Si Rizzy: Water Princess

Bago ko isulat ang entry na ito, naglalaba ako sa likod ng bahay namin kaninang mga 8pm. Kailangan ko nang labhan ang tatlong skirt kong inuwi mula sa dorm at isang tuwalya, dahil babalik na ako sa Linggo.

Nakatitig ako sa washing machine, iniintay na mapuno ang tubig nang biglang napatingin ako sa kaliwa. Nakakita ako ng hugis ng aso. Pumikit ako. Pagmulat ko,  basang semento lang ang nakita  ko. At isa pa napaka-himbing ng tulog ng iba pa namin alaga sa may garahe.

Hindi ko alam kung dahil ba November 1 at naisipan akong dalawin ni Rizzy.

Pwede rin na-miss ko lang siya.


Sa likuran ng bahay namin, naka-hilera ang washing machine, katabi ang isang malaking plastic na puno ng tubig, gripo, tsaka susunod ang mataas at mahabang sementong lababo.

Tuwing naglalaba ako, nakasunod na sa akin si Rizzy. Tatakbo na siya kapag narinig niya ang pagbukas ng gripo at pag-awas ng tubig. Mayroon kasi kaming makipot at napakahabang canal. Ganito, isipin mo ang alulod sa gilid ng bubong, ilagay mo ‘yun sa tabi ng sahig pero mas mababa ng 4 inches. Nasa likod ito ng washing machine at drum.  Ganoon ang itsura ng canal namin. Kung saan naglalakbay ang tubig mula sa lababo, mababang gripo at tubig mula sa washing machine na dadaloy papuntang maliit na covered man-hole, pero square. What.

Heto ang paboritong gawain ni Rizzy, ang titigan ng tubig. Kapag naglalaba ako sa bahay, madalas akong naka-hand wash, kaya pupuwesto ako sa mataas na lababo. Si Rizzy, automatic na naka-abang na sa tabi ko. Bubuksan ko ang gripo, maririnig niya ang tubig sa tubo, tsaka niya ito makikita sa canal. Hihiga siya, titig sa pagdaloy ng tubig at nakataas ang mabalahibong buntot na kumakaway. Parang nagsi-sight seeing na dalagita sa bintana para abangan ang guwapong kapit bahay. Ganoon ang itsura niya.

Tutuksuhin ko si Rizzy, papatayin ko ang gripo. Hihinto ang pagkaway ng kanyang buntot at tititigan ako. Naghihintay, mga bilugang mata na nagmamakaawang buksan ko ang magic gripo. Syempre, hindi ko matitiis. Bubuksan ko ulit. Masayang tataas at wawagayway ang kanyang buntot.

 Mas masaya si Rizzy kung may makapal na puting bula ng detergent at kung mabilis ang awas ng tubig. Matataranta siyang tatakbo sa kahabaan ng canal, takbo dito, takbo doon, para habulin ito. Pero kailanman, hindi niyang sinubukang isawsaw ang kanyang ‘furry paw’ sa canal, basta gusto niya lang tignan.




Si Rizzy ay ang Shih- Tzu na aso ng ate ko, kasama niya ang tatay ko noong bilhin siya. Malaki na si Rizzy noong napasaamin. Ang hindi sinabi ng nagbenta, may sakit pala si Rizzy. Ilang linggo lang, napansin na namin na kakaiba ang paghinga niya. May mga panahon na bigla siyang hihingalin, kahit nakaupo lang. Kitang-kita ang taas, baba, taas, baba, taas, baba ng kanyang dibdib sa bawat paghinga. Kapag naghahabulan sila ng mga iba pang kasama, siya ang unang napapagod, unang uupo, unang maghahanap ng tubig.

Siguro hika, hinala namin. Pero nang dalhin namin siya sa veterinarian, mukhang hindi daw sa lungs ang problema, malamang sa puso na. Dahil malaki na siya nang makuha namin, wala kaming alam na history niya at nahirapan na rin ipin-point kung saan at ano talaga ang problema.

Sa tatlong taon na itinagal sa amin ni Rizzy, madalas namin siyang tuksuhin ng ‘abnormal’, dahil sa kakaibang paghinga niya. At dahil may wirdong gawain ito. Kapag makikipaglaro sa akin si Rizzy, gagawin niya ang ‘Stealth and Attack”. Kung ang ibang aso namin ay maamong lalapit at sasampahan ako sa tuhod para makipaglaro, si Rizzy naman, tahimik na uupo sa tabi ko. Titingin muna sa akin, mga 15 seconds at bigla-bigla, as in nakakagulat na dadambahan ako! Siya rin ang tanging aso namin na sa iisang side lang matulog, meaning left face niya lang ang laging nakasadsad sa semento. Mabalahibo ang mukha niya, kapag bagong gising parang naging gel ang kanyang laway. Bed hair, dog style. (parang ang laswa pakinggan nun ah? haha) Akala mo ginago ang tapyas ng kanyang buhok sa bandang kaliwa, pero dumikit lang ito sa mukha niya.

                Heto. Tandang-tanda ko pa kung paano ko nalaman na nawala siya. Nasa hallway ako ng dorm noon, gabi na at kinakausap ako sa cellphone ng tatay ko para kamustahin. Naging mahaba at masaya ang kuwentuhan namin, pero bago siya magsabi ng ‘goodnight’, bigla niya na lang binitawan ang mga salitang ‘namatay na si Rizzy’. Nagulat ako, malamang. Napasigaw ako, ‘Haaaaa?!!!’. Tsaka niya ikinuwento na noong nakaraang hapon pa pala nanghina si Rizzy, nakahiga na lang daw siya, mas mabigat ang paghinga. Nakatulog na lang ito at hindi na nagising. Umiiyak ako nang sabihin ni tatay ito sa akin, mabuti na raw ito para hindi na siya mahirapan pa at mas maganda raw dahil mukhang peaceful naman si Rizzy bago siya mamatay.

                Sanay na akong mamatayan ng aso. Bata pa lang ako, marami na kaming alaga. Nagbri-breed kami, kaya hindi maiwasan na may mga tutang hindi nakakabot ng buwan. Kung virus naman ang source, napupuntirya tuta man o matanda na. Mayroon din namatay dahil sa old-age.

Sanay na ako. Pero, para sa akin, may dalawang pinakamasakit.

1.) Ang maghukay ng libingan. Nakakapagod physically ito, lalo na kung malaki na ang asong yumao. Kailangan, malaki at malalim. Pero ang pinaka-naalala ko, na sa loob ng isang linggo, tatlo ang tutang nailibing ko. Mas mataas kasi ang mortality rate sa mga tuta, lalo na kung marami silang magkakapatid. Sa sinapupunan pa lang kasi, nagaagawan na sila sa nutrients mula sa ina. Madalas, hindi pnatay ang hatian, nadedehado ang iba at pagkapangak pa lang, mahina na. Mahirap isalba ang mga cases na ganito. Noong linggo na ‘yun, namatayan kami ng isang tuta. Naghukay ako sa harap ng grotto. Matapos ang dalawang araw, dalawang tuta naman ang sumunod.

Ramdam na ramdam ko ang panghihinayang, nagbubungkal ako ng lupa at hindi ko maiwasang maluha kapag nakikita ko ang cute na cute at batang-batang mala-anghel na mga aso. Agad kong pupunasan ang luha, isasabay na ang pawis. Tsaka ako pipitas ng makukulay na bulaklak para itabi sa kanila. Tatakpan ko ito, matagal din bago tumubong muli ang damo. Okay lang, sigurado kasi ako, noong linggo na ‘yun, quotang-quota sa pataba ang maliit na garden sa harap ng grotto. Kaya lang, quotang-quota naman ang panlulumong naramdaman ko. 

2.) Ang mamatayan na wala ako sa mga huling oras o minuto. Hindi ko ma-explain ang naramdaman ko, kapag may nakaka-witness ako ng paghihingalo. Pero mas hindi ko ma-explain, ang pakiramdam nang bigla na lang ibabalita na may namatay kang minamahal pero wala ako sa tabi niya. O kaya ang uuwi ako mula sa eskelawahan o lakwatsa at hahatakin ako ng tatay ko para ipakita ang puntod na nahukay at natakpan niya na. Walang pinagkaiba, hayop man o sa tao, basta mahal mo.Tagos-puso, tagos-kaluluwa ang sakit sa kanilang biglang pang-iiwan. Hindi ko man lang siya nahimas, nahawakan o nahalikan. Hindi man lang nakapagpasalamat o nakapag-paalam.

                Alam kong lahat tayo nawalan, nasaktan, sa aso lang nga ang hugot ko. Totoong they come and go. Ang maganda lang, ay ‘yun we have enough memories para ma-remember sila. Katulad ko, tuwing naglalaba ako ngayon, naiisip ko si Rizzy at ang kanyang mabalihibong kumakaway na buntot. Na sa nakaraang tatlong taon, natuwa akong maglaba kasi kasama ko siya. Binantayan niya man ang tubig, alam ko namang sinamahan niya ako. Sapat na ang tubig para magpasaya sa kanya at sapat na sa akin na may special bonding moment kami para aking maalala (dahil ayaw ko naman na may magpakita).

10:21 pm November 1, 2013, Friday


Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay