Friday Night = Get Wild

Last Friday, napuyat ako.

Syempre, Friday night! Sabi nga nila kapag, TGIF, it’s time to go wild! And I did go wild with my horses! Nagpipinta ako ng mga kabayo.
From old wood to a bright yellow+white, with a hint of green. 

Oo, napipinta. Oo, ng mga kabayo.

11 pm na, nakaupo pa rin ako sa garahe ng bahay. Sa ngayong buwan ng Mayo, masyadong mainit para magtrabaho sa hapon kaya sa gabi ang schedule ko ng pagpipinta.

Dating tambakan ng sapatos
May mainit akong dark chocolate Swiss Miss, katabi ang mga 1 liter can ng Davies at Rain or Shine odourless paint. Kukunin ang mug sa kaliwang kamay, paintbrush sa kanan at ang lumang, gula-gulanit na pink panty bilang basahan sa aking hita.

Makabulag red in color na!
Mga 8 months ago, nang nagkaroon akong chance na lumipat at iconvert ang tambakan naming kwarto para maging akin. Halos 8 months na rin akong nag-aayos, nagliligpit, nagpipinta ng pader, nagre-reorganize ng furniture, bumibili ng pandekorasyon. Ngayon ang trip ko naman, mag-refurbish.

Noong nakaraang linggo, pininturahan ko ng kulay pula ang lumang lamesa na naging tambakan ng sapatos. Nang matapos ko, wow gumanda! Ang lumang naitsapwerang lamesa, pwede palang maging mini book shelf at side table.

Ang working project ko naman ngayon ay 2 pirasong book end na may sculpture ng ulo ng kabayo. Ang dating kahoy na natambak na sa gilid, ginawa kong white+yellow combo ngayon.

Kalmado akong nagpipinta, natutuwa rin ako sa ginagawa ko.  Tas naisip ko, “TGIF ngayon. Shit.”

Tsaka ko naisip na para sa mga ibang ka-edaran ko ang ibig sabihin ng TGIF ay mag-YOLO sa wild night life. Nababasa ko ang sikat na party place ngayon sa BGC, Valkyrie. Nang mabasa ko at makita ang pictures, sabi ko, ano kaya ang feeling pumunta roon?  

O sige, let’s imagine. Imagine me na may suot akong mas maiksi pa sa pekpek na pekpek shorts o mas hapit pa kaysa sa swimsuit na cocktail dress. (Ba’t parang masagwa?). Hawak ang shot glass sa kanang kamay at may isang unknown hand “by some dude who I met a few minutes ago” na humihimas himas sa crispy pata ko. Well, after a few shots of *insert sosyal drink name here* of some mojito/tequila mix I’m kinda tipsy na but still doing the rave sa house party music by the *insert cool name ng DJ here*.

Wait. Parang hindi ako ‘yun. Kung papapiliin uli ako kung how do I wanna spend my Friday night, dito pa rin sa garahe namin, umiinom ng Swiss Miss at puno ng pintura ang kamay. ``

Doon ko na-realaize na sa edad 21, iba-iba ang trip natin, iba-iba ang ginagawa sa TGIF.

Mayroon naman nagro-rounds ng inuman, magigising ng madaling araw na hindi matandaan ang kahalikan. May mga kakilala akong magulang na, nasa kaliwang kamay ang lampin at nasa kanang braso ang maliit na baby. O may mga nagsu-summer classes pa rin, kaliwang kamay ang di mamatay-matay na 3-in-1 coffee at nasa kanan ang scientific calculator.  May mga nanunood ng last full show ng sine sa SM, kaliwang kamay sa popcorn at kanang kamay sa softdrinks. O tuwing nagpapaprint ako ng resume may mga lalaki pa rin ang  napupuyat sa computer shop kasama ang kabarkada sa Dota 2, parehong kamay ang nasa keyboard.

At dahil iba-iba tayo nang mga ginagawa, nairyan din syempre ang mga go-getter at mukhang nagiging successful na ang life. Hindi maiwasan na sumama ang loob ko kapag nababalitaan kong ang ibang mga kakilala o dating kaklase, ang may mas magandang trabaho, nasa big time na kumpanya. Nakapunta sa ganitong bundok, o iniisa-isa ang mga isla mula Visayang hanggang Mindanao. Ang kapitbahay ko na ang trip naman ay snorkelling o wind surfing. Mga ilang Facebook friends na ang picture ay puro pasarap sa buhay at mga mamahaling pagkain.

May mga umagang nagigising ako at napapatanong ako ng “may mali ba sa akin kasi hindi ako katulad ng iba? May mali ba sa ginagawa ko, o I’m not doing enough?”  Madalas kasi napre-pressure ako (malamang ikaw rin, aminin!), ‘yun tipong nagsco-scroll ka lang sa Facebook o instagram, tas nakikita mo ang iba na ang yaman, bumibili ng ganito ganyan, successful na ang negosyo, natanggap sa workshop na ganito, graduate ng MA degree, nasa kung saang 1st world country na at lahat ng kung ano-anong kapag nakita mo biglang naalog ang puso at utak mo.

 “Anyare sa akin? Tamad ba talaga ako?! Bum na ba ako forever? ”

Hanggang ngayon may mga araw na down ang pakiramdam ko, hindi pa rin alam kung saan tutungo ang buhay pero sigurado ako na ang sagot sa aking mga katanungan ay hindi.

Kahit ano pang gawin ko, may lalamang sa akin at mayroon din naman magkukulang. Natututunan ko na hindi porke’t mayroon siya, mayroon din ako at hindi porke’t ‘yun ang ginagawa niya kailangan ko rin gawin. Dahil nagkakaiba ang mga hilig mga pangarap natin, malamang hindi copy+paste ng buhay ng ibang tao ang magiging buhay ko. Hindi siya pirated copy na movie na pwedeng pagpasa-pasahan sa usb. Hindi pwedeng i-forge o gayahin. Hindi ako tamad, walang pakinabang o palamunin ng lipunan, sadya lang may ibang life path lang si Lord para sa akin.

Eh sa kung gusto kong magpinta ng mga furniture ngayong bum ako eh! I am not a lesser person cause I can be great in my own ways.

Ta-da!!!
Kaya eto people, okay lang, I repeat OKAY LANG kung hindi kapareho ng iba  ang estado mo sa buhay ngayon. Okay lang kung may mga gabing hindi ka makatulog at ramdam ang pagkalito sa tanong na “Anong gagawin ko sa buhay ko?”

               Hindi ko pa rin alam ang sagot pero base sa mga words of wisdom ng mga nakakausap ko, kaibigan o mga kamag-anak,  kanya-kanyang timing ang pagdating ng mga hinihintay natin, walang speed requirement sa pagtakbo ng buhay  at lalong walang kabayong hahabol sa’tin para sipain sa pwet at milagrong sisigaw ng “ang kupad mo naman!”

Kaya okay lang dahil buhay ko ito at buhay mo iyan, kanya-kanyang trip lang every Fridays ito.  At ngayong Friday ulit, nasa bahay pa rin ako at nagsusulat, dahil ito ang trip ko. Katulad nang pagpinta ko sa kung ano-anong furniture namin ay mga bagay na hindi ko ipagpapalit sa kahit ano. :)




Comments

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay