Super Tatay at ang Paggamot sa Malaking Peklat ko

Isang araw noong high school ako, sinabihan ako ng nanay na hindi na raw ako pwedeng maging Ms. Philippines at, taas-taasan natin ang pangarap, Ms. Universe.

"Haaaa, bakit???" Takang-taka ako, how can my mother do this? Oo, mataba ako at 5'3" lang ang height, pero grabe naman! Akala ko ba sa bawat ina, automatic beauty queen ang anak niya?

" Eh kasi tignan mo yan peklat mo oh, pano ka kakaway kapag nanalo ka na?"

Ahhhhhh. Ang tinutukoy niya pala ay ang peklat ko sa kanang braso. Mahal pala talaga ako ng nanay ko,  dahil ang pino-problema niya pala ay paano kung nanalo na ako!

 May malaking peklat kasi ako sa looban ng kanang braso, (meron din akong peklat sa labas, pero ibang storya na ‘yun haha).  Buti naandoon sa loob hetong pinoproblemamg peklat ng nanay ko, at kahit malaki, ka-skin tone ko pa rin naman kaya hindi masyadong halata. Pero kung nakitang mong close-up, lets say magkaharap tayo sa lamesa tapos nagpangalumbaba ako, mahahalata mo.

Makikita mong uneven na ang balat, may marka, parang nalapnos ang itsura, tama nga naman ang nanay ko, paano kung kakaway ako ala Ms. Universe – edi heto na agad ang babalandra sasayo?

Sa bike ko nakuha ito, pero maliban sa malaking sugat, may isang importanteng tao ang naalala ko rito.

Mga isa o dalawang taon pagkalipat namin ng Paranaque mula sa V. Mapa street Quezon City, binilhan ako ng bike. Kulay pink! Kumpletong may training wheels, pink basket at bell na may sticker sa harap na mash-up version ni Barbie at Little Mermaid (or Dyesebel).

Umangat ng umangat ang training wheels hanggang sa kinaliitan ko na. Namana ang bike ng pinsan na umalis pa-Amerika. Heto ang panahon na sabay-sabay kaming nagbi-bike ng Tatay at Ate ko, tigi-tig-isa kaming bike at iikot sa loob ng subdivision. Tuwing weekends ‘to, sigurado, sa hapon ang bonding time namin magkapatid with Dad. Ang nanay ko naman, naka-dungaw na screen ng pinto tuwing aalis kami sa mini escapade. At nang makaliitan ko na rin ang hand me down bike, bumili ako ng sarili ko.

Grade 5. Mga 11 years old. Tuwing hapon ng weekends, ilalabas ko ang bike ko ng bahay. Nang makabisa ko na ang pagmamaneho ng bike, at busy si ate at tatay, hinahayaan na akong mag-isa.
Sinimulan kong pumadyak, kumanan palabas ng munting village namin (na may 3 streets lang naman) papunta sa outer village.

Hindi yata napagplanuhan itong munting village namin, kaya iisa ang daan palabas at papasok. Literal na isang daanan lang dahil one way lang ang kalsada. Nagshe-share ang mga kotse, motor, bike, nagtitinda at mga dumadaang tao sa iisang makipot na daan. Heto ang naging tunay na sukatan sa kung sinong kapitbahay ang totoong may bukal na puso at magpaparaya pag nagkasalubong kayo.

Nasa kalahati na ako ng makipot na labasan nang may biglang sumalubong na sasakyan, kukay pulang FX. Nahiya na akong umatras kaya nagpasikat na lang ako na sampa ang bike sa gutter na halos 2 inches ang taas.
Wrong move, kalahating gulong lang ang naka-akyat. Napakabilis ng pangyayari! Nagslide ako sa gutter, konti na lang ang distansya ng ulo ko sa pader, kaya iniangat ko ang kanang braso para sana mapigilan trahedya. Hindi tumama ang ulo ko, pero kasabay kong nahuhulog ang pagdausdos ng balat ko sa semento. 'Yun pader pa naman, eh yung literal na sementong hindi pinakinis. Baku-baku, uneven at walang pintura.

Akala ko noon, pagbagsak ng katawan ko sa sahig, end of the world at end of me na. Pero syempre palaban ang batang Giselle, kaya kahit hindi ako tinulungan ng drayber ng FX, (di man lang bumaba para kamustahin ako), tumayo kaagad ako, itinayo ang bike at naglakad pauwi.

Nasa labas pa lang ako ng gate namin, tumatawag na ako “Dad, daaaaad!!!”. Pagpasok ng gate, ibinagsak ko na ang bike, tsaka kinalong ang braso malapit sa dibdib na parang sanggol. Tumutulo na ang dugo sa semento ng garahe namin nang tignan ko, di lang pala malaking gasgas ang inabot, kita na rin pati ang fats at tissue ko!

Nataranta ang tatay ko sa nakita. Sa isip siguro niya, isa akong sundalong sugatan at nasabugan ng granada sa gera. O baka parang nakagat ng zombie sa Walking Dead, na ora-orada kailangan tagpian ang sugat para di na kumalat ang virus. Sinapian siya ng adrenaline rush at bigla akong hinatak papasok ng cr, hugasan ko daw ang sugat. “Hugasan ang sugat?!” Inilagay niya ang braso ko sa ilalim ng gripo, tsaka sinabunan ng Safeguard! I repeat, sinabon niya! Buong bar ng Safeguard ang dumampi sa sugat ko na sobrang wrong decision kasi hanggang ngayon nakikita ko pa rin ang mga puting bits ng Safeguard na nahalo sa laman ko. Tinitiis ko ang pag-ngawa, pero sure akong namumula at walang tigil na dumdaloy ang mga luha sa aking rosy and chubby cheeks.

Pagkatapos pinaupo niya ako sa sofa, akala ko tapos na. Pumasok siya ng kwarto at paglabas may hawak ng malaking bote ng Agua Oxinada (hydrogen peroxide). Hinawakan niya ng mahigpit ang braso ko, tiisin ko lang daw, tsaka niya biglang binuhusan, pinaliguan, nilunod ang sugat ko!

Aray ko! Dyusmio!!! Nasaan ba kasi ang nanay ko?

Sobrang hapdi, parang sinusunog, kagaya nang pinaghalong alcohol at asido ang naramdaman ko. Bumubula pa sa sugat, sabi ng tatay ko ibig sabihin namamatay ang bacteria, sa oras na yun, hindi ko na na-process kung joke ba o pampalubag loob ang mga sinabi niya. Pagkatapos ng lahat, chill na ang tatay ko, parang walang nangyari. Malayo naman daw sa bituka ang sugat, di ako mamatay. Nga lang hindi namin alam kung paano sasabihin sa nanay ko ang nangyari. For sure, patay na naman kami!

Paano kasi, sa tuwing may nangyayaring kabalbalan (na ikakagalit ng nanay ko) kasama ko ang tatay ko. Katulad noong inaangkas niya kami ni Ate sa motor at sumemplang kami. O noong sobrang gulo pala ng buhok ko sa Grade 3 girl scout picture dahil hindi niya ako sinuklayan. Siya rin ang kasama ko, pagkatapos ako magkaroon ng minor operation sa kamay. Mula Makati Med, nilakad namin ang buong Makati hanggang Edsa, tsaka kami sumakay ng non-aircon na bus. First time kong nakasakay ng bus at nililipad ang patch ko sa kamay! O ‘yun mga pasalubong niya na tuta, rabbit at lobster!

Syempre, siya rin ang kasama ko sa mga good times. Noong maliliit pa kami ni Ate, tatabihan namin siya sa kama tuwing umuulan. Maghahati sa isang kumot tsaka magkukuwento ang tatay ko na kunwari nasa Amerika kami at na-stuck kami sa kalagitnaan ng forest during a blizzard. Siya rin ang kasama sa di mabilang na Jollibee-KFC escapades at pagsama sakin ng Divisoria para bumili ng materials panahi. Pati rin sa ilang pagpapa-check-up sa doctor ko sa hika, at first on the scene noong nag-collapse ako sa UST clinic dahil sa allergy. Ang di ko makakalimutan, siya raw ang kumuha ng kailangan kong dugo pang- blood transfusion sa  Red Cross. Madaling araw na’t sakay ng taxi, yakap-yakap raw niya ang maliit ng cooler na may lamang ilang bag ng white blood cells, maisalba lang ako sa dengue.

At ang latest good memory ko?  Nitong December 30 lang, 2 oras kaming nag-iikot ng Cartimar para bumili ng bago kong bike (matapos ang ilang taon pagkatakot). Actually, inaya niya lang akong magtingin ng bike seat pero umuwi kaming may bago at buong bike! (Na noong gabi na lang nalaman ng nanay ko! Haha!)

Kaya ang blog na ito ay alay para sa Tatay ko, sa paggamot di lang mga pisikal na sugat pero pati ang mga hinanakit ng puso. Super Tatay na walang sawang sumagot sa mga tanong ko, mga pangungulit at nasanay sa mga biglaang pagyakap. Sa lahat ng adventures at sa walang sawang pagsuporta, thanks Dad, happy birthday and I love you!




Part 2/10 Ten by Ten*

*Part of the Ten by Ten series. Ang pangako kong magsusulat muna ng 10 blogs bago bumili ng bagong laptop. (Kung may pera na!)



Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay