"Pagod na ako Dina." "Ayan, pagod na naman. Yan lang ang nararamdaman mo. Pag-uwi, pagod. Pag may sasabihin ako, pagod. Pag nasa kama tayo, pagod. Ako rin napapagod! Subukan mo kayang magluto ng kanin kung hindi ka mas mapagod?" Umupo ako sa silya. Lalamig na naman ang hapunan ko, papalamigin ng pagtatalo. Pero sa pagtatalong ito, si Dina ang host habang ang audience ay ang pulang itlog, kamatis at ako. “Hay, nako. Sabi na eh...” tuloy ang satsat ni Dina. “..pakiramdam ko lagi na lang akong dumedepende sa’yo...” tuloy din ang subo ko. Sana may tuyong kahalo ang plato, o kaya naman sardinas. “.. rice cooker, refrigerator o plantsa!” Pagkatapos nito, mahihiga na ako. Maaga pa ang call time ko bukas, bibisita raw ang Regional Head. “Ramon! Nakikinig ka ba?!” sigaw ni Dina. “Teka, eh bakit ba nasama na naman ang appliances sa usapan?” “Aba, eh pano yan ang hindi mo mabigay sa akin! Kahit rice cooker lang, dyusko sa tingin...