Graduation+SAD = Beer
Sa huling gabi ko sa dorm, uminom
ako ng beer. Sa mga ganitong panahon lang ako nagiging clingy. In 2 days graduation ko na, parang time bomb.
Pag-uwi ko sa
dorm kanina, ako na lang mag-isa. Ang isa nag-move out na. Ang 2, ayos na ang
gamit at ipi-pick up na lang. Ang natitirang 2, babalik bago mag-march 31. Nakapag-1st
wave na ako ng move-out, aayusin ko na ang iba pang natira para sa 2nd
wave. Natulog muna ako, pagkagising ko, naisip ko..huling gabi ko nang matutulog
dito.
Naisip ko bigla,
ang street ng V. Concepcion, ang ingay ng mga estudyanteng nagtatawanan, mga
traysikel, si kuyang sumisigaw ng ‘balot’ sa gabi. Naisip ko itong masikip na
kwarto, kung paanong sa dalawang taon, ito ang naging bahay ko. Ang pagpupuyat
sa malamig na aircon, ang mga kasama kong di natatapos ang alaksakahan, pati
ang tatlong ate na nagbabatay ng dorm at si kuya guard na lagi kong kabatian ng
‘good night’. Kakagising na kakagising, naisip ko yan. Haruuuy, ilang minuto
pa, sumakit na ang ulo ko, hindi ko alam kung maiiyak ako o ano, ang dami kong
mami-miss. Pamilyar ako sa pakiramdam na ito.
Nagsisimula na
akong magtapon ng mga papel (karamihan school related doodles) na nakakalat sa sahig, nang kumirot na ang ulo ko. Hindi
ako sigurado kung itatapon ko na ang ibang bagay o hindi. Nalito na ako. May
tinapon ako at kinuha uli. Yun pulso ko nasa ulo na. Breathe, in and out, in
and out. Shet. Heto na nga. Inaatake na ako. Separation Anxiety, once again.
Kaya pala, iyak
na ako ng iyak sa dorm noong nag-eempake ako.
Separation
anxiety ang kundisyon kung saan hindi agad maka-get over sa tao o pangyayari,
maaring mag-panic o mag-break down. Sabi
sa Wikipedia, “Separation anxiety disorder is the inappropriate and excessive
display of fear and distress when faced with situations of separation from the
home or from a specific attachment figure”. In 3 days, graduation ko na sa
college. Heto na, finally, matatapos na. Ako lang ata ang hindi excited. Shet.
Humihinga nga
ako ng malalim. In and out. Ka-chat ko
sa facebook ang kaibigan na si Jesse (not his real name, chos), sinabi kong
inaatake ako ng Separation anxiety disorder (SAD).
Tinanong niya ‘you
want me to come over?’, ilang kanto lang ang layo ng bahay niya mula sa dorm. Sabi
ko may curfew ako sa dorm in an hour. Pero di ko talaga matiis, baka mabaliw
akong mag-isa dito. Kaya inaya ko siyang maglakad kahit 9:10pm ng gabi. Nagkita
kami, gusto ko ba daw uminom? Sige, dahil last night ko na dito at patapos na
ang college life ko. Pumunta kaming 7-11, nilibre ko ang Colt 45 niya at San
Mig Light para sa akin.
Ikinuwento ko sa
kanya, kung paanong grade 1 pa lang ako
nagsimula ‘to. Araw-araw tuwing umaga, iiyakan ko ang magulang ko para di pumasok.
Yayakap ako sa hita ng tatay ko habang nagbibihis siya ng polo na pang-bangko.
Tuwing flag ceremony, nakatitig ako sa wallet na may family picture namin. Ayaw
ko ng feeling ng mawawalay, parang may mali, may kulang, lagi akong takot. Hindi
ko alam kung bakit, basta ayaw ko lang.Parang gripo ang luha ko. Iyak ng iyak,
singhot ng singhot. Alam ng buong klase at suki ako sa Guidance Center. Hanggang
sa kada-buwan, binibilhan ako ng bagong backpack ng nanay ko para i-bribe akong
pumasok. Sabi ulit sa Wikipedia “It is estimated that nearly 75% of children
with SAD exhibit some form of school refusal behavior.” Napalitan na ng inis
ang awa ng magulang, naka-get over naman ako eventually, after mga 2 years. Pero para sa 6 yrs old, ang hirap kaya tiisin
ang araw-araw na pagpasok.
Dapat siguro
pina-check up nila ako dati, ngayong college ko na lang nalaman na Separation
Anxiety ang kundisyon ko, na normal sa mga bata. May mga therapy at behavioural
treatment palang available. Nalaman ko lang nang sabihin sa akin ng nurse kong
ate. Hanggang ngayon, paminsan-minsan, nararamdaman ko pa rin ‘to. Sa mga
panahong, uwian na mula sa 3-day provincial outing o noong matapos ang OJT ko
sa GMA o kahit mismo yun mamamsyal kami ng pamilya ko sa Makati, tas nasa kotse
kami na pauwi ng mga 9pm.
Pakshet, iba
talaga yun feeling. Parang aagawan ako ng stuff toy, parang aagawan ako ng spaghetti
sa birthday party. Feeling na may inaalis sa akin, parang kukunin ang puso ko o yun feeling na may iiwanan ako. Separation anxiety disorder.
Ang mismong
nararamdaman ko ngayon. Kung dati, ayaw ko pumasok. Ngayon, ayaw ko pa mag-let
go. Ayaw ko mag-let go sa UST, sa mga kaibigan, sa school works. Pagkatapos ng
graduation, wala ng comfort zone, heto na yun life. Di ko alam san ako pupunta,
di pa ako ready. Kinuwento ko to, habang naglalakad na kasama si Jesse. Wala akong nakuwentuhan niyan, akala ko kasi
dati, normal o wala lang. Ngayon na lang uli naging intense ng feeling.
Lumihis ang
usapan tungkol sa sinementong daan ng Dapitan, sa mga telephone line at
kuryente line, kung naniniwala ba siya sa Alien, na naniniwala kaming pareho sa
posibilidad na may mermaids, kung bakit
walang stars sa Maynila. Tumawid kami pa-Laong Laan. Sinama ko siya sa ‘favourite
place’ ko, sa grotto ni Mama Mary. Sa kaliwang kamay, hawak ko ang lata ng
beer. Ang kanang kamay, nakahawak sa paanan ng birhen. The irony. Bumalik na kami sa tapat ng dorm,
naka-upo sa hagdan. Inaantay kung magsasara na ang dorm. Sabi ko, heto ang mga
panahon na gusto kong i-freeze ang moment . Gusto kong tumigil muna ang mundo
at tumuloy na lang siya sa pag-ikot kapag ready na ako. Pero gagalaw ang
orasan, patuloy ang life. Kung hindi ako sasabay, maiiwan ako.
Alam kong
naiintindihan ito ng kaibigan ko. Kung nararanasan ko ang SAD, mayroon naman siyang depression. Sabi ulit sa Wikipedia (bakit ganito ang
sources ko hahaha), “Depression is a state of low mood and aversion to activity
that can affect a person's thoughts, behavior, feelings and sense of well-being.”. Alam ko kung paanong niya
nilalabanan ito, pag nagkakausap kami, tinatanong ko kung kamusta na siya. Kung itutuloy niya ba ang pag-aaral, kamusta
ang pagpapa-check up sa duktor, ano ang pinagkakaabalahan, kung bumalik na ba
siya sa pagtugtog ng gitara. Ganito rin siguro ang naramdaman ng 6 yrs old na
ako.
Sinabi ko sa
kanya, na lahat tayo, broken in some way. Marahil dahil may SAD ako at may
depression siya. Pero hindi lang yun, dahil kahit sinong matino at successful ,
may pagkukulang at may kinakatakutan. Na mahinang specie ang tao, hindi tayo
ganoon katalino, kalakas o ka-manhid para labanan ang kumakain na lungkot. Maaring may pangalan lang ang kundisyon naming
dalawa, pero lahat tayo nakakaramdam na parang aagawan tayo ng stuff toy o
spaghetti sa birthday party o parang nanakawin ang puso natin o yun feeling na may iiwanan ka.
Kung gaanong
kalakas ang loob ko o karaming narating at ginagawa o kahit napakamasiyahin
ako, dumarating ang pagkakataon na - wait lang, hindi ako okay at nalulungkot
ako. Nalulungkot ako, kasi puputulin na ang hirap at saya na nakasanayan ko ng apat na taon. Kinakailangan nang bitawan at mag-move on. Ang importante lang ay nakakatayo at nakakalakad ka pa rin. Push lang,
tuloy pa rin! Huwag magpapakain sa lungkot, isipin ang bright future ahead.
Minsan lang, ang
tanging kailangan mo, ay taong makakausap at makakaintindi sa’yo plus isang can
ng malamig na beer.
I’m fighting off
the college separation anxiety kaya sinulat ko ‘to at para bumaba rin ang amats ko.
Pagkatapos, magliligpit na ako ng dorm. Sumasakit pa rin ang ulo ko at nararamdaman ko pa rin ang SAD, pero gogogogo!
Ang di ko lang
maintindihan, sa mga experiences lang ako nagkakaganito, hindi sa mga tao.
Dahil katulad nga ng sinabi ko sa dorm mate, “mas madaling mag-let go sa boys
kaysa sa college”
Char! In 2 days, tapos na ang 4 years ko sa college. Super saya ko lang siguro sa college kaya ganito ako. Mas mahirap mag-let go kapag kakaibang happiness ang naramdaman mo. I wouldn't change anything. Dahil sa
totoo lang, masaya akong ga-graduate na ako! Here’s to moving on!
GA-GRADUATE NA AKO! PAKSHEEETTTT! :)
GA-GRADUATE NA AKO! PAKSHEEETTTT! :)
Comments
Post a Comment