May Tsansa sa “Gusto kita”


 Kinakabahan ka. Sobra, bonggang-bongga.

Kaninang last 15 mins ka pa nakatayo as harap ng gate ng NAIA terminal 1. Iniintay na baka isa na siya sa lalabas. 30 minutes ago na nag-touch down ang eroplano mula sa John F. Kennedy airport, New York.

Ang ganda-ganda mo ngayong araw, Maria! Kakagaling sa hot oil kahapon at plantsado ang buhok, ayos ang kilay, tamang eyeshadow, blush sa pisngi at kulay pink na lipstick. Suot mo ang bagong dark blue dress na may print ng mga bulaklak, kapartner ang blue na may gold linings na flat shoes. Perfect na perfect ang suot mo sa matamis na pabango, nga lang pinapawisan na ang mga palad mo.

Disyembre 2014, malamig ang simoy ng hangin pero alam mong pag nakita mo na siya, may magpapainit na ng Paskong ito. Kaunting tiis pa Maria, malapit na!



Naalala mo ang pangako niya sa’yo isa’t kalahating taon na ang nakakaraan, “I’ll meet you one day. I promise. I have to meet you.”

Simula nang magkakilala kayo sa online internet game, madalas kayong nagkaka-usap. Game chat lang, hindi mo alam ang itsura niya, hindi ka niya kilala, di pa kayo friends sa Facebook. Hanggang isang araw, matapos ang dalawang buwan, aba akalain mo! Biglang hiningi niya ang email mo, naiintriga daw siya sa’yo, ang masayahin mong pakikipag-usap, ang pagiging mabait mo sa iba niyo pang kasama sa kalaro. Edi sige binigay mo naman. Malay mo ba? Naandoon ka para maglaro at magpalipas-oras, sinulatan ka niya ng isang email, sumagot ka at nagtuloy-tuloy na! Hindi ka naman nag-sign up at gumawa ng profile sa online dating site, never mo naman naging hobby ang mamingwit ng mga foreigner na lalaki.

1st time in your life na hindi ka naghahanap ng papa. Single ka at single siya, parehong nasa tamang edad na, maliban sa distansya, ano nga naman ba ang problema? Sabi nga, kapag darating, darating talaga. Ang Diyos nga naman, mahilig talaga sa sorpresa.


Hindi siya marunong mag-Tagalog pero sinusubukan. Madalas nakatambay siya sa Google translate, pangarap niya raw na makausap ka sa Filipino at isang gabing nagcha-chat kayo, bigla niya na lang sinabi ang mga katagang ito,

 “Gusto kita”

Kumurap-kurap muna ang mga mata mo. Saka nagreply ng, ”Omaygad”

“Seryoso ako,” dagdag niya pa.      
                                                             

Nagpapalitan ng pictures, kung ano ang suot niyo sa araw na ito, ang turquoise mong polo pang-job interview, ang red na tshirt niyang may print ng isang vintage car, isinukat mo para sa kanya ang bagong dress na nabili mo sa SM at ang bago niyang puti na Nike rubber shoes. Ipinakita mo ang tricycle at jeep, ipinakita niya sa’yo ang matataas na Times Square buildings at Brooklyn Bridge.
 
Nagkaalaman na hindi mala-model ang itsura niya, malayo sa pinapangarap mong mala-David Beckham o Brad Pitt, mukha nga siyang Chinese! At kahit Maria ang pangalan mo, malayo ka rin naman sa Pilipinang beaut nila Erich Gonzalez o Kathryn Bernardo, mukha ka rin Chinese! Nawawala ang mga mata niyo kapag tumatawa!

Minsan pinadalhan ka niya ng picture ng binili niyang ulam, steamed  fish daw,  nang makita mo alam mo ang isdang ito! Tilapia! “Yes, its tilapia here too.” Sa lahat ng bagay na magkaiba sa inyong dalawa, may mga bagay pa palang pareho katulad ng pangalan ng tilapia. Bigla mong naisip na kung pwede kang maging tilapia, para maka-abot rin sa kanya. Steamed ka nga lang! Nakakaloka!


Ang unang pag-uusap niyo, hindi lang umiikot ang buong sikmura mo sa kaba kundi parang umiikot na rin ang buong mundo. Hindi ka makapaniwala. Iba pag nakakakilala ka ng tao sa personal tapos makakausap mo lang siya sa telepono. Pero iba kung hindi mo pa siya nakita o nakilala sa personal at ang unang tawag ang tanging iyong mapanghahawakan.

Pakiramdam mo, nalulunod ang sarili mo sa boses niya, napakaganda at malalim. Pakiramdam mo kinakausap mo ang narrator ng mga pelikula. Sabi mo pa, “I feel like I’m talking to God!” ang lakas ng tawa niya! Kakaiba ang accent niyang New York slang, minsan kapag hindi mo maintindihan ipapaulit mo ang salita, ‘tohgeda’ para sa ‘together’, ‘sheewld’ para sa ‘shield’. Matutuwa rin siya sa accent mo, ang pagsabi mo ng “polyusyon’ para sa ‘pollution’, ‘reprijehreytor’ para sa ‘refrigerator’.

Naalala mo ang gabing napag-usapan niyo kung ano kaya ang feeling na magkaroon ng tsansang mahalikan ang isa’t-isa. Nagpapalitan na kayo ng good nights nang bigla niyang sinabi ang “mwaaaaah!” sabay tawa niyong dalawa. Isa sa pinakamasarap na tulog ang sumunod matapos ng usapan.

Itinataguyod sa Skype at FaceTime ang inyong 2 oras na internet dates. Minsan, kapag hindi na kinakaya ng PLDT 1mb plan P999 internet speed mo, magiging choppy pa ang usapan. “Nooooooo, I can’t lose you!” madaramang pabiro niya pero alam mo Maria, na sa mga pagkakataong ito pwede palang maging totoo ang mga biro.

Ganito umiikot ang pag-uusap niyo, kakatuwang maliliit na bagay. Napag-uusapan niyo ang pwet ni Nicki Minaj, ang love life ni Kim Kardaishan, ano ang pakiramdam ng snow para sa kanya at gaano kaganda ang mga beach at bundok dito. Mapapalitan ng lungkot at tahimik na iyakan, kapag nagkwento na siya tungkol sa yumaong nakababatang kapatid at tatay. Kukuwentuhan mo siya Maria, ng mga pangarap mo, kung paano mong gustong magtayo ng foundation kapag yumaman ka at gaanong kahirap ng sistema sa Pilipinas.


Sa layong 8,500 miles, paano niyo isasalba ang panliligaw na hindi mabibigyan ng chocolates o bouquet ng rosas, na hindi kayo makapag-date at hindi niya pasimpleng hahawakan ang iyong basang kamay sa madilim na sinehan. Heto ang gusto mo at inaasahan mo noong dalaga ka, paano ka nga naman kikiligin sa taong hindi mo nahahawakan, natitignan ng diretso sa mata o lalaking nasa kabilang dulo ng pacific Ocean?

Doon mo na-realize na kaya pala kahit ilang oras kang tumambay sa mall, magbikini sa Bora o pumunta sa mga party, wala siya. Hindi makita-kita. Hindi siya narito dahil tukso ng mga kakilala, kulit ng mga magulang, sa reto ng kaopisina o sa tama ng alak. Hindi nagkamali at walang nangyaring disgrasya, narito kayo dahil buong puso at utak na pinili niyong dalawa.

Gusto ka niya sa masayahin, magaan, mabait at simpleng pag-uugali mo, iba sa mga babaeng naka-relasyon niya sa Amerika. Gusto mo siya dahil sa mga maganda niyang prinsipyo sa buhay, pagsuporta sa’yo, malakas na pananaw at kagandahang loob. Napapatawa mo siya at nasasabihan ka niya ng mga storya na walang ibang nakakalaam.

Kaya titiisin mong magsulat ng email sa tricycle sa gitna ng traffic o ang makatulog sa non-aircon bus sa EDSA dahil napuyat kang kakakausap sa kanya noong nakaraang gabi. Nahirapan kayong pareho, bakit hihintayin ang isa’t-isa kung marami naman nasa paligid? Nasasaktan kayong dalawa, dahil posible palang ma-miss ng sobra ang taong hindi mo pa nakikita.

Buti na lang tang 2014, basta may wifi, buhay kayong dalawa! Kahit gano kalayo, kahirap o nababalot ng kawirduhan ng sitwasyon, sa huli kayo ay dalawang tao na may pusong dahan-dahang tumitibok para sa isa’t-isa ilang libong milya man magkalayo.

Nagkasundo kayong tignan kung saan hahantong ito at subukan kung may tsansa dahil sa piling ng isa’t-isa, kakaiba.

Ganito pala ang sinasabi nila na parang itinali ang puso mo ng napakatibay na sinulid para ibuhol sa kanya. Ang pakiramdam na hindi mo ma-explain, na kahit ilang salita ang isulat ko Maria, tanging ikaw at siya lang ang makakramdam ng purong saya.


Naiinip ka na. Malamig na ang simoy ng hangin at maaga nang nagdidilim.

Pasulyap-sulyap ka sa glass na pinto, maraming foreigner ang lumalabas. Mga mapuputing Kano na may blonde na buhok, karamihan din ang mga humihiyaw na OFWs na may dalang 2 o 3 balikbayan box.

Hinga, breathe in, breathe out. Any second now.

Lumabas ang lalaking naka-puting rubber shoes, red na tshirt at may itim na jacket. Nakita ka niya, huminto siya sa paglalakad. Kumaway ka na ginantihan niya rin ng kaway. Dahan-dahang kang naglakad papunta sa kanya. Kitang-kita ang napakalaking ngiti sa labi niyo. Ang lalaking inintay mo at nasanay kang kausapin sa screen ng mabubulok nang iPhone4, ngayon nasa harap mo na.

Ikaw at siya.

                Ibinagsak niya ang malaking duffel bag sa sahig.

                “Finally, hi” mahinang sabi mo, Maria.

              Inabot niya ang nanginginig mong mga kamay, hinatak palapit sa kanya. Nagmamadaling tibok ng puso sa parehong dibdib.

Tinignan ka niya sa mata, “I've been waiting for this.”

First time mong narinig ang totoong boses niya, katulad noong una, pakiramdam mong umiikot ang iyong sikmura at pati na rin ang buong mundo.

Hinawakan ka niya sa pisngi at tuluyang lumapit.

Yumuko siya para sa’yo, pinikit mo ang mga mata at nang makaramdam ng malambot na labi, doon Maria, doon mo nakalimutan kung paanong huminga.



*Ang istoryang ito ay opisyal na entry para sa Saranggola Blog Awards 6. Para sa Maikling Kwentong kategorya na may temang 'kilig pag-ibig'. 




Comments

  1. Very nice. Maganda ang technique, and na-develop ang mga character. Tuloy-tuloy kong nabasa, walang hinto. And hawak mo yung damdaming namamayani sa kuwento. Ito pa lang ang nababasa kong Maikling Kuwento sa SBA 6, pero mukhang winner na ang piece mo. Sana hindi mabasa ng ibang kalahok, baka nerbiyosin sila sa galing ng pagkakasulat mo. ;-)

    ReplyDelete
  2. Follow-up comment lang to. I've read about 5 or 6 other short stories na sumali sa Maikling Kwento category, and to be honest, entry mo pa rin ang number one bet ko. Itong gawa mo ang naging standard ko. I'll be upset 'pag di napili ng mga hurado ang story mo para sa top spot. Magaling din yung isang story mo last year ("Retaso"). Gawa ka pa ng ibang kwento. *thumbs-up*

    ReplyDelete
  3. Maraming salamat Del!!! :) Naku, nakakatuwa naman po ang comment niyo! Masaya na akong may nakabasa at naka-appreciate nitong piece, malapit po sa puso ko ito! Opo, gagawa pa ako ng maraming kwento! More power! Sana makausap ko rin kayo sa real life ;)

    ReplyDelete
  4. Nakakarelate ako nang husto sa kuwento mo, Giselle, dahil LDR din kami ng misis ko. Andito ako sa NJ, habang nasa Pinas naman siya kapiling ang baby girl namin. Nagbakasyon ako dyan last month, and kababalik ko lang dito last week. Sa JFK din ang airport ko (mas mura kasi kesa sa Newark, mas malayo nga lang).

    Anyway, Good luck talaga sa entry mo. Balato ha 'pag nanalo. :P

    PS. Ngayon ko lang nalaman 'tong SBA. Next time sasali rin ako. :P Kelan ba ipa-publish ang winners? Parang nabasa ko, ngayong December. Ngapala, sana hindi naman kayo gaano apektado ng bagyo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. More power po sa inyo ni misis and baby girl! :) Mahirap man, kakayanin para sa pagmamahal! Charot! haha, Sir Del, san niyo po pala nakikita yun list ng entries? Gusto ko rin po mabasa yun iba, hindi ko po makita sa Saranggola Blog Awards site. Salamat po!

      Delete
  5. Giselle, wala 'atang list of entries sa site ng SBA. Nag-random click lang ako sa mga old entries, hanggang sa napadpad ako sa isang site na may entry sa SBA 6. Tapos may comment do'n, sinundan ko na lang, tapos 'yon, tuloy-tuloy na. Narito ang mga ilan sa mga nabasa ko.

    --------

    Bagotilyoako’s “Dreamcatcher”
    https://bagotilyoako.wordpress.com/2014/11/12/dreamcatcher/

    Dr. Eamer’s “Ang Crush Kong Blogger”
    http://iamdoctoreamer.wordpress.com/2014/11/15/ang-crush-kong-blogger/

    LipadLaya’s “Ang Kwento Nating Dalawa”
    http://lipadlaya.wordpress.com/2014/11/15/ang-kwento-nating-dalawa/

    Metaporista’s “Sa Likod ng mga Libro”
    http://metaporista.wordpress.com/2014/11/10/sa-likod-ng-mga-libro/

    Modernong Pluma’s “Paraparaang Pumapag-ibig”
    http://modernongpluma.wordpress.com/2014/11/14/paraparaang-pumapag-ibig/

    Princessnin’s “Ang Love Story Ko”
    http://princessnins.wordpress.com/2014/11/15/ang-love-story-ko-2/

    Simpleng Manunulat’s “First Girlfriend Ever”
    http://simplengmanunulat.blogspot.com/2014/10/first-girlfriend-ever.html

    Tuyong Tintang Bolpen’s “Throwback”
    http://www.tuyongtintangbolpen.com/2014/11/throw-back-maikling-kwento.html

    ---------------

    Mahuhusay din yung mga gawa nila. Siguro may isa o dalawang istorya ang stand out sa mga nabasa ko sa taas. Pero tulad ng nasabi ko na, yung gawa mo pa rin ang pinakagusto ko. Sayang at ngayon ko lang nadiskubre itong SBA, maganda pa naman ang tema ngayong taon. :-P Yung mga nanalo nang mga nakaraang taon, pansin ko yung iba hindi sumali this year sa Maikling Kwento Category (tulad ni Duking of https://duking.wordpress.com/)

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Iris and Will – Their Super Amazing Wedding!!!

Chippy at Pula

Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay