Posts

Showing posts from November, 2012

Kulay

“Oi, saan room tayo?” - Sa kuwartong madilim, mailap ang tingin. San ilulugar ang mata, sa’yo? Pwede ba? “Nahiya yung polo ko.” - Kung may award sa polo na pinaka-pino ang plantsa, panalo ka na.  Dahil kung ako pagpa-plantsahin ng ganun, malamang lalabas ka ng bahay na naka-sando lang. “Ang bango!” - Musk, dark musk, ang sabi nila. Surf o Tide, para sa akin. Malayo ako para masiguro ang bango. Masyadong malayo. “Okay ka lang?” - Kinabahan ako. “Uwian na!” -  Patuloy na lumalim ang gabi, naghiwalay ang ating landas.  Ako palabas, ikaw paakyat. “Bawal sumakay diyan.” - Kakulay ng polo mo ang elevator.  Ninais kong makita na suot mo ang kulay na ito: maamo, maaliwalas, parang may ginhawa ang bukas. “Ano na?” - Unti-unting nagsara ang mga pinto ng makinarya. Hindi lang para sa akin ang kulay ng langit. "Tapos?" - 

Pagtitiis

Namula ang aking daliri, di nagtagal nangati na ang paligid. Tinanggal ko ang metal, pero kailangang ibalik. Ipinilit. Inikot-ikot. Para lang matahimik. Ito ang utos ng Diyos, bawal ang sumibat. Patuloy na nagreklamo ang manipis na balat, nagbanta ng pagsusugat. Di nagtagal, konsensiya’y kumampi sa maliit, malambot at batang-bata na daliri. Ninais kong itago pero ipinaubaya ko sa maruming ilog, ang paglunod sa alaala ng kumikinang na diamond. Initsapwera ang ‘kasalanan’, Sa wakas, nakahinga ang katauhan. Eh anong magagawa ko? Allergic ako sa wedding ring.

Resibo

Ang tanging maitatago ko lang ay isang pirasong resibo na may sulat-kamay mo at pirma ng iyong amo. Natatandaan ko pa ang iyong mga matang puno ng interes, ang kala’y masungit na itsura pero sa harap ko’y palangiti. Ang hindi kagwapuhang mukha, na nababawi ng iyong matipunong tindig. Namatay na nga pala ang alaga kong goldfish.  Wala na akong rason para bumalik. ________________________________________________________________ Binalot ng init ang ating mga katawan. Hindi nakatulong ang pag-alburoto ng kulob na lugar sa palubog na araw. Basa na ang manipis kong panyo. Kulang sa biyaya ng aircon ang sunod-sunod na pasilyo at tabi-tabing tindahan.  Hindi ko naintindihan ang sinabi mo. Mailap ang mga kilos mo, mailap naman ang mga mata ko. Hindi ako makatingin, hindi ka naman makadikit. Walang magalawan, kaya wala rin tayong nagawa kundi tumuon sa isa’t-isa. Pang-apat na beses ko nang pinaulit ang sinasabi mo, kaya natawa na lang ako. Tumawa  ka rin. T...