.
Mahina ang boses ni Simon “Kasi, awang-awa
ako sa mga kamay ni Nanay Ester. Minsan kapag hawak ako ni Nanay, nararamdaman
kong nanginginig at namamawis ang mga daliri niya sa pagod.”
Tumingin si Nanay sa amin, tapos sa
makina. Saka niya ipinadaan ang kanyang mga daliri sa naka-ukit na pangalan ni
Tatay. Wala siyang sinabi, pero pagtingin niya sa akin, tumulo ang luha niya. Naku
po! May nasabi ba ako kaya umiiyak si Nanay? Lumapit ako kay Nanay,
dahan-dahang hinaplos ang kanyang mga kamay.
“Sa tingin ko rin po, gusto ni Tatay Romy
na manatiling malambot at masarap hawakan ang mga kamay mo, Nay,” sinabi ko ang
totoo.
“Baka
kaya niya po iniregalo ang makina,” dugtong ni Gani Gunting.
“Para mapadali ang mga tatahiin,” patuloy
ni Bessie Butones.
“Hindi na mapagod ang mga kamay ni Nanay
” dagdag ni Simon Sinulid.
“Habang naalala natin si Tatay!”, bukod
sa mga litrato, gusto ko rin siyang makilala gamit ang regaling makina.
Tumutulo pa rin ang luha ni Nanay pero
malaki na ang ngiti niya. Kinuha ko ang maliit na picture frame mula sa lamesa.
Litrato naming tatlo nina Tatay, Nanay at ako. Inilagay ko ito sa tabi ng
makina. Umupo si Nanay sa harap nito, ipinatong niya ang dalawang paa sa pedal
at ang kanang kamay sa maliit na gulong.
Sa ilang padyak ni Nanay, mabilis nagtaas,
baba, taas, baba, taas, baba ang karayom! Parang madyik! Magkatulong ang maliit
at malaking gulong para paganahin ito, isa ngang makina!
Mabilis na natapos ni Nanay ang mga bestidang
tinatahi. Namangha kami nina Simon Sinulid, Besie Butones at Ganig Gunting. Ang
isang bestida na inaabot ng isang linggo sa tahing kamay, ngayon tatlong araw
lang gamit ang makina.
Isang hapon, pagkagaling ko sa paaralan,
sinabi sa akin ni Nanay, “May sorpresa ako sa ’yo, JingJing” . Pagkabukas ko ng
karton, tumambad ang pinakamagandang bestida na nakita ko! Kulay dilaw, may
burda sa harap ng mga bulaklak.
“Espesyal na regalo para sa darating na
7th bertday mo.”
“Tumulong kami!” sigaw nina Simon Sinulid,
Bessie Butones at ni Gani Gunting.
“Regalo
namin lahat ito, pati ng iyong Tatay Romy.”
Yehey! Kahit wala na si Tatay, nagtulong
naman sila ni Nanay para matahi ang pinakamagandang bestida ko. Nag-iwan si
Tatay Romy ng napakagandang regalo. Sa pananahi ni Nanay, lagi pa rin siyang
kasama. The best talaga ang pamilya kong puno ng saya!
Author's Note: Maraming salamat sa pagbasa! 1st time kong sumulat ng kuwentong pambata. 2013 lang kasi ako na-introduce sa Filipino stories for children, simula nang mag-storytelling workshop ako sa Alitaptap Storytellers Phils. :) Utang na loob ko sa kanila at sa kagrupong naging matalik na mga kaibigan, na mapakilala ako sa mga ganitong kuwento. Lumaki kasi ako na science books ang binabasa, kaya kahit matanda na, naaliw ako sa kanila. Bago ko ito maisulat, umupo ako sa sahig ng National Book Store ng SM San Lazaro. Bumili ng 20 pcs na pambatang libro, binasa tsaka dinonate ang mga ito. Nakatulong ng napkalaki! At hindi talaga ito expected! Walang nag-akala (pati ako), medyo mahalay kasi talaga ako magsulat. Pero sana, sana, sana, dito magsimula! :) Yes to wholesome-ness!
Comments
Post a Comment