“Lahat tayo nasasaktan. Okay lang ‘yan!”

Ang pinakamalungkot na aspeto ng pagsusulat ay ang hindi maka-attend sa sariling book launch. 

Wala ako sa book launch ng grupo namin kanina.

Kakasimula lang ng event nang mapilitan akong tumambay sa may chapel. Iniintay ko ang napakataas na Father para pumirma sa ng isang event form approval. Dahil kulang daw ang permit namin pero take note, ongoing ang book launch. Kailangan ng pirma, kailangan ng pirma, kailangan ng pirma, ang daming kumukulit. Pirma, pirma, pirma. Parang kamatis na ang ilong ko at namamaga ang mga mata, ang dami ko nang iyak na nagawa. May ka-meetingpa naman si Father. Isang oras akong naghihintay at nilalamig sa kwartong todo ang aircondition. Isang oras na naninigas ang uhog at sipon ko. Isang oras na wala akong magawa. Isang oras na nadudurog ang puso ko.   Nang umalis ako sa ng chapel, hindi pa rin siya lumabas.  Sa isip ko, 3 linggo ko nang inaayos ‘to, hanggang sa last hour ng event hindi pa rin maapprove-approve.

Bumalik akong wala pa rin pirma. Hindi kumpleto ang permit. Para san pa? Tapos na pala ang event pagbalik ko.

Ang sakit sakit talaga. Paano aminado ako, na sa grupo, ako ang pinaka-excited para dito. Ako talaga ang nag-push para matuloy ang event. Pinangarap ko ito. Naandun ako, pero hindi ako present sa sarili kong book launch, nanghinayang ako sa lahat ng mga speaker na kinausap ko para magbigay ng mini-speech para sa grupo. Hindi ko narinig ang mga sinabi nila, syempre sigurado ako maganda. Iniisip ko na lang ngayon, mas gagalingan ko pa magsulat para sa future magkaroon ako ng sariling libro. At sa future, andun na ako sa sarili kong book launch.

Ayaw ko nang ikuwento ang naging proseso o ang puno’t dulo. Kung bakit humantong sa ganito, kung paano ito nangyari at bakit ako. Baka may magalit, may matamaan, may mainis. Well, wala naman akong pakialam. Pero ayaw ko na rin ikuwento dahil masakit, nakakapagod at nakakasawa.

Hanggang ngayon namamaga pa rin ang mga mata ko at nilalaban ang antok ng ilang araw nang kulang sa tulog, pero kailangan ko lang isulat ang realizations ko. Ngayon ko lang napatunayan, kung gaano ako kalakas, katigas, katapang, na hindi ako quitter, na hindi ako aatras o tatakbo. Gustong-gusto kong tumakas kanina, gusto ko na lang umalis, ayaw ko nang bumalik sa event. Ayaw ko nang kumain ng palabok at magpakita sa mga bisita dahil sa sobrang inis at kalungkutan ko. Ang sarap sumakay ng jeep pa-Luneta, lalo na ang lahat ng pera ko nasa bulsa lang. (May tendency akong maging runaway child, bata pa lang ako, mga 5 yrs old, lagi akong nag-eempake sa maliit na backpack para lumayas ‘pag napagalitan. Pero naisip ko kung saan ako kukuha ng pagkain kaya di ko itutuloy. Di ako makakain ng hotdog ‘pag naging palaboy ako.)

  Pero kanina, ‘yun lang talaga ang iniisip ko, jeep pa-Luneta.

Alam kong ako ang matatalo kung tatakas ako, uuwi akong may conflict sa mga kasama. Matutulog akong mabigat ang puso, baka magtanim pa ako ng sama ng loob. Ayaw ko ‘nun.

Kaya lakasan ng loob, pumasok lang uli ako sa loob. Kainan na lang ang nangyayari, kuwentuhan. Kaya ngumiti ako kahit hindi okay. Nagpatawa at nagpasalamat. Naki-mingle sa ibang tao, dyan naman ako magaling. Kumain ng palabok kahit hindi ko gusto ang lasa. Okay lang. Ininom ang kalahating cup ng Royal na hindi naman sa akin, dahil naubos na ang softdrinks. Okay lang. Nagpa-picture. go lang. Nag-sign ng libro. Sige lang.

Hindi ako okay. Pero okay lang. Katulad ng quote na naipirma ko sa ibang kopya ng libro, “Lahat tayo nasasaktan. Okay lang ‘yan!”

Ngayon lang talaga, as in ngayon lang ko lang napatunayan na may darating at darating na punto sa buhay natin na may dalawang choice. To runaway or stay. Ang dali ng una, sobrang tempting. Pero walang mangyayari. Walang ma-sosolve. To stay. Mas mahirap. Napakahirap. May mga situations nga naman talaga sa buhay na, ‘you just have to go through it’. Kahit hindi ka okay, tiis, tiis!

Bilib ako sa sarili ko, kasi ayaw kong sumuko. Ayaw ko ata ma-feel ang defeat ng hindi lumalaban. Ang tanging defeat/downfall lang na tinatanggap ko ay ‘yun tipong gustong-gusto ko ng Mcdo chicken pero dahil nagtitipid babagsak ako sa Siomai Rice. ‘Yun lang ang defeat na papayagan ko.

Sana wala nang magtanong ng ‘anong nagyari?’, dahil hindi ko na sasagutin, hindi ako magkukuwento. Pagkatapos ng September 28, 2013, tapos na rin ang lahat ng nangyari sa araw na ito.

Kung may magtatanong kung ‘okay ka lang?’, ang sagot ko dun, ‘Hindi. Pero magiging okay din ako’. kailangan ko lang ng hug hug hug. Maraming hug.

        Oo nga pala. Hindi ang book launch ang the best part ng araw ko, its actually one of the worst ever. Pero mayroon akong mga paborito (ngayon ko lang nga din na-realize na totoo ang simple joys)

1. Si Debby. Wala akong picture natin. Pero para kay Debby na best friend ko, na galing CSB at 1st time makapunta ng UST. Hindi man lang kita napasyal, na-tour sa pontificial university o nakakuwentuhan man lang. Salamat Debby, sa pagpunta sa launch. Salamat na bago ka umuwi, dinaanan mo ako sa chapel para yakapin kahit ang lakas ng ulan. Salamat na andun ka sa lowest point ko of the day.

2. Sa mga babies kong si Iana at Samantha na galing pang Bulacan, (kahit kakakilala pa lang natin) Huhuhhu, nalungkot ako nang mag-text kayo na kailangan niyo nang umalis at hindi pa ako nakakapirma. Nalungkot ako na hindi ko kayo na-hug, ang layo niyo pa naman. May next time pa, magkikita tayo! At sa lahat ng chat at text ng congratulations. Mga text after ng event, grabe talaga LOOOVE. Thank you! Cathleene, pagaling ka ha!

3. Sa mga nag-like ng status ko sa Facebook regarding book launch! Grabe, 39 na ah! Sa mga nag-message at nag-text na kahit hindi nakapunta pero ang lakas ng encouraging words. Sa mga dumaan para bumili, kahit kailangan umalis agad. Thank you sobra! Wow, hindi ako makapaniwala na may ganito akong kalaking support group na nagmamahal sa akin. Sapat na ang malaman kong maraming naniniwala at natutuwa. Sobrang okay na ‘yun, salamat talaga friends! (and profs and friend writers!)

4. Kay kambal, Minerva at Millicent na nagbigay ng Minion balloon ko. Alam ni Minerva na greatest wish ko ‘to. P50 na balloon na ibinebenta sa Dapitan. Ilang linggo ko nang tinititigan ‘to, pero ang mahal kasi. Salamat talaga, itinali ko siya sa kamay ko nung gabi. Swear, umihi ako sa CR na kasama ang Minion balloon!



5. Sa hindi ko mabilang na suporta ng barkada ko at kaklase. Na nagambag-ambag para sa coffee drink (shit, di ko pa alam name nun drink) at sosyal na donut ng Starbucks. Huhuu, alam niyo naman never pa ako nakakain dito sa Starbucks sa UST (kayo rin ata), pero sobrang thank you talaga, binilhan niyo ako at sa pag-cheer. Sobra Sobra Sobra. Nakita niyo ang dinanas ko rito at salamat na nasa tabi ko kayo hanggang huli.



6. Kay John Lloyd. Bago ang event, pumunta akong Mercury. Bumili ako ng Gatorade at Diatabs. Yes, nag-LBM pa ako today. Kamuuuustaaa naman dibaaa. Kaya sabi ko matibay ako eh! LBM? I conquered it, bitch. Lakas ko talaga! Susmaryosep hahaha. At dahil bumili ako ng Diatabs, may libreng John Lloyd tumbler kahit Biogesic ang ine-endorse niya. Huwow huwow huwow. Look at that smile!



7. Sa mga nagbigay ng hug. Sa nagbigay ng hug hug hug. Dahil ‘yun lang ang gusto ko. Hug hug hug. Maraming hugs.


*Medyo weird, parang masaya pa rin ang tono ng entry ko! Hahaha. Actually, mas okay na ako ngayon. Sapat na ang suporta ng mga kaibigan at kakilala. Ang dami ko talagang thank you (yes, superstar? haha) Pero I'm the luckiest when it comes to friends! Sana, may next time pa! Hindi ako okay, pero itutulog ko na lang ‘to, kailangan ko ng tulog, maraming-maraming tulog!



Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay